Inihudyat ng mga kampana ang misa sa hatinggabi nang palihim na nagtungo si Basilio sa gubat ng mga Ibarra na ngayo’y pag-aari na ni Kapitan Tiago. Paliit na ang buwan, ngunit hindi nakahadlang ang dilim upang marating niya ang luma’t sira-sirang moog na may isang malaking balete sa gitna nito. Huminto siya sa tapat ng isang bunton ng mga bato, nag-alis ng sumbrero, at umusal ng dasal. Doon nakalibing ang kanyang ina.
Naupo siya sa isang tipak na bato roon, natigilan at mayamaya pa’y nalunod siya ng gunita, may labintatlong taon na ang nakalilipas nang pumanaw ang kanyang ina sa lugar na iyon. Duguan, papilay-pilay niyang nasundan ito sa libingan ng mga Ibarra, baliw na wari’y tinatakasan siya, ngunit bago nalagutan ng hininga, nakilala’t nayakap siya nito. Masayang araw ng Pasko noon at nagniningning ang buwan nang gabing iyon.
Isang sugatang lalaki ang dumating, pinagtipon siya ng tuyong mga sanga ng kahoy para gawingsiga; nangsiya’ y magbalik, isa pang lalaki ang dinatnan niya, nagpatulong sa pagpapaapoy ng isang siga at sinunog nila roon ang bangkay ng lalaking unang dumating. Saka tinulungan siya nitong ilibing ang kanyang ina. Matangkad ang lalaki, may mga matang mapupula, labing maputla, at matangos na ilong. Binigyan siya nito ng salapi at pinaalis sa lugar na iyon.
Ulilang lubos, ipinasya niyang pumunta sa Maynila at tulad ng iba, nagtrabaho roon at nakapag-aral. Iniwasan niya ang mga gwardya sibil sa kanyang paglalakbay at mga prutas lamang sa gubat ang nagligtas sa kanya sa gutom. Gusgusin na at may sakit nang sapitin niya ang Maynila. Nagbahay-bahay siya para mamasukang alila, malungkot at gutom na nagpalakad-lakad sa mga lansangan, naging desperado at ibig pasagasa sa mga kabayong parang kidlat sa pagtakbo. Swerteng nakita si Kapitan Tiago, kasama ni Tiya Isabel, kaya sinundan ang karwahe at sa ilang pagtatanong, natunton ang bahay nito sa Binondo. Kapapasok lamang noon ni Maria Clara sa kumbento, malungkot ang kapitan, kaya nang magprisinta si Basilio ay tinanggap agad, walang sweldo, ngunit may pahintulot na mag-aral siya sa San Juan de Letran.
Dukha ang pananamit, marumi ang hitsura at nakabakya lamang, nagpatala si Basilio sa unang taon ng Latin. Nilayuan siya ng mga kaklase at napapakunot-noo ang gwapong guro niyang Dominiko sa tuwing makikita siya. Hindi kailanman siya natawag sa klase at ang tanging salitang nabigkas niya sa loob ng walong buwan ay adsum o narito! sa tuwing magtatawag ng pangalan ang guro. Alam niya ang dahilan kung bakit ganoon ang pakikitungo sa kanya. Pait sa bibig, pangingilid ng luha sa mga mata, at ilang pigil na panambitan lamang ang naitutugon niya. At sa tuwing makadadalaw siya sa libingan ng kanyang ina kung isinasama siya ni Kapitan Tiago sa pag-uwi sa San Diego, tumatangis at naghihinagpis siya sa ibabaw ng puntod nito.
Gayunman, isinaulo niya ang kanyang mga leksyon pati na ang mga kuwit, at inalo na lamang ang sarili sa pagkaunawang sa apatnaraang estudyante, apatnapu lamang ang natatawag ng guro-ayon sa ayos, gaslaw, simpatya, at iba pang dahilan. Nasagot niya ang tanging tanong sa taong iyon at nakapasa siya!
Sa ikalawang taon, nabalatuhan si Basilio ng malaking halaga nang manalo sa sabong ang tandang na ipinaalaga sa kanya ni Kapitan Tiago. Nakabili siya ng sapatos at sumbrerong pyeltro at sa tulong ng mga bigay na damit ng kapitan na ipinaayos niya para maging husto sa kanyang sukat, nagbago nang kaunti ang kanyang ayos. Ngunit hindi pa sapat iyon para siya ay mapansin ng guro at ng mga kaklase.
Sa ikatlong taon, pinaglaruan siya ng isang gurong Dominiko: ito’y mabiro, mapagpatawa, bukas ang loob, ngunit may katamaran dahil ipinauubaya sa mga paborito nito ang pagpapaliwanag sa mga leksyon. Laging malinis at plantsado na noon ang kamisa niya at mataas na ang takong ng kanyang sapatos. Napansin ng guro na seryoso siya kahit ito’y nagpapatawa. Naisip nitong gawin siyang katatawanan sa pag-aakalang tanga siya.
