Pang-Abay – Ito ay ang katawagan sa salita o lipon ng mga salitang nagbibigay-turing sa pandiwa, pang-uri o kapwa pang-abay. Uri ng Pang-Abay Pamanahon, Panlunan, Pamaraan, Panagano, Kataga o Ingklitik
Pang-Abay na Pamanahon – Ito ay nagsasaad kung kailan ginanap, ginaganap o gaganapin ang sinasabi ng pandiwa sa pangungusap. Sumasagot sa tanong na kailan. May tatlong uri ang pang-abay ng pamanahon: may pananda, walang pananda at nagsasaad ng dalas
Pang-Abay Pamanahong
May Pananda – gumagamit ng mga salitang nang, sa, noon/noong, kung, kapag, tuwing, buhat, mula/simula, umpisa at hanggang at iba pa.
- Natutong mamuhay mag-isa ang mga magkakapatid buhat ng iwan sila ng kanilang magulang.
- Simula sa isang linggo ay magkakaroon ng malawakang protesta kontra pagtaas ng mga bilihin.
- Nang isilang ka sa mundong ito laking tuwa ng magulang mo.
Walang Pananda – gumagamit ito ng mga tiyak na salitang nagsasaad ng panahon tulad ng kanina, kahapon, mamaya, bukas, sa makalawa, sandali at iba pa.
- Magkakaroon ng pagpupulong ang mga magulang bukas para sa darating na JS Prom.
- Dumating kahapon ang binili kong mga gamit sa Shopee.
- Sa ilang sandali na lamang ay magsisimula na ang palatuntunan.
Nagsasaad ng Dalas – gumagamit ng mga sumusunod na ekspreksyong: araw-araw, tuwing umaga, tuwing Lunes, tuwing gabi, taun-taon, atbp.
- Nagkakaroon ng flag raising ceremony sa tuwing Lunes ng umaga.
- Ipinagdiriwang namin ang aking kaarawan taun-taon.
- Namamalengke ang aking nanay tuwing umaga.
Pang-Abay na Panlunan – Ito ay nagsasaad kung saan ginanap, ginaganap o gaganapin ang sinasabi ng pandiwa sa pangungusap. Ito ay kakabit sa pariralang sa.
- Namimili kami ng mga sahog panluto sa palengke ng Hulong Duhat.
- Maraming turista ang bumibisita sa Boracay tuwing tag-init.
- Sa Legazpi Albay matatagpuan ang Cagsawa Ruins.
Pang-abay Pamaraan – Ito ay sumasagot sa tanong paano ginagap, ginaganap, o gaganapin ang sinasabi ng pandiwa sa pangungusap. Ginagamitan ng panandang nang, na at -ng.
- Mabilis na tumakbo patungong silid si Joel.
- Umiyak nang malakas ang sanggol dahil sa gutom.
- Tahimik na pumasok sa silid-aralan si Noel upang hindi mapansin ng guro.
Pang-Abay na Panagano – Ito ay ang pang-abay na nagsasaad ng sukat o timbang
- Ang aking Ina ay bumili nang isang kilong bangus para sa aming hapunan.
- Bumigat ang aking timbang nang kalahating kilo.
- Onti lamang ang kinain kong almusal.
Pang-Abay na Kataga o Ingklitik – Ito ay ang mga katagang sumusunod sa unang salita ng pangungusap. Mga kataga: (man, kasi, sana, nang, kaya, yata, tuloy, lamang/lang, din/rin, ba, pa, muna, pala, na, naman, daw/raw)
- Hindi pa rin nakatatakas si Michelle sa masakit na nakaraang kanyang pinagdaanan.
- Pipiliin ko muna ang aking sarili.
- Tayo lamang ang makapagpapabago sa ating sitwasyong kinahaharap.