Sumapit din ang madaling-araw sa hintakot na bayan. Ulila pa rin ang lansangang kinatitirikan ng kwartel at ng munispyo. Walang ano mang palatandaan doon ng buhay. Isang bintanang kahoy ang maingay na binuksan at isang batang lalaki ang nagpalinga-linga. Lumagapak ang balat na pamalo sa puwit ng bata kaya nawala sa bintanang biglang isinara. Matapos ang gayong pangyayari ay nagging sunod-sunod ang pagbubukas-pinid ng mga dahon ng bintana. Sinundan iyon ng isa pa at sumungaw ang ulo ng matandang babaeng kulubot na’t bungi. Siya si Sister Pute na nag-iingay nang katakot-takot nang nagsesermon si Padre Damaso. Sadyang ang mauusisa sa mundo ay ang mga bata’t matatanda. Amg una’y upang matuto at ang huli’y para makapagtsismis. Tiyak na walang lumagapak na tsinelas sa puwit ng matanda, pagkat namalagi siya sa bintana. Nakapangunot-noo siyang nanungaw, nagmumog at maingay na ibinuga ang nasa bibig bago nagkrus. Nabuksan na rin ng bintana ng katapat niyang bahay at lumitaw si Sister Rufa na hindi nanloloko, ngunit hindi rin nagpapaloko. Nagtinginan ang dalawang nagngitian at nagsenyasan, saka nagsipagkrus na muli.
“Hesus!” bulalas ni Sister Rufa. “Hindi ba’t parang Misa ng Pasasalamat? Biro mong putukan iyon!”
“Wala pa ‘kong nakitang gabing tulad nito mula nang lusubin ni Balat ang kabayanan,” wika ni Sister Pute.
“Kayraming putukan! Sabi nila’y pangkat iyon ni Tandang Pablo.”
“Tulisan? Hindi siguro. Sabi’y mga pulis-munisipyong nakipaglaban sa mga guardia civil. Kaya nga nakulong si Don Filipo.”
“Diyos Santisima! At may labing-apat daw ang patay.”
Nabuksan ang iba pang mga bintana at sumungaw ang iba-ibang mukhang nangagbatian.
Gayong anyong magiging masaya ang buong araw ay litong paroo’t parito ang mga guardia civil.
“Hayun ang isa pang bangkay,” wika ng isa pang nakapamintana.
“Isa? Dalawa ang Nakita ko.”
“Pero, pupusta akong hindi niyo alam ang talagang nangyari,” sabi naman ng isang lalaking mukhang hunyango.
“Ano pa, di tungkol sa mga pulis-munisipyo/”
“Hindi po. Tiyak na tungkol sa pag-aalsa sa kwartel.”
“Walang pag-aalsa.” Nag-away ang kura at ang opisyal ng mga guardia civil.”
“Hindi, walang ganyang nangyari,” sabi ng lalaking nagtanong. “Tungkol iyon sa mga Intsik, rebolusyon ng mga Intik.” At, isinara niya ang bintana.
“Ang mga Intsik!” anilang sabay-sabay at gulat na gulat.
“Kaya pala walang makitang isa man lamang sa kanila kahit saan.”
“Siguro’y napatay silang lahat.”
“Sabi na nga ba’t may binabalak silang kakatwa. Bakit nga’t kahapon…”
“Nakikinita ko na nga bang darating. Kagabi…”
“Sayang!” bulalas ni Sister Rufa. “Namatay ang lahat ng Intsik bago magpasko gayong pinadadalhan nila tayo ng magagandang aginaldo. Dapat ay hinintay man lamang nila ang Bagong Taon.”
Unti-unting nagkabuhay ang lansangan. Naunang lumaboy ang mga aso, manok, mga baboy, at kalapati. Sinundan ang mga iyon ng marurungis na mga batang lalaking magkakahawak na dahn-dahang namamaybay sa may kwartel. Lumabas na rin ang ilang matatandang babaeng nakapandong at hawak ang mabibigat na rosaryo. Nagkunwari silang nagdarasal upang makaraan sa mga sentri. Nagsimula na ring magsilabas ang mga kalalakihan nang inaakala nilang wala nang peligrong mabaril sa lansangan. Nagkunwari silang nagwawalang-bahala. Nagpalakad-lakad muna sila sa harapan ng kani-kanilang bahay habang hinihimas ang sasabungin nila. Malayu-layo na ang kanilang nalakaran kalaunan. Urong-sulong sila hanggang sa marating nila ang munisipyo.
