MABILIS na kumalat sa bayan ang balitang ililipat ang mga bilanggo. Sa simula’y dininig ito nang may pagkatakot na nauwi sa pag-iyak at panaghoy.
Ang pami-pamilya ng mga bilanggo ay parang mga baliw na patakbo-takbo, mula sa kumbento papuntang kwartel, mula kwartel patungong munisipyo. Nang walang kahinatnan ay napuno ang paligid ng mga panaghoy at daing. Ang alperes naman ay nagdagdag ng mga bantay na ang isasalubong sa nagmamakaawang kababaihan ay kulata ng kanilang riple. Higit na nawalan ng kabuluhan kaysa dati ang kapitan. Ang malalakas pa’y paroo’t parito sa harap ng kulungan, ang ibang nahahapo’y sumalampak at tinatawag ang pangalan ng mga mahal nila.
Matindi ang sikat ng araw, ngunit sinuman sa mga sawimpalad ay di nakaisip na sumilong. Ang masayahin at maligayang si Doray na asawa ni Don Filipo, ang tenyente mayor, ay palakad-lakad nang buong pag-aalala. Karga ang kanyang sanggol at kapwa sila umiiyak.
“Umuwi ka na”, payo nila sa kanya. “Baka lagnatin ang anak mo.”
“Bakit kailangan pa niyang mabuhay kung wala rin lang magigisnang ama?” sagot ng naninimdim na babae.
“Walang kasalanan ang asawa mo. Babalik siya marahil.”
“Oo, kung patay na tayong lahat.”
Nananangis at tinatawag ni Kapitana Tina yang kanyang anak na si Antonio. Ang matatag na si Kapitana Maria ay nakatitig sa may rehas ng bintana na kinakukulungan ng kambal niyang anak na lalaki, ang tangi niyang mga anak.
Ang byenan ng tagapag-alaga ng mga punong niyog ay naroroon din. Hindi siya umiiyak. Palakad-lakad siya. Nakalilis ang manggas at kinukumpasan ang mga nagdaraan.
“Sa’n kayo nakakita ng ganyan? Inaresto si Andong ko, binaril, ipinangaw, at dadalhin sa ulumbayan nang dahil lang…dahil lang sa ayaw niyang marumihan ang kanyang pantalon. Kailangan itong ipaghiganti. Umaabuso ang mga guardia civil. Isinusumpa kong kapag nakakita ako ng isa sa kanila na pumasok sa aking bakuran para mapag-isa, at ito’y madalas mangyari, tatadtarin ko siya, tatadtarin ko siya, kundi nama’y ako ang tatadtarin niya!”
Bihira ang makasang-ayon sa muslim na biyenang ito.
“Si Don Crisostomo ang dapat na sisihin sa lahat ng ito,” buntong-hininga ng isang babae.
Nakihalo sa karamihan ang guro… Wala nang panukat na dala at hindi na rin nagkikiskis ng mga palad ang maestro-karpintero. Nakaitim siya dahil sa masamang nabalitaan. Tinitiyak na niya ang maaaring mangyari kaya’t ipinagluluksa niya si Ibarra.
Nang bandang alas-dos ng hapon, isang karitong walang harang na hila ng dalawang toro ang huminto sa tapat ng munisipyo. Pinagkalinpunpunan iyon ng mga tao sa hangad na wasakin.
“Huwag n’yong gawin ‘yan,” pigil ni Kapitana Maria, “Gusto ba n’yong maglakad nalang sila?”
Napigilan ang mga kaanak ng bilanggo. Dalawampung sundalo ang nagmartsang palabas at pinaligiran ang sasakyan. Sumunod na lumabas ang mga bilanggo.
Nauna don si Don Filipong nakagapos. Nginitian niya ang asawang si Doray na nananangis, dalawang sundalo ang nagsikap na ilayo siya sa yayakaping asawa. Si Antoniong anak ni Kapitana Tinay ay lumabas na humahagulgol na parang bata na siyang nagpalubha sa pananaghoy ng kanyang mga kaanak. Nagpalahaw ng iyak ang sinto-sintong si Andong nang natanaw ang kanyang biyenang naging dahilan ng kanyang kasawian. Naroon din si Albino, ang dating seminarista, na nakagapos ding tulad ng kambal ni Kapitana Maria. Mukhang seryoso at may determinasyon ang tatlong binata. Huling lumabas si Ibarra, hindi nakagapos bagama’t napapagitnaan ng dalawang sundalo. Namumutla siya, tumingin sa paligid sa paghahanap ng nakikiramay na mukha.
“Iyan ang dapat sisihin!” sigaw ng maraming tinig, “Siya ang may kasalanan at siya pa ang di nakagapos!”
“Walang ano mang kasalanan ang aking manugang, pero siya pang nakaposas!”
