mula sa pelikulang: The Rise of Genghis Khan ni Sergie Bordrov
hinalaw ni Mary Grace A. Tabora
Talasalitaan:
- Naninimdim: matinding balísa, karaniwang dahil sa sinisikil na samâ-ng-loob
- Karimarimrim: nakapandidiri, pakiramdam ng matinding pag-ayaw sa isang bagay na hindi kasiya-siya
- Piitan: kulungan
- Tribo: grupo o pangkat ng tao na sama-samang naninirahan sa isang pook
- Liblib: pook na hindi gaanong batid o nararating ng tao; malayòng pook
- Nakatunghay: tingnan nang mabuti at maayos
- Dampa: bahay ng mahirap, karaniwang maliit at gawâ sa marupok na materyales
Mga Tauhan:
- Temüjin – anak ni Yesügei na mula sa Tribong Borjigin
- Yesügei –ama ni Temüjin
- Borte – isang dalaginding na taga – ibang tribo
Tagpuan: Kawangis ng madilim na kalangitan ang nadarama ng magiting na mandirigmang naninimdim sa takbo ng kapalarang sinapit na nakatalungko sa isang sulok ng makipot at karima-rimarim na piitan.
Sipi ng Akda:
Temüjin: Anong saklap na mapiit sa kulungang malupit? Ito ay silid ng kalungkutan. Tila kailan lamang nang kasa-kasama ko si Ama….
Yesügei: Temüjin, bilisan mo na riyan. Kailangan nating magmadali?
Temüjin: Bakit Ama?
Yesügei: Malayo ang ating lalakbayin. Kailangang huwag tayong magpatay-. patay. Mahalaga ang ating sasadyain.
Temüjin: Naguguluhan ako sa iyo Ama. Kanina ka pa nagmamadali at sinasabing mahalaga ang ating sadya sa ating pupuntahan? Ano ba iyon?
Yesügei: Ika’y siyam na taong gulang na, sa edad mong iyan Temüjin ay dapat ka nang pumili ng iyong mapapangasawa.
Temüjin: Itay ako’y masyado pang bata para sa bagay na iyan. Ang kasal ay sa matatanda lamang.
Yesügei: Aba’t ang batang ito, hindi naman ibig sabihin na kapag nakapili ka na ng babaeng pakakasalan mo ay magsasama na kayo. Isang simpleng pamimili lamang ng babae ang gagawin mo at pangakong siya’y iyong pakakasalan.
Temüjin: Ganoon po ba iyon?
Yesügei: Oo, anak. Tayo’y nabibilang sa Tribong Borjigin kaya’t ikaw ay pipili ng babaeng mapapangasawa sa Tribong Merit.
Temüjin: Bakit sa Tribong Merit siya kailangang magmula? Hindi naman iyon ang ating tribo.
Yesügei: Malaki ang atraso ko sa tribo, kaya’t sa ganitong paraan ako y makababawi sa kanila.
Temüjin: Sa tingin mo ba Ama sa ating gagawin ay kalilimutan na nila ‘yon nang ganoon na lamang? Yesügei: Hindi ko alam. Tingnan natin kung ano ang mangyayari. Mas mabuting may gawin akong paraan kaysa sa wala.
Temüjin: Kung iyan po ang sa tingin ninyo’y tama.
Tagpo: Sa maliit na nayong liblib na kinatatayuan ng ilang kabahayan.
Yesügei: Temüjin, magpahinga muna tayo.
Temüjin: Mabuti ‘yan Ama. Napagod na rin ako. Gagalugarin ko lamang ang paligid.
Yesügei: Huwag kang lalayo at mag-iingat ka.
Tagpo: Mapapadpad si Temüjin sa isang dampa kung saan nakatira ang dalaginding na si Borte. Mabibigla siya sa di inaasahang pagbagsak ng pinto ng kanilang kusina na likha ng aksidenteng pagkabuwal ni Temüjin.
Borte: Aaay! May magnanakaw!
Temüjin: Shhh (Tatakpan ang bibig ni Borte). ‘Wag kang sumigaw, wala akong gagawing masama.
Borte: (Pipiliting magsalita kahit nakatakip ang bibig.)
Temüjin: Tatanggalin ko ang pagkakatakip ng bibig mo kung mangangako kang hindi ka na mag-iingay. Magtiwala ka sa akin hindi ako masama (Habang dahan-dahang inaalis ang kamay sa bibig ni Borte.)
Borte: (Sa isang mahinang tinig) Bakit kita paniniwalaan? Di naman kita kilala.
Temüjin: Kahit di mo ako kilala, kaya kong patunayan sa iyo na ako’y mabuti.
Borte: (Mariing pagmamasdan si Temüjin) Aber paano mo patutunayan “yang sinasabi mo? Sige nga! (Taas noo) Temüjin: Basta ba di mo ako pagtatawanan sa sasabihin ko sa iyong patunay.
Borte: Tingnan natin.
Temüjin: (Tila seryosong nag-iisip na may ngiti sa labi)
Borte: Anong nginingiti mo riyan? Sabi mo ‘wag akong tatawa, ikaw lang pala ang tatawa.
Temüjin: Heto na, handa ka na ba?
Borte: Kanina pa, ang bagal mo naman.
Temüjin: Nais ko sanang (magkakandautal) sa…sanang ikaw ang babaeng mapangasawa ko. (Mababa ang tono)
Borte: Nahihibang ka na ba? Niloloko mo ako no? Kabata-bata pa natin.