Hindi naglipat-oras at iba pang bersyon tungkol sa gabing nagdaan ang kumalat. Tinangkang itakas ni Ibarra si Maria Clara sa tulong ng kanyang mga utusan. Ipinagtanggol ni Kapitan Tiyago si Maria Clara sa tulong ng mga guardia civil… Dumami ang bilang ng mga patay nang mula sa labing-apat hanggang tatlumpu. Nasugatan si Kapitan Tiago kaya’t lumuwas sa Maynila na kasama ang kanyang pamilya.
Naging sensational na panoorin ang dalawang pulis-munisipyo na may dalang kamilyang kinalalagyan ng tila bangkay ng isang lalaki. Kasunod nila ang isang sundalo. Nanggaling daw ang mga iyon sa kumbento. May nagtatangkang kumilala sa bangkay sa pamamagitan ng tatawing-tawing niyong mga paa. Tiniyak ang gayong pagkilala nang magpalayo-layo na iyon. Nang makalayo pa’y dumami ang nag-iisang bangkay sa kamilya. Nagmisteryo ang bilang niyon nang tulad ng Banal na Santisima Trinidad. Maya-maya pa’y lumubha ang misteryo na gaya ng himala ng dumaming mga tinapay at isda, at ang bilang ng patay ay nagging tatlumpu’t walo.
Nang alas siete y media ay dumating ang marami pang guardia civil mula sa kalapit-bayan. Luminaw at nagging detalyado ang mga pangyayari nang nakaraang gabi.
“Kagagaling ko lang sa munisipyo,” pagbabalita ng isang lalaki kay Sister Pute. “Nakita ko roon ang inarestong sina Don Filipo at Don Crisostomo. Nakausap ko ang isa sa mga pulis na bantay.Tila ‘yong tatay ni Bruno na halos pinatay sa palo ang nagsumbong sa lahat ng nangyari kagabi. Gaya ng alam na ninyo ay ipakakasal ni Kapitan Tiago si Maria Clara sa isang binatang Kastila. Nainsulto si Don Crisostomo kaya para makaganti ay tinangka niuyang patayin ang lahat ng Kastila pati na ang kura. Nilusob nila kagabi ang kuwartel at ang kumbento. Mabuti na lamang at ang kura’y nasa bahay ni Kapitan Tiago, kung nagkatao’y napatay siya. Marami raw ang nakatakas. Sinunog ng mga guardia civil ang bahay ni Don Crisostomo. At kung hindi napaaga ang pag-aaresto sa kanya, siguro’y sinunog din siya.”
“Sinunog nila ang bahay niya?”
“At hinuli ang lahat niyang utusan. Hayun, makikita pa rin mula rito ang usok,” anang nagsasalaysay na namintana. “Malulungkot ang balita ng mga nanggagaling doon.”
Sinundan ng lahat ng mata ang pumapaitaas na usok. Maraming namuna… mga pamumunang may kabanalan at may pagkapoot.
“Kawawang tao,” wika ng asawa ni Sister Pute.
“Oo nga,” sagot niyon. “Kahapon kasi’y nalimutan niyang ipagmisa ang kaluluwa ng kanyang amang higit ang pangangailangan kaysa sa iba.”
“Ngunit, mahal, hindi ka ba naawa?”
“Maawa sa isang ekskumulgado? Sabi ng kura’y masama ang maawa sa mga kaaway ng Diyos. Tingnan mo’t para siyang naglakad sa poltrihan sa banal na lugar sa sementeryo.”
“Mukha naman,” palki ng matandang lalaki. “Ang kaibahan nga lamang ay iisang uri ng hayop ang pumapasok sa poltrihan.”
“Magtigil ka!” sigaw ni Sister Pute. “Masyado mong ipinagtatanggol ang taong kitang-kita nang pinarurusahan ng Diyos. Mag-ingat ka’t baka pati ikaw ay arestuhin. Tukuran mo ang nagigibang bahay at nang madaganan ka.”
Natigilan ang asawa sa gayong pangangatwiran.
“Tingna mo!” patuloy niya. “Pagkatapos na saktan si Padre Damaso ay di malayong patayin niya si Padre Salvi.”
“Hindi mo maikakailang mabait siyang bata.”
