Kasaysayan ng Ibong Adarna

Ang Paglaganap ng Korido sa Panahon ng mga Espanyol  

Ang pagdating ng mga Espanyol sa Pilipinas sa pangunguna ni Ferdinand Magellan ay naitala noong Marso 16,1521, sinasabing ang kasaysayan ng pananakop ng mga Espanyol sa ating Inang Bayan ay nagsimula noong taong 1565 nang dumating si Miguel Lopez de Legaspi sa bansa at nagtatag ng unang pamayanan sa Cebu. 

Tatlo ang pangunahing layunin ng mga Espanyol sa pananakop sa Pilipinas. Una, upang palaganapin ang Katolisismo. Ikalawa, ang pagpapalawak ng kapangyarihan sa pamamagitan ng pagpaparami ng mga sakop na mga bansa, Ikatlo, ang paghahanap ng mga pampalasa, masaganang likás-yaman, at mga hilaw na materyales upang matustusan ang kanilang mga pangangailangang pang-ekspedisyon. 

Dahil sa layunin ng mga Espanyol na mapalaganap ang Katolisismo, sinunog nila ang mga nakasulat na panitikan ng ating mga ninuno sa halip ay pinalitan nila ang mga ito ng panitikang nagbibigay-diin sa pananampalatayang Kristiyanismo. Ito rin ang naging sanhi kung bakit ang panitikan sa panahong ito ay naging mapanghuwad o may pagkakatulad sa mga anyo at paksang Espanyol. Lumaganap sa larangan ng panulaan ang mga tulang liriko, mga awit, mga korido, at ang pasyon. Sa larangan naman ng drama ay namayani ang duplo, karagatan, komedya o moro-moro, mga dulang panrelihiyon, senakulo, at sarsuwela. Samantalang ang mga akdang tuluyan o prosa ay may paksang panrelihiyon at karaniwang tungkol sa mga talambuhay ng mga santo. Ayon sa talang sinulat ni Jose Villa Panganiban,et al.sa aklat na pinamagatang Panitikan ng Pilipinas.

Panitikan ng Pilipinas, ang panitikan noong panahon ng Espanyol ay sinasabing may tatlong katangian: 

  • May sari-saring kaanyuan at pamamaraan, gaya ng mga tulang liriko awit, korido, pasyon, duplo, karagatan, komedya, senakulo, sarsuwela, talambuhay, at mga pagsasaling-wika. 
  • Ang karaniwang paksain ay panrelihiyon. 
  • Ang lalong nakararami ay huwad, tulad o halaw sa anyo, paksa, o tradisyong Espanyol. 

Naging isang mabisang behikulo ang panitikan upang mabilis na mapalaganap ang relihiyong Katolisismo sa bansa. Isa sa pinakatanyag na uri ng panitikang nagbibigay-halaga sa diwang Kristiyanismo ay ang mga tulang romansa na nauuri sa dalawang anyo-ang awit at ang korido. Madalas ang mga ito ay nagsisimula sa panalangin o pag-aalay ng akda sa Birhen o sa isang santo. Kalimitang ito ay pumapatungkol sa pakikipagsapalaran at kabayanihang karaniwang kinasasangkutan ng mga prinsipe at prinsesa at mga maharlikang tao kung saan ang pangunahing tauhan ay nagtatagumpay dahil sa kanyang mataimtim na pananalig at matiyagang pagtawag sa Diyos. 

Dahil lubhang mahigpit ang sensura noong Panahon ng Espanyol, hindi lahat ng mga akdang pampanitikan ay maaaring maisulat at mailathala lalo pa’t kung ito ay laban sa pamamahala ng mga Espanyol. Ngunit dahil sa temang sinasaklaw ng awit at korido ang mga ito ay namayani at higit na nakilala ng marami. Ayon sa aklat na Panitikang Pilipino ni Arthur Casanova, ang awit at korido ay maaaring uriin gamit ang sumusunod na mga pamantayan. 