Hinarap ni Ibarra ang kanyang mga bantay.
“Gapusin n’yo akong mabuti abot-siko,” wika niya.
“Walang utos sa aming gawin iyon.”
“Gapusin n’yo ako kundi’y tatakas ako.”
Sumunod ang mga sundalo.
Nakakabayong lumabas ang puno ng guardia civil. Nasasandatahan siyang mabuti at may kasunod pang mga sampu o labinlimang sundalo.
Bawat bilanggo ay may kaanak na nakikiusap at lumuluha para sa kanya at tinagurian siya nang malambing. Tanging si Ibarra ang walang kaanak doon. Naglaho si Maestro Juan at ang guro.
“Ano ang nagawang kasalanan sa iyo ng aking asawa at anak na lalaki?” lumuluhang sumbat ni Doray kay Ibarra. “Tignan mo ang kawawa kong anak, inalisan mo siya ng ama.”
Ang kalungkutan ng mga kaanak ay nauwi sa galit sa binatang siyang pinaghihinalaang namuno sa pag-aalsa. Iniutos ng ng alperes ang paglakad.
“Isa kang duwag!” sigaw ng biyenan ni Andong. “Habang nakikipaglaban ang iba nang dahil sayo ay nagtatago ka naman. Duwag!”
Isang matandang lalaki ang tumatakbosa pagsunod sa kariton. “Sumpain ka nawa!” sigaw niyo. “Sumpain ang mga kayamanang kinamal ng iyong mga kaanak na nagdulot ng kamalasan sa bayan. Sumpain ka! Sumpain ka!”
“Sana’y bitayin ka erehe!” sigaw ng isang kamag-anak ni Albino, at binato ang binate nang hindi na makapagpigil.
Ginaya ng marami ang gayon niyang ginawa. Inulan ng bato’t mga dumi ang binato. Walang kibong nagtiis si Ibarra, walang ano mang galit, walang ano mang pagdaing sa higanti ng maraming sugatang puso. Ito ang pabaon, ang pahimakas sa kanya ng bayang kinalalagakan ng lahat niyang pagmamahal.
Yumuko siyang nagugunita marahil ang isang lalaking minsan ay hinagupit ng palo sa mga lansangan ng Maynila, ang isang matandang inang biglang namatay nang makita ang pugot na ulo ng anak na lalaki. Marahil ay unti-unting humahantad sa kanyang mga mata ang kasaysayan ni Elias.
Kinailangang palayuin ng alperes ang madla, subalit patuloy ang pag-ulan ng mga bato’t paghamak. Iisang ina ang hindi naghiganti sa kanya dahil sa kalungkutang nadarama, si Kapitana Maria. Tahimik, namumuno sa luha ang mga matang nakita niya ang paglalayo sa kanya ng dalawa niyang anak na lalaki. Hindi mapapantayan ni Niobe ang pinipigil at tahimik niyang pamimighati.
Sa mga taong nakapamintana, tanging ang mga mapagwalang-bahala at mausisa ang nagpamalas ng awa kay Ibarra. Nagsipagtagong lahat ang kanyang mga kaibigan, pati na si Kapitan Basilio na nagbawal sa pag-iyak sa anak niyang si Sinang.
Namalas ni Ibarra ang umuusok pang labi ng kanyang bahay, ang bahay ng kanyang mga ninuno na kanyang sinilangan at kumupkop sa matatamis na alaala ng kanyang kamusmusan at kabataan. Tumulo ang mga luhang malaon na niyang pinipigil. Yumuko siya at sa pagkagapos ay hindi na niya maikubli ang pagluha. Walang sinumang makaaliw at mahabag sa kanyang mga kalungkutan. Ngayon ay wala siyang bayan ni tahanan, walang nagmamahal, walang kaibigan ni kinabukasan.
Mula sa isang talampas, isang lalaki ang payapang nanonood sa pagdaraan ng kariton. Isa siyang matandang lalaking maputla, payat, nakabalabal ng makapal na kumot, at nanghihinang nakatungkod. Siya’y si Tandang Tasyo, ang pantas. Nang mabalitaan niya’y nag-inot-inot siyang makatayo kahit na may sakit upang masaksihan ang mga pangyayari. Hindi na niya nakayang makarating sa munisipyo. Sinundan ng mga mata ng matanda ang kariton hanggang sa maglaho sa malayo. Matagal-tagal pa rin niya iyong tinanaw nang nag-iisip at namamanglaw; pagkatapos ay humandang taluntunin ang landas na pabalik sa kanyang bahay. Hirap na hirap siya kaya’t namamahinga siya sa bawat paghakbang.
Kinabukasan ay natagpuan ng ilang pastol ang matanda, patay sa may pinto ng ulila niyang bahay.