Filipino K12 Curriculum Guide


Konseptwal na Balangkas

Layunin ng pagtuturo ng Filipino na malinang ang (1) kakayahang komunikatibo, (2) replektibo / mapanuring pag-iisip at, (3) pagpapahalagang pampanitikan ng mga mag-aaral sa pamamagitan ng mga babasahin at teknolohiya tungo sa pagkakaroon ng pambansang pagkakakilanlan, kultural na literasi, at patuloy na pagkatuto upang makaagapay sa mabilis na pagbabagong nagaganap sa daigdig.

Sa ikatatamo ng mithiing ito, kailangan ng mga kagamitang panturo ng mga guro bilang suporta sa kurikulum na magmumula sa administrasyon, ahensiyang panlipunan, pribado at publiko, pamahalaang lokal, midya, tahanan at iba pang sektor ng lipunan.

Isinaalang-alang sa pagbuo ng kurikulum ang pangangailangang panlipunan, lokal at global na pamayanan, maging ang kalikasan at pangangailangan ng mga mag-aaral. Pinagbatayan din ang mga legal na batas pang-edukasyon, at mga teoryang pilosopikal ng edukasyon at wika nina Jean Piaget (Developmental Stages of Learning), Leo Vygotsky (Cooperative Learning), Jerome Bruner (Discovery Learning), Robert Gagne (Heirarchical Learning), David Ausubel (Interactive/Integrated Learning),Cummins (Basic Interpersonal Communication Skills-BICS at Cognitive Academic Language Proficiency Skills-CALPS) at ng ating pambansang bayaning si Dr. Jose P. Rizal na nagsabing “nasa kabataan ang pag-asa ng bayan”. Dahil ang Filipino ay nasa disiplina ng wika, pinagbatayan ang mga teorya sa kalikasan at pagkatuto ng wika, mga teorya / simulain sa pagsusuring panliterasi at mