LIHIM na itinelegrama sa Maynila ang pag-aalsa. Makaraan ang tatlumpu’t anim na oras ay maingat nang inilathala ng mga pahayagan sa lungsod na kalakip ang mga pagbabanta. Pinalabukan, iniwasto, at kinatay ng sensor ang balita. Samantala, mga pribadong usap-usapan ang kumalat mula sa mga kumbento ng iba-ibang korporasyon ng mga prayle na ipinanghilakbot ng mga nakakarinig. Madaling paniwalaan ng tao ang maraming bersyong nagpapalabo sa tunay na mga pangyayari nang ayon sa sarili nilang mga paniniwala.
Bagama’t tila natahimik pa rin ang pamayanan ay naghahari ang ligalig sa maraming tahanan. Tulad ito ng payapang tubig sa palaisdaan na sa kailanma’y patuloy sa paghahabulan ang mga isda. Ang mga medalya, krus, pahiyas, gawain, prestihiyo, kapangyarihan, impluwensiya, at mga karangalan ay nagsimulang mamayagpag na parang paruparo sa isang sector ng populasyon. Sa iba naman ay madilim na ulap ang namitak sa kaitaasan na kababanaagan ng maitim na anino ng baras ng bilangguan, ng mga kadena, at nakahihindik na garote. Lumulutang sa himpapawid ang mga imbestigasyon, mga daing ng pinarurusahan, mga hatol sa nagkasala. At waring nasulyapan ng nahihintakutang mga mata sa gulanit at duguang lambong ang larawan ng pagtatapon sa Marianas o ang kamatayan ng garote. Inaalon ang isda’t mangingisda. Ipinamalas ng tadhana sa imahinasyon ng mga taga-Maynila ang naganap sa San Diego na katulad ng abaniko ng Intsik, na itiman ang isang mukha at ang kabila’y nasasabugan at puno ng mga ibon at mga bulaklak na matitngkad ang mga kulay.
Totoong masigla sa mga kumbento. Nagmamadaling sinisingkawan ang karwahe ng mga padre probinsyal dahil sa kanilang pagbibisitahan at mga lihim na kumperensiya. Inihahandog nila ang kanilang sarili at tulong sa pamahalaan na sinasabing nasa malubhang panganib. May mga pag-uusap ukol sa kometa, medalya, at iba pang mahiwagang pahiwatig.
“A Te Deum, a Te Deum,” wika ng isang prayle sa kumbento, “Magpasalamat tayo sa Diyos, at ngayon ay kailangang dumalo ang lahat sa koro. Hindi kakaunting biyaya ang paglilinaw sa Panginoon na lubha tayong mahalaga sa panahong ito ng kawalan ng relihiyon.”
“Pupusta akong napakakagat-labi sa aral na ito ang munting Heneral Mal Aguero,” sabi ng isa pang tinutukoy ang kapitan heneral.
“Ano ang mangyayari kung wala ang korporasyon ng mga prayle?”
“Para sa lalong maging masaya ang selebrasyon ay inirerekomenda kong sabihan na ang kapatid nating kusinero at ang padre administrador. Magseselebrasyon tayo ng dalawang araw.”
“Amen! Amen! Mabuhay si Padre Salvi, Mabuhay!”
Iba naman ang usapan sa isa pang kumbento.
“Anong sinabi ko sa inyo? Aral ang binatang iyon sa mga Heswita. Lahat ng naghihimagsik ay mula sa Ateneo,” anang isang prayle.
“At laban ng laban sa relihiyon.”
“Paulit-ulit nang sinabing winawasak ang bayan ng mga Heswita. Pinasasama nila ang kabataan, pero kinukunsinti sila nang dahil lamang sa nakapagtala sila ng kung ano tuwing may lindol.”
“Diyos lang ang nakakaalam kung paano nila iyon nagagawa!”
“Tama ‘yan. Ligtas sila sa kontradiksyon. Kapag lito na at nagkakagulo na ang lahat ay sino pa ang magkakapanahon sa gayong kalokohang mga drowing? Huwag mong sabihing ang tinatawag na mga astronomer nila…”
Nagpalitan sila ng mga ngiting lubhang mapanlibak.