Kaligirang Pangkasaysayan ng Ibong Adarna 

Hanggang sa kasalukuyan ay hindi pa rin matukoy kung sino talaga ang sumulat ng koridong Ibong Adarna. Ayon kay Pura Santillan-Castrence, ito ay sa dahilang ang kasaysayan ng akdang ito ay maaaring hinango lamang sa kuwentong-bayan mula sa mga bansa sa Europa tulad ng Romania, Denmark, Austria, Alemanya, at Finland. Ito rin ang dahilan kung bakit maraming kritiko ang nagsasabing ang Ibong Adarna ay hindi ganap na maituturing na bahagi ng panitikang Pilipino sa dahilang hiram lamang sa ibang bansa ang kasaysayan nito. Kung uugatin ang kasaysayan, ang tulang romansa ay nakilala sa Europa noong panahong Medieval o Middle Ages. Tinatayang noong 1610, mula sa bansang Mexico, ito ay nakarating sa Pilipinas na ginamit namang instrumento ng mga Espanyol upang mahimok ang mga katutubo na yakapin ang relihiyong Katolisismo. 

Bagama’t itinuturing na halaw o nagmula sa ibang bansa ang akdang ito, sinasabi ng maraming kritiko na umaangkop naman sa kalinangan at kultura ng mga Pilipino ang nilalaman nito. Masasalamin sa akda ang mga natatanging kaugalian at pagpapahalaga ng mga Pilipino tulad ng pagkakaroon ng matibay na pananampalataya sa Poong Maykapal, mataas na pagpapahalaga sa kapakanan ng pamilya, mataas na pagtingin o paggalang ng mga anak sa magulang, paggalang sa nakatatanda, pagtulong sa mga nangangailangan, pagtanaw ng utang na loob, mataas na pagpapahalaga sa puri at dangal ng kababaihan, pagkakaroon ng tibay at lakas ng loob sa pagharap sa mga pagsubok ng búhay, at marami pang iba. Bukod sa mga gintong aral na makukuha sa akda, ito ay tinangkilik din ng ating mga ninuno sa panahon ng pananakop ng mga Espanyol sapagkat ito ay nagdulot din noon ng kasiyahan o kaaliwan sa kanila. Sa katunayan ang akdang Ibong Adarna ay itinuturing na panitikang pantakas sapagkat ang mahihirap na Pilipino na sakbibi ng hirap at sakit dahil sa kahirapang kanilang nararanasan bunga ng paniniil ng mga Espanyol ay pansamantalang nakatatakas sa kanilang tunay na kalagayan sa sandaling mabasa o mapanood ang akdang ito at mailagay ang kanilang sarili sa pakikipagsapalaran ni Don Juan na siyang pangunahing tauhan sa akda. 

Sa maraming mga koridong nalimbag at naisulat sa Pilipinas, ang Ibong Adarna ang higit na tumanyag sapagkat bukod sa ang mga sipi nito ay ipinagbibili sa mga perya na karaniwang isinasagawa tuwing kapistahan ng mga bayan-bayan, ito rin ay itinatanghal sa mga entablado na tulad ng komedya o moro-moro. 

Dahil na rin sa pasalin-saling pagsipi, ang mga sulat-kamay at maging ang mga nakalimbag na kopya ng Ibong Adarna ay nagkaroon ng pagkakaiba-iba sa gamit at baybay ng mga salita. Noong 1949, sa pamamagitan ng matiyaga at masusing pag-aaral ni Marcelo P. Garcia ng iba’t ibang sipi ng Ibong Adarna ay isinaayos niya ang pagkakasulat ng kabuoan ng akda partikular ang mga sukat at tugma ng bawat saknong. Sa kasalukuyan ang kanyang isinaayos na sipi ang karaniwang ginagamit sa mga paaralan at palimbagan. 

Pagkakaiba ng Awit at Korido 

 AWIT KORIDO 
Batay sa Anyo Binubuo ng 12 pantig sa loob ng isang taludturan, apat na taludtod sa isang taludturan Binubuo ng walong pantig sa loob ng isang taludtod at apat na taludtod sa isang taludturan 
Musika Ang himig ay mabagal tinatawag na andante Ang himig ay mabilis na tinatawag na allegro 
Paksa Tungkol sa bayani at mandirigma at larawan ng búhay Tungkol sa pananampalataya, alamat, at kababalaghan 
Katangian ng mga Tuhan Ang mga tauhan ay walang taglay na kapangyarihang supernatural ngunit siya ay nahaharap din sa pakikipagsapalaran ngunit higit na makatotohanan o hango sa tunay na búhay Ang mga tauhan ay may kapangyarihang supernatural o kakayahang magsagawa ng mga kababalaghan na hindi magagawa ng karaniwang tao 
Mga Halimbawa Florante at Laura, Pitong Infantes De Lara, Doce Pares ng Pransya, Haring Patay Ang Ibong Adarna, Kabayong Tabla, Ang Dama Ines, Prinsipe Florintino