Nang tanungin, ganap na nabigkas niya ang leksyon mula puno hanggang dulo at hindi siya nautal sa pagbigkas ng f. Tinawag naman siyang loro nito. Para madagdagan ang tawanan, makailang tinanong pa siya ng guro, ngunit marunong na siya noon ng wikang Espanyol. Nasagot niyang lahat ang tanong. Wala ni isa mang nagtawa. Nagalit sa kanya ang lahat, pati na ang guro. Sino ang mag-aakalang matino ang lalabas sa ulo ng isang Indio? Hindi na siya tinanong sa nalalabi pang mga araw ng taon!
Kahit pinanghihinaan ng kalooban at gusto nang tumigil sa pag-aaral, nakarating pa rin si Basilio sa ikaapat na taon. Nagkataong isa sa dalawang guro noon ay kilala, mahal ng lahat, itinuturing na pantas, dakilang makata, at may abanteng kaisipan. Isang araw na namamasyal kasama ng mga estudyante nito, nakaengkwentro nito ang ilang kadete, nagkaroon ng labu-labo at humantong sa isang hamunan. Nakaisip ang gurong ito ng isang paligsahan at nangakong bibigyan ng mataas na marka ang lahat ng lalahok sa munting labanan sa darating na linggo. Nagpingkian ng mga sable’t baston at napatangi rito ang husay ni Basilio. Pasan-pasang ipinagbunyi siya ng mga kaklase, naging isa siya sa mga paborito ng guro mula noon. Sa taong iyon, nakakuha rin siya ng markang sobresaliente na may kasamang mga medalya.
Hinimok siya ni Kapitan Tiago na lumipat sa Ateneo Municipal. Pagdating niya roon, isang bagong mundo ng pagtuturo ang kanyang natuklasan. Masigasig ang mga guro, kahanga-hanga ang pamamaraang sinusunod, at sa loob lamang ng isang taon, natutuhan niya ang limang taon na gugugulin sa pag-aaral sa mataas na paaralan. Doon niya tinapos ang kanyang batsilyer at ipinagmalaki siya ng kanyang mga guro, pati na ng ipinadalang Dominiko na nagsulit sa kanya.
Pinili ni Basilio ang mag-aral ng Medisina, kahit gusto ni Kapitan Tiago na mag- abogado siya para makalibre sa bayad sa mga kaso nito. Ngunit sa Pilipinas, hindi lamang dapat marunong sa lahat ng batas kundi kailangan ang maraming kaibigan, may kapit sa malalakas, at maging tuso.
Pumayag na rin ang kapitan sa kursong Medisina nang maisip na magbubusbos ang binata ng bangkay at baka makahanap ng lason na maipapahid sa labaha ng kanyang mga tandang. Batid nitong mabisang lason ang dugo ng Tsinong namatay sa sipilis!
Masigasig na hinarap ni Basilio ang pag-aaral ng Medisina hanggang sa makapanggamot na siya noong kanyang ikatlong taon sa kolehiyo. Hindi lamang niya natatanaw ang maganda niyang kinabukasan, kundi nakaiipon na siya at nakapagdadamit nang mainam-inam. Nang dalawang buwan na lamang at magiging doktor na siya, nangarap siyang umuwi sa kanilang bayan at pakasalan si Juli. Hindi lamang licenciatura ang kanyang makakamit kundi isang korona ng kanyang buhay-estudyante. Nahirang pa siyang bumigkas ng talumpati ng pasasalamat sa programa ng pagtatapos at naisip niyang ang estudyanteng hindi pansin at pinagtatawanan ay magiging tampulan ngayon ng tingin ng lahat ng manonood. Ngunit hindi mga walang-kabuluhang bagay ang kanyang sasabihin, kundi yong hindi pa naririnig sa kapaligirang iyon.
Lilimutin din niya ang kanyang sarili at isasaisip ang mga dukhang estudyante sa hinaharap.
Alam Mo Ba?
May mga parirala at salitang ginamit sa teksto na maaaring hindi pamilyar sa mambabasa. Isa na rito ang terminong sumbrerong pyeltro. Batid ng lahat kung ano ang kahulugan ng sumbrero, subalit maaaring hindi alam ng ilan na ito ay hango sa salitang Espanyol na sombrero. Pinalitan lamang ng titik u ang titik o sa unang pantig ng salitang ito. Isa ito sa mga hakbang na sinusunod sa prosesong asimilasyon ng mga hiram na salita. Subalit maaaring hindi batid ng marami ang kahulugan ng salitang pyeltro, na hango pa rin sa salitang Espanyol na fieltro na ang kahulugan ay felt. Isa itong uri ng materyal gaya ng felt paper.
Karagdagan sa salitang hiram na ginamit sa kabanata ay ang terminong licenciatura na dapat ay matamo ni Basilio pagkatapos ng kanyang kursong Medisina. Ito ay tumutukoy sa lisensyang natatamo ng mga nag-aral ng Medisina at iba pang kurso para sa pagsasakatuparan ng kani-kanilang propesyon.
At kaugnay pa rin ng pag-aaral ni Basilio, ginamit ang terminong sobresaliente na isa ring wikang Espanyol, na ang kahulugan sa wikang Filipino ay “pinakamahusay.”
Pinaghanguan: El Filibusterismo Efren R. Abueg at Magdalena C. Sayas