Mga Talasalitaan:
- lalapain – alisán ng balát at pagpira-pirasuhin ang hayop na pinatay upang gamiting pagkain; katáyin.
- dadambahin – biglang pagtaas at pagbaba ng unahang paa o katawan ng isang hayop gaya ng ginagawa ng kabayo kung natatakot o nagagalit.
- mabagsik – marahas; mapusok.
- pandaraya – gawa o paraang naglalayong mandaya; maninlang.
- tinuran – sagot, tugon
- napoot – gálit na naghahari sa damdámin ng isang tao; labis na pagkagalit.
- nagkunwari – pagdadahilan; kasinungalingan; pagbabalatkayo.
- lingid – hindi alam
- kumaripas – mabilis na kilos o pagtakbo
- mapaglalalangan – Pandarayang ginagamitan ng pagkukunwari.
- nanginginig – Pangangatal, pangangatog (tulad ng pagkatakot).
Mga Pangunahing Tauhan:
Matandang Aso – matalino at tusong aso
Batang Leon – dahil sa kanyang kabataan ay madaling nalinlang ng Ardilya at Matandang Aso
Ardilya – Luminlang sa Batang Leon ngunit sa huli ay naisahan rin ng Matandang Aso
Nilalaman ng Akda:
Isang araw, naligaw ang isang matandang aso habang hinahabol ang kuneho. Mayamaya ay napansin niya buhat sa malayo ang isang leon na tumatakbo papalapit sa kaniya na may tinging nagugutom. “Palagay ko’y lalapain ako ng nilalang na ito,” sabi ng aso sa sarili.
Nakakita ang matandang aso ng mga butong nakakalat malapit sa kaniya. Umayos siya na animo’y kakainin ang mga ito nang nakatalikod sa paparating na leon. Nang dadambahin na ng leon, sumigaw ang matandang aso, “isang napakasarap na leon! Mayroon pa kayang iba rito?
Nang marinig ng batang leon ang sigaw ng matandang aso ay bigla itong tumigil, at mabilis na nagtago sa puno. “Marahil ay mabagsik ang matandang asong iyon at marami nang napatay,” bulong niya sa sarili.
Ang ardilya (squirrel) naman na kanina pa pala nanonood sa malapit na punongkahoy ay alam ang pandarayang ginawa ng aso at nag-isip na gamitin ang kaniyang nalalaman para sa kaniyang sariling proteksiyon mula sa leon. “Siguro naman ay makukuha ko ang loob ng leon,” nakangiting sabi nito sa sarili.
Nang makausap ang leon, ipinaliwanag ng ardilya ang nangyari at gumawa ng kasunduan. “Baka pinagtatawanan ka ng asong iyon ngayon,” pangising tinuran ng ardilya.
Napoot ang leon dahil sa pagkakalinlang sa kaniya at nagwika, “sumakay ka sa likod ko at nang makita mo ang mangyayari sa manlilinlang na iyon!”
Natiktikan ng matandang aso ang pagdating ng leon na may nakasakay na ardilya sa likod. Sa halip na tumakbo, naupo siya at nagkunwaring hindi pa niya sila nakikita. Nang malapit na ang dalawa at alam niyang siya’y maririnig, ang matandang aso ay nagsabi, “nasaan ang ardilyang iyan? Inutusan ko siya, isang oras na ang nakakaraan na dalhin sa akin ang isa pang leon!”
Biglang kinabahan ang leon at bumaling sa ardilya. “Akala ko ba’y kakampi kita?” “Nilinlang mo lang pala ako at nais mo akong ipakain sa asong iyan?” Akala ng leon ay talaga ngang inutusan ng matandang aso ang ardilya upang siya ay dalhin sa harap nito. Lingid sa kaniyang kaalaman, sa laki niya ay kaya niyang patayin at lapain ang matandang aso. Kumaripas ng takbo ang leon, at ni hindi na nagawang lumingon.
Ang ardilya ay naiwan. Hinarap siya ng matandang aso at galit na nagwika, “akala mo siguro ay mapapatay mo ako sa pamamagitan ng leong iyon!” Matanda na ako at marami ng karanasan. Hindi ninyo ako mapaglalalangan. Nanginginig na humingi ng tawad ang ardilya.
Mahalagang Mensahe sa Akda:
- Ang akda ay isang halimbawa ng pabula. Kung saan ang mga hayop ay nakakikilos at nakapagsasalita tulad ng mga tao. Ito rin ay kapupulutan ng mga aral.
- Suriing mabuti ang sitwasyon bago magbigay ng panghuhusga tulad na lamang ng pag-aakala ng matandang aso na siya ay lalapain ng batang leon.
- Hindi dapat matakot sa oras ng kapahamakan o panganib bagkus panatilihing kalmado upang makapag-isip ng maayos para sa susunod na aksyong gagawin.
- Maaaring may mga taong gumamit ng ating kahinaan laban sa pansariling kapakanan o kaligtasan.
- Huwag agad maniwala sa suhol o sa sinasabi ng iba dapat magkaroon ng sariling paraan ng pagtitimbang-timbang sa mga sitwasyon.
- Huwag maging mapanlinlang o mapanlamang sa ating kapwa.
- Ang mga karanasan sa buhay ay maaaring magturo sa atin ng iba’t ibang aral.