“E, paano ang babala sa bagyo?” usisang palaismid ng isa pang prayle. “ Hindi na ba kailangan ngayon ang lakas ng panginoon para r’on?”
“Kahit sinong mangingisda ay makapagbibigay ng babala sa bagyo.”
“Kapag sira ang puno ng pamahalaan… Buweno, sabihin mo kung ano ang bunga. Pero, tingnan ninyo kung paano pagmalasakitan ang mga kaibigan nating Pransiskano. Hinihiling sa mga pahayagan ngayon ang mitra ng Obispo para kay Padre Salvi.”
“Makukuha niya iyon.”
“Iyon ba ang palagay mo?”
“Bakit hindi? Sa panahon ngayon ay puwedeng maging Obispo nang dahil sa kung ano nalang. May alam akong nakakuha ng kanyang posisyon nang pagayon-gayon lamang. Sumulat lang siya ng libro tungkol sa katutubo. Inilarawan n’ya r’on na trabahong manwal lang ang kayang gawin ng mga iyon— alam na ninyo, lahat ng mga luma nang kaalaman!”
“Totoo ‘yon. Napakaraming katiwalian ang nakasama sa simbahan!” bulalas ng isa pang prayle. “Kung may mata lamang ang mitra ay makikita sana ang bungong pagsasakluban niyon.”
“Kung ang mga mintra’y katulad ng kalikasan na nasusuklam sa kahungkagan.”
“Kabaligtaran ‘yan.” tutol ng pangatlo. “Sinisipsip agad ng kahungkagan ang mitra at di na pakakawalan.”
Ito ang mga usap-usapan sa mga kumbento, mga pamumunuang pulitikal at metapisikal, o kaya’y maaanghang. Iba naman ang nagaganap sa bahay ni Kapitan Tinong, ang mapagbigay na lalaking mapilit na nag-aanyaya kay Ibarra sa isang pananghalian.
Sa maluwang at magarang bahay sa Tondo ni Kapitan Tinong ay kasalukuyan siyang nakaupo sa isang malaking silyon. Hinahaplos niya ang kanyang noo’t leeg tanda ng pagdadalamhati. Lubhang pinangangaralan siya ni Kapitana Tinchang. Nakikinig sa isang sulok ang dalawa niyang anak na dalaga, naguguluhan at nangangamba.
“O, birhen ng Antipolo!” umiiyak si Kapitana Tinchang. “O, birhen ng Kabanal-banalang Rosaryo at Sintas! O, o, o Pinagpalang Birhen ng Novaliches!”
“Mama!” biglang tawag ng bunsong anak na dalaga.
“Ano’ng sabi ko sa iyo!” pangaral ni Kapitana Tinchang. “Binalaan na kita! O Birhen ng Carmel!”
“Pero wala kang sinabi sa akin!” tutol ng mangiyak-ngiyak na si Kapitan Tinong. “Sabi mo pa nga’y mabuti ang ginawa kong pagtungo sa bahay ni Kaptin Tiago para makipagkaibigan sa kanya dahil… dahil mayaman siya… at sabi mo pa sakin…”
“Ano? Ano’ng sinabi ko sa iyo? Hindi ko ‘yan sinabi sa’yo kahit na kalian. Wala akong sinabi sa iyo. O, kung nakinig ka lang sa kin.”
“Ngayo’y sinisisi mo ako!” mapait na wika ni Kapitan Tinong na tinampal ang kamay ng silyon. “Hindi ba’t lagi mong sinasabing tamang imbitahin kong mananghalian dito si Ginoong Ibarra pagkat mayaman siya. Sabi mo pa’y sa mayayaman lang tayo dapat makipagkaibigan.”
