Ang pakikipanayam o pag-i-interview ay mahalaga sapagkat ito’y isang mabilis at mabisang paraan ng pagkuha o pagkalap ng mga impormasyon na maaaring gamitin sa iba’t ibang kadahilanan. Madalas táyong makapanood ng pakikipanayam sa telebisyon, makarinig nito sa radyo, at makabasa sa mga pahayagan.
Upang higit na maging matagumpay ang pakikipanayam at makakuha ng mga kasagutan o impormasyong kakailanganin niya ay dapat maláman ng makikipanayam ang mga bagay-bagay na dapat niyang isalang-alang o tandaan.
Naririto ang ilang mahahalagang bagay na dapat tandaan:
- Makipagkasundo sa taong kakapanayamin tungkol sa petsa, oras, at lugar kung saan gaganapin ang panayam gayundin sa magiging paksa ng panayam. Dumating sa tamang oras o mas maaga pa ng sampung minuto kaysa sa itinakdang oras.
- Magsuot ng tamang kasuotan at maging magalang sa pagtatanong.
- Maghanda ng balangkas ng mga itatanong.
- Itala sa pinakamabilis na paraan ang mga nakuhang impormasyon. Kung gagamit ng tape recorder, video cam o cell phone upang maitala ang panayam ay ipagpaalam ito nang mas maaga sa taong kakapanayamin.
- Gawing magaang at kawili-wili ang pakikipanayam:
- Ipakilala ang iyong sarili kung hindi ka pa kílala ng iyong kakapanayamin;
- Tumingin sa taong kinakausap, ipakitang interesado ka sa mga sagot at hindi ka lang naka-pokus sa mga susunod mo pang itatanong;
- Gawing malinaw at tamang-tama ang lakas ng iyong tinig sa pagsasalita;
- Kung sakaling may ilang impormasyon kang hindi naitala ay magalang mong hilinging ulitin ito ng iyong kinakapanayam;Bago magwakas ay basahin o lagumin sa kinapanayam ang mga naitala mong impormasyon upang makatiyak na wasto ang nakuha mo;
- Magpasalamat at magpaalam nang maayos pagkatapos ng iyong pakikipanayam.
6. Isaayos ang nakuhang impormasyon.
May mga pagkakataong kinakailangan ding magsagawa ng ambush interview o biglaang pakikipanayam lalo na’t kailangang-kailangan nang makakalap ng datos. Madalas ay sinasabayan lang ang kinakapanayam sa kanyang paglalakad at sakâ magtatanong ang nakikipanayam. Sa pagsasagawa ng ambush interview ay mahalagang panatilihin ang pagiging magalang. Kung hindi handang sumagot ang kinakapanayam ay bigyan siya ng kinakailangang espasyo at huwag ipilit ang pagtatanong.
Bagama’t ginagawa na rin ang ambush interview ay higit pa ring naaangkop at iminumungkahi ang makipagkasundo sa taong kakapanayamin at magsagawa ng tipanan upang maging mas mabisa ang gagawing interview o pakikipanayam.
Sanggunian: Pinagyamang Pluma 7