Temüjin: Seryoso ako. Ano payag ka ba?
Borte: Ganon-ganon lamang ba iyon?
Temüjin: Alam kong mahirap akong paniwalaan, hayaan mong ipaliwanag ko sa iyo. Kasama ko si Itay, kami’y papunta sa tribo ng mga Merit upang pumili ako ng aking mapapangasawa. Ngunit ikaw ang ibig ko, ikaw ang pinipili ko.
Borte: Anong mayroon sa akin, bakit ako ang pinili mo?
Temüjin: Di ko rin alam. Ang tanging alam ko lamang ay ito ang ibinigay ng pagkakataon sa akin. Ikaw ang aking nakita. Kaya naman pagbigyan mo na ako. Hindi naman ibig sabihin na pumayag ka ay pakakasal na tayo.
Borte: (Di pa rin makapaniwala sa bilis ng mga pangyayari) Di ko malaman kung ano ang dapat kong sabihin sa iyo. (Nag-aalangan) Pero… sige na nga.
Temüjin: Salamat sa iyo, ako’y labis mong pinaligaya. Asahan mong hindi ka magsisi sa iyong desisyon.
Borte: (Nahihiya at halos di makapagsalita) Paano na ngayon?
Temüjin: Siyempre tuloy pa rin ang buhay natin. (Masuyo ang pagkakatingin kay Borte) Pero darating ang panahon na tayo’y mamumuhay sa iisang bubong. Magkatuwang na aarugain ang ating mabubuting anak.
Borte: Matagal pa iyon.
Temüjin: Oo, pangako babalikan kita pagkatapos ng limang taon. Halika puntahan natin si Ama. (Kukunin ang kamay ni Borte.)
Tagpo: Magkahawak kamay na naglalakad sina Temüjin at Borte sa paghahanap sa ama kay Yesugei na kanilang makikita na nakatunghay sa ilog. Temüjin: Ama!
Yeşügeii: (Mapapaharap at magpapalipat-lipat ang tingin sa dalawa pati sa kanilang kamay) Anong.. Sino siya… Bakit?
Temüjin: Ama, siya po ang babaing napili ko. Si Borte.
Borte: Magandang hapon po. Kumusta po kayo?
Yesügei: Pero..
Temüjin: (Agarang magsasalita) Paumanhin po sa pagdedesisyon ko nang di nagpapaalam sa inyo pero buo po ang loob ko sa aking ginawa. Sana’y maunawaan n’yo po ako.
Yesügei: Ganang desidido ka na, sino ba ako para di-sumang-ayon sa iyong kagustuhan. Ang iyong buhay naman ang nakataya rito. (Matiim na titingnan si Borte) Okay lang ba sa iyo?
Borte: Opo!
Yesügei: Kung gayon, kayong dalawa at kausapin natin ang mga magulang mo Borte.
Matapos makipagkasundo sa mga magulang ni Borte, ang mag-ama ay naglakbay pauwi sa kanilang dampa sa malayong nayon ng Mongolia. (Si Temüjin ay si Genghis Khan.)
Maikling Panunuri at Mensahe ng Akda
- Ito ay isang dula mula sa Mongolia, hinago sa pelikulang The Rise of Genghis Khan kung saan ipinakita rito ang buhay niya mula noong siya ay musmos pa lamang hanggang sa pagbagsak ng kanyang imperyo.
- Sa simula ng akda ay inilarawan ang kalagayan ni Temujin (Genghis Khan) sa loob ng piitin. Kung saan masasabi natin na ito ay naglalarawan ng pagbagsak niya bilang isang dakilang pinuno ng napakalaking imperyo.
- Kasunod na ipinakita ang pagbabalik-tanaw ni Genghis Khan sa kanyang pagkabata kung saan kasama niya ang kanyang ama na si Yesugue at kung paano niya nakilala si Borte.
- Ipinakita sa dula na bahagi ng kultura ng mga Mongolian na sa maagang edad ay kailangan na nilang mamili ng mapapangasawa.
- Hindi man lubos na nauunawaan ni Temujin ang kanyang gagawin ay sumang- ayon na lamang siya sa kanyang ama na humanap at pumili ng mapapangasawa kung ito ang nararapat ang tama.
- Hindi sa Tribong Merit nagmula ang napiling babae ni Temujin na si Borte, ito ay mula sa ibang tribo. Hanggang sa kasulukuyan ay mayroon pa ring mga tribo sa Mongolia kung saan wala silang permanenteng tahanan.
- Maaari natin masabi na pag-ibig sa unang pagkikita ang namagitan sa dalawang bata. Sapagkat nabuo agad ang pasya ng dalawa.
- Sa pag-aasawa mahalaga ang basbas ng mga magulang sapagkat ito ay isang paraan na rin ng pagbibigay galang at respeto sa kanila.
- Maaga mang pumili ng mapapangasawa si Temujin hinintay pa rin naman nila ang tamang panahon na sila ay maaari ng magsama at magpakasal.
- Ang pag-aasawa ay hindi madaling reposibilidad maraming dapat isaalang-alang ang isang tao o magkarelasyon bago sila pumasok dito.
- Kaya habang bata ka pa lamang ay bigyang pansin muna ang mga bagay na magpapaunlad sa iyong kakayahan at talento. Dahil may mga tamang panahon na inilaan ang Panginoon sa lahat ng bagay.
- Unahin muna ang makapag-aral at makapagtapos. Ayon nga sa kasabihan ang totoong pag-ibig av nakapaghihintay.