“Totoo ngang sinabi ko, pero nang dahil lang sa wala akong magawa. Lagi mo siyang ikinukuwento. Si Ginoong Ibarra rito, Si Ginoong Ibarra roon. Ginoong Ibarra kahit saan. Pero, hindi ko sinabing puntahan at kausapin mo siya sa handaang iyon. Hindi mo ‘yan maikakaila!”
“Alam ko bang naroroon siya?”
“Dapat ay inalam mo!”
“Paano? Hindi ko man lamang siya kilala!”
“Dapat ay nakilala mo siya!”
“Pero, Tinchang, noon ko lang siya nakilala at nakabalita tungkol sa kanya.”
“Buweno, dapat ay nakita mo na siya at dapat ding may nabalitaan ka na tungkol sa kanya, kaya nga ikaw lalaki, ikaw ang nakapantalon, at magbasa ka ng Manila Daily!” kabit-kabit na wika ng babae at tinitignan siya nang matalim.
Hindi na nakasagot si Kapitan Tinong.
Hindi pa nasiyahan sa tagumpay na ito si Kapitana Tinchang. Gusto niyang maging ganap ang pakatalo niyon. Kinuyom niya ang palad at inambahan ang lalaki.
“Ito ba ang bunga ng mga gawa ko’t pinaghirapan sa loob ng maraming taon na mawawalang-halagang lahat dahil sa kagaguhan mo? Ngayo’y darating sila at aarestuhin ka para ipatapon. Kukunin nilang lahat ang ating ari-arian katulad ng ginawa nila sa asawa ni … O, kung naging lalaki lamang ako? Kung naging lalaki lamang ako!”
Humagulgol siyang muli nang makitang yumuko ang asawa at paulit-ulit na winikang “Kung naging lalaki lamang ako!”
“Ano ngayon kung naging lalaki ka,” nayayamot nang wika ni Kapitan Tinong, “Anong gagawin mo?”
“Ano? Buweno … buweno… buweno, ngayon di’y pupunta ako sa gobernador-heneral at ihahandog ko ang aking tulong sa pagsugpo sa mga rebelde, ngayon din!”
“Ngunit hindi mo ba nabasa ang Daily?” basahin mo ang sinasabi. Ang pataksil at di makatwirang rebelyon ay buong tindi at lakas nang nasugpo, at mapaparusahan na nang mabigat ang mga kaaway ng Inang Bayan. Gayundin ang kanilang mga kasabwat. ‘Kita mo na? Tapos na ang pag-aalsa.”
“Kahit na, dapat mo ring ihandog ang iyong paglilingkod. Ang mga gumawa niyon noong 1872 ay nailigtas ang sarili.”
“Ngunit ginawa rin iyan ni Padre Bur—-“
Subalit hindi na niya natapos sambitin ang pangalan ni Padre Burgos na nagarote dahil sa kaguluhan ng mga pangyayari noong 1872.
“Sige! Tama ‘yan. Sabihin ang kaniyang pangalan at nang bitayin ka sa Bagumbayan bukas ng umaga. Hindi mo ba alam na sapat nang sabihin mo ang kanyang pangalan para ka mahatulan nang walang paglilitis? Sige, sabihin mo!”
Ibigin mang sumunod ni Kapitan Tinong ay hindi maaari. Tinakpan ng dalawang kamay ng asawa ang kanyang bibig nang itinutulak sa sandalan ng silyon ang maliit niyang ulo. Kaya’t ang kaawa-awang lalaki ay malamang na namatay sa pagkainis kung walang dumating at namagitan.
Yaon ay ang pinsan nilang si Don Primitivo. Buong puso niyong naisasaulo ang lahat ng kathang pilosopikal sa Latin. Apatnapung taon na siya, makinis manamit, may katabaan, at malaki ang tiyan.
“Quid video?” Ibig sabihi’y ano ang nakikita ko?” Tanong niya habang papasok. “Ano’ng nangyayari rito? Quaere? Ibig sabihi’y bakit?”