“Oo nga, pwedeng mabait siya no’ng bata siya, iyon nga lang, nagtungo sa Espanya, at ang mga nagpupunta roon ay nagiging erehe. ‘Yon ang sabi ng mga prayle.”
“Huh!” malakas na sabi ng lalaki na nakakita ng pakgkakataong kontrahin ang asawa. “E, ang ga kura ba, ang iba pang mga pari, at ang arsobispo, ang papa, at saka ang Birhen, hindi ba’t lahat sila ay galling sa Espanya? E, di erehe rin silang lahat, ano? O ano?”
Sinuswerte pa rin si Sister Pute sa pakikipagdiskusyon, pagkat siyang pagpasok ng babaeng katulong. Tumatakbo iyong papasok, namumutla, at takot na takot.
“May lalaking nagbigti sa bakuran ng ating kapitbahay!” humihingal niyong pagbabalita.
“Nagbigti!” natitigilang wika ng mag-asawa.
Nagkukrus ang dalawang babae, ngunit walang sinumang nakakilos.
“Totoo po,” patuloy ng nanginginig na katulong. “Mamimitas ako ng ilang bataw… Tumingin-tingin ako sa bakuran, sa may kusina ng ating kapitbahay para tingnan kung may mapipitas ako. Nakita ko ang isang lalaking nakabitin at akala ko’y si Teo, ‘yong katulong ng kapitbahay na palaging nagbibigay sa akin… Lumapit ako sa… namitas ng bataw, pagkatapos Nakita kong hindi pala si Teo, kundi isang patay na lalaki, kaya’t tumakbo ako nang tumakbo at…”
“Tingnan natin kung sino,” pagyayaya ng asawa ni Sister Pute habang papatayo. “Mauna ka.”
“Huwag!” sigaw ng babae at humawak sa laylayan ng kamiseta ng asawa. “Baka ka madisgrasya! E, ano kung nagbigti siya! Problema niya ‘yon!”
“Huwag mo akong pigilan. Ngayon, ikaw Juan, ang magpunta sa munisipyo at ipaalam mo sa mga maykapangyarihan. Baka naman hindi pa patay.”
Tinungo ng matandang lalaki ang kabilang bakuran. Kasunod niya ang katulong na nangungubli sa kanyang likuran. Kasunod pa rin ang ilang babae at si Sister Pute na takot ngunit mausisa.
“Hindi na ako makapaparito tuwing hapon para makausap si Teo,” naisip ng babaeng katulong. “Hayun siya!” malakas naman niyang wika. Huminto siya sa paglakad at itinuro ang Nakita.
Ang komite ng mga imbestigador ay huminto sa malayo at hinayaang magpatuloy na nag-iisa ang matandang lalaki.
Nakabitin ang isang katawan sa isang sanga ng punong santol at bahagya iyong iniuugoy ng hangin. Ilang sandaling tinitigan ng matandang lalaki ang naninigas nang mga paa’t braso, ang namantsahang damit, at nabaliang likod.
“Huwag nating galawin hanggang hindi pa dumarating ang mga pulis,” malakas niyang sabi. “Matigas na. Matagal-tagal na siyang patay.”
Unti-unting lumapit ang mga babae.
“Siya ‘yong lalaking naninirahan sa kabilang bakuran. D’on nakatira sa kubo. ‘Yong dalawang pa lamang na kararating. Nakita ba n’yo ang pilat sa mukha?”
“Mahal na Birhen!” bulalas ng ilang babae.
“Ipagdadasal ba natin ang kanyang kaluluwa?” tanong ng isang dalagita pagkatapos tingalain ang nakabitin.
“Loka!” pangaral ni Sister Pute. “Para kang erehe kung magsalita. Hindi mo ba alam ang sinabi ni Padre Damaso? Panunukso sa Diyos ang ipagdasal ang isang isinumpa. Siguradong isinumpa ang mga nagpapakamatay, kaya hindi sila pwedeng ilibing sa benditadong lupa.”
At idinugtong pa niya:
“May palagay na nga ba akong mapapahamak ang lalaking iyan. Hindi ko matuklas-tuklasan kung saan siya nakatira.”
“Dalawang beses ko siyang nakitang nakikipag-usap sa sacristan mayor,” puna pa ng isang dalagita.
“Siguradong hindi para mangumpisal o magpamisa.”