“A, mahal na pinsan.” wika ni Kapitana Tinchang na tumatakbo at lumuluhang sumalubong sa kanya. “Ipinatatawag kita dahil hindi ko alam kung ano’ng mangyayari sa amin. Ano ang maipapayo mo? Sabihin mo, nakapag-aral ka ng Latin, marunong kang mangatwiran…”
“Pero, una muna, quid quaeretis? Nibil est intellectu qoud prius non fuerit in sensu; nibil volitum quin praecognitum. Isasalin ko para sa inyong kapakanan. Ano ang kailangan n’yo? Walang nasa isip nang hindi muna inunawa ng pandama, at hindi nanaisin ang hindi pa nalalaman. Kaya, sabihin muna sa akin kung ano ang problema.”
Sinadyang pumili siya ng isang silya. Para bang ang mga pangungusap na Latin ay makapagpapayapa. Tumigil sa pagdaing ang mag-asawa. Nilapitan siya upang pakinggan ang mga karunungang magmumula sa kanyang bibig. Tulad ito noong maghintay ang mga Griyego ng makapagliligtas na mga pangungusap ng orakulo, na siyang makapagpapalaya sa kanila sa mga mananakop na Persiyano.
“Bakit ka umiiyak? Ubinam gentium sumus? Ibig sabihin saan tayo naroroon sa akala ninyo?”
“Alam mo na ang balita tungkol sa pag-aalsa …”
“Alzamentum, iyong pag-aalsa, Ibarrae lieutenant Constabulariae destructum. Maliwanag nang mabuti, hindi ba? Et nunc? Ano ngayon? May utang ba sa inyo si Don Crisostomo?”
“Wala, pero alam mo, inanyayahan siya ni Tinong sa hapunan, at binati siya sa Tulay ng Espanya nang araw na araw! Sasabihin nilang kaibigan siya ni Ibarra.”
“Isang kaibigan!” nagulat na sabi ng mahilig mag-Latin na napalukso. “Amice amicus Plato sed magis amica veritas. Kaibigan, kaibigan ko Plato, pero mas kaibigan ko ang katotohanan. Ang mga ibong magkakatulad ang balahibo ay nagsasama-sama! Malum est negotium; masama; sa tingin ko’y talagang masama! Est timendum rerum istarum borrendisimum resulatum!”
Namutlang mabuti si Kapitan Tinong nang makarinig ng napakaraming salitang nagtatapos sa um. Para bang nagbabanta ang tunog. Nagdaop-kamay si Kapitana Tinchang at nakiusap;
“Pinsan, huwag mo na muna kaming kausapin sa Latin ngayon. Alam mo na namang hindi kami iskolar na gaya mo. Kausapin mo kami sa Tagalog, sa Kastila, pero payuhan mo kami.”
“Sayang at hindi kayo marunong ng Latin, pagkat kung ano ang tama sa Latin ay mali sa Tagalog. Halimbawa. Contra principia negantem fusibus est arguendum. Ibig sabihin, kailangang makipagtalo sa pamamagitan ng iyong kamao sa taong hindi tumatanggap ng mga unang katwiran. Totoo ito sa Latin tulad ng pagkakagawa ni Noah ng arko. Sinubok kong gawin ito sa Tagalog, at nabugbog ako. Kaya’t sayang na hindi kayo marunong ng Latin. Puwedeng maayos ang lahat sa Latin.”
“Buweno, alam naming sabihin ang oremus, parce nobis, at Agnus Dei quitolis, pero ngayo’y hindi tayo magkakaintindihan d’yan. Ipaliwanag mo kay Tinong kung bakit hindi siya dapat bitayin!”
“Mali ka, maling-mali, sa pakikipagkaibigan sa binatang iyon, ng mahilig sa Latin. “Ang mababait ang lagi nang nagdurusa para sa mga makasalanan. Mabuti pa’y gawin mo na ang iyong huling habilin at testamento. Vae illis! Sa aba nila! Kapag may usok ay may apoy. Ubi est fumus ibi est ignis.”
At umiling-iling na naiinis.
“Saturnino!” sigaw ni Kapitana Tinchang na biglang naghihilakbot, “Diyos ko! Patay na! Doktor! Tumawag ng Doktor! Tinong! Mahal kong Tinong!”
Patakbong lumapit ang dalawang anak na babae at nanaghoy ang tatlo.
“Hinimatay lang siya. Mas maligaya sana ako kung… kung… pero, hinimatay lang siya. Mabuti nang mamatay sa kama kaysa sa garote sa Bagumbayan. Non timeo mortem in catre sed super espaldonem Bagumbayanis. Kumuha kayo ng tubig!”
“Huwag kang mamatay!” panangis ni Kapitana Tinchang. “Huwag kang mamatay. Darating ang aaresto sa’yo. Pag dumating ang mga sundalo at patay ka na, ano ang gagawin ko?”
Winisikan ng tubig ni Don Primitivo ang mukha ni Kapitan Tinong at natauhan iyon.
“Huwag kang umiyak. Invent remedium! Nakaisip na ako ng solusyon. Ihiga sya sa kama. Huwag kang mag-alala. Kasama n’yo ako at ang lahat ng matatandang may kaalaman. Tumawag kayo ng doctor. At ngayon din, pinsan, pumunta ka sa gobernador-heneral. Magregalo ka, isang gintong kadenilya, isang singsing— natitibag ng regalo ang pinakamatigas na bato. Dadivas movant rockas. Sabihin mo sa kanyang
iya’y pamasko. Ngayon ay isara ninyo ang mga bintana. Isara ang mga pinto. Sabihin sa sinumang magtatanong na malubha si Tinong. Samatala’y susunugin ko ang lahat niyang mga papeles, mga sulat, at aklat para wala silang makitang ebidensya laban sa kanya. Ganyan ang ginawa ni Don Crisostomo. Ano mang sulat ay puwedeng maging ebidensya laban sa iyo.”
“O, sige, pinsan, eto, sunugin mo nang lahat.” Wika ni Kapitana Tinchang. “Narito ang mga susi ng bahay, eto ang mga sulat ni Kapitan Tiago: sunugin mo! Huwag kang mag-iiwan ng ano mang bakas ng mga pahayagang galing sa Europa. Masyadong delikado ‘yan. O, at eto ang kopya ng The Times sa London na ipambabalot ko sana ng mga sabon at saya. Etong mga libro!”
“Pumunta ka na, pinsan sa gobernador-heneral.” Utos ni Don Primitivo. “Iwan mo akong mag-isa. In extremis extrema. Mapanganib na pamamaraan sa mapanganib na panahon. Ipaubaya mo sa akin ang lahat tulad sa isang Romanong diktador at makikita mo ang magagawa ko… sige, lakad na, pinsan.”
Sunod-sunod ang pag-uutos ni Don Primitivo. Hinalungkat ang lahat ng kahon. Pinagpupunit ang mga papeles, mga aklat, at sulat. Maya-maya pa’y may malaki nang siga sa kusina. Pinalakol ang ilang mga luma at kinakalawang na baril at itinapon sa kusina.
Sinunog pati ang mga walang malay na aklat ng mga karaniwang manunulat. Walang iniligtas. Tama si Don Primitivo. Nagdurusa ang mababait para sa mga makasalanan.
Makaraan ang apat o limang oras, sa isang marangyang pagtitipon sa Intramuros, ay paksa ng usap-usapan ang mga kasalukuyang pangyayari. Marami ang matatandang babae, matatandang dalaga, mga asawa, at anak na dalaga ng mga opisyal o empleyadong Kastila ang naroroon. Mga nakadamit-pambahay ang lahat, nangaghihikab at namamaypay. Sa kalalakihan ay kabilang ang isang maliit at matandang lalaking maginoo at putol ang kamay. Kinaaalang-alangan siya ng mga naroroon na hindi naman niya pinapansin.
“Para sabihin ko sa inyo ang totoo, suyang-suya ako sa mga prayle at mga opisyal ng guardia civil. Mga wala silang urbanidiad.” Salaysay ng isang matabang babae. “Pero ngayong makita ko kung gaano sila kahalaga ay buong kasiyahan akong makapagpapakasal sa kahit sino sa kanila. Makabayan ako nito.”