Dumating ang ilan pang kapitbahay at marami nang taong nakapaligid sa bangkay na umuugoy sa kanilang ulunan. Isang hepe, ang kalihim-munisipal, at dalawang pulis ang dumating pagkaraang kalahating oras. Ibinababa ang bangkay at isinakay sa isang kamilya.
“Nagmamadaling mamatay ang mga tao ngayon,” hagikgik ng kalihim-munisipal habang kinukuha ang plumang nakaipit sa kanyang tainga.
Itinala niya ang salaysay ng katulong habang tinatanong niya nang nakalilito. Tinangka niyang siluin ang babaeng utusan. Tinitigan niya iyon nang may paghihinala, pagbabanta. Ipinaako sa katulong ang mga pahayag na hindi niyon sinabi. Inaakala tuloy na ikukulong din siya, kaya’t bumulanghit ng iyak at nagtapat na hindi siya talagang namimitas ng bataw at itinurong saksi si Teo.
Samantala, isang magbubukid sa nakasumbrero ng malapad na balanggot at may malaking balat sa leeg ang tumingin-tingin sa bangkay at sa lubid.
Maputlang-maputla na ang bangkay. Dalawang kalmot at dalawang galos ang makikita sa dakong itaas ng may marka ng lubid. Walang kadugo-dugo ang mga galos na likha ng lubid. Minasdan ding Mabuti ng nagtatakang magbubukid ang kamiseta at pantalon ng bangkay. Maalikabok ang mga ito at anyong bagong nagkapunit-punit. Napuna niyong may mga buto ng damong katutubo sa isang lugar ang nakakapit sa leeg ng kamiseta.
“Anong tinitingnan mo?” tanong ng kalihim-munisipal.
“Kinikilala ko ho siya,” paputol-putol na sabi ng magbubukid na nagsisikap na matakpan ang mukha ng sombrero.
“Pero, hindi mob a narinig na isa siyang nagngangalang Lucas? Natutulog ka ban ang nakatayo?”
Naghalakhakan ang lahat. Ang magbubukid na tila napahiya ay bumulong at lumakad nang palayo at nakayuko.
“Hoy, saan ka pupunta?” sigaw sa kanya ng asawa ni Sister Pute. “Hindi ka pwedeng magdaan d’yan. Papunta ‘yan sa kubo ng namatay.”
Nilisan ng magbubukid ang pook na pinaggampanan niya ng isang masaklap na papel at nagtungo siya sa simbahan. Ipinagtanong niya sa sakristiya ang sakristan mayor.
“Natutulog pa siya!” pabarumbadong sagot sa kanya. “Hindi mo ba alam na nilusob ang kumbento kagabi?”
“Hihintayin ko na siyang magising.”
Tiningnan siya nang masama ng mga kawaksi sa simbahan gaya ng dapat lamang asahan sa mga trinatrato rin nang hindi mabuti.
Ang sakristan mayor na bulag ang isang mata ay natutulog sa isang silyong nasa madilim na sulo. Nasa noo na ang salamin niyon sa mat ana halos matabunan ng mahaba at gusot na buhok. Nakalitaw ang payat niyong dibdib na tumaas-bumaba.
Naupo sa kalapit na silya ang magbubukid na tila humanda sa matiyagang paghihintay. Ngunit nalaglag ang hawak niyang barya. Hinanap niya iyon sa tulong ng ilaw ng kandila sa ilalim ng silyon ng sacristan mayor. Napuna niya tuloy ang gayon ding mga buto ng katutubong mga damo sa pantalon at manggas ng kamiseta ng natutulog na lalaki. Nagising iyon, kinusot ang di-bulag na mata, at pinagalitang mabuti ang magbubukid.
“Magpapamisa po sana ako,” wika ng magbubukid.
“Wala nang pamisa ngayon,” sagot ng lalaking bulag ang isang mata, na bahagyang nagbago ng tinig. “Kung gusto mo’y bukas… hindi ba’t para sa mga kaluluwa ‘yan sa purgatoryo?”
“Hindi, ginoo,” tugon ng magbubukid na nag-abot ng piso. “Para iyan sa isang malapit nang mamatay,” dugtong niyang wika habang tinitignan ang matang di-bulag ng kaharap.
Lumabas na siya sa sakristiya.
“Tinodas ko na siya sana kagabi,” bulong niya habang hinahaltak ang marka sa kanyang leeg at nang siya’y umunat ay nalantad ang mukha at taas ni Elias.