“Talagang ‘yan ang mararamdaman.” Sang-ayon ng isang payat na babae. “Sayang at wala na ang dating gobernador-heneral. Kayang-kaya nyang lipulin ang lahat ng subersibo sa bayan.
“Hindi ba’t sabi nila’y marami pang islang walang tao? Bakit hindi nila roon itapon ang mga katutubong iyan? Kung ako ang gobernador-heneral…”
“Mga ginang.” wika ng matandang lalaking putol ang isang kamay. “Batid ng gobernador-heneral ang kanyang tungkulin. Narinig kong nayamot siya dahil marami siyang pabor na ibinigay sa Ibarrang ito.”
“Tinambakan ng pabor.” ulit ng payat na babaeng walang patid ang pamamaypay. “Tingnan ninyo kung gaano kawalang-utang-na-loob ang mga katutubo! Papaano sila tatratuhing mga tao? Sus!”
“At alam ba n’yo kung ano ang narinig ko?” tanong ng isang opisyal.
“Ano? Sabihin mo na. Ano’ng sabi nila?”
“Ayon sa mga napaniniwalaan ay pakulo lamang yong pagpapatayo ng paaralan.” paliwanag ng opisyal.
“Sus! Sabi na nga ba!” Bulalas ng kababaihang handang maniwala sa iba pang katha-katha.
“Kunwari ay paaralan ang itatayo, pero ang totoo ay kutang mapagtataguan niya sa oras na usigin namin siya.”
“Hesus, anong kataksilan! Tanging isang katutubo lang ang makapag-iisip nang ganyang karuwagan.” biglang nasabi ng matabang babae. “Kung ako ang gobernador-heneral ay makikita nila… makikita nila.”
“Sabi nila’y anak ng Kastila ang binatang namuno sa pag-aalsa,” pamumuna ng lalaking putol ang isang kamay.
“A, tiyak na mestizo!” bulalas ng matabang babaeng walang katinag-tinag. “Walang nalalaman sa rebolusyon ang mga katutubo.”
“Alam nyo ba ang narinig ko?” sabad ng isang mestisa. “Ang asawa ni Kapitan Tinong- natatandaan n’yo ba siya? Namista tayo sa kanila sa Tondo…”
“Yaong may dalawang anak na dalaga? Ano ‘yong tungkol sa kanya?”
“Kanina lang hapon ay nagregalo ng isang singsing ang asawa niya sa gobernador-heneral, isang
singsing na isang libong piso ang halaga!”
Pumihit ang lalaking putol ang kamay.
“Siyanga? Para ano raw?” tanong niyang nangingislap ang mata.
“Sabi no’ng misis ay papasko.”
“Natatakot sigurong bagyuhin.” Sabi ng matabang babae.
“Sumisilong na kaagad.” dugtong ng payat na babae.
“Kailangang imbestigahan ito,” nag-iisip na wika ng lalaking putol ang isang bisig. “May gustong sabihin ’yon. Natitiyak n’yo bang totoo ang balitang ito?”
“Tiyak na tiyak,” sagot ng mestisa. “Iyong ayudante ng gobernador-heneral at nobyo naman ng pinsan ko ang nagsabi. Natitiyak ko ring iyon ang singsing na suot ng anak na dalaga ni Kapitan Tinong noong pista. Lagi siyang maraming brilyanteng suot.”
Nagdahilang makaalis na ang lalaking putol ang bisig.
Makaraan ang dalawang oras, ang natutulog nang mga taga-Tondo ay dinalhan ng imbitasyon ng mga sundalo. Hindi makapapayag ang mga awtoridad na ang may sinasabi at may-kayang mga tao ay matulog sa kani-kanilang bahay nang walang hangin at hindi naguguwardiyahan. Mas payapa at preskong matulog sa Fort Santiago at iba pang gusali ng pamahalaan. Kabilang sa nakatanggap ng gayong imbitasyon ang kaawa-awang si Kapitan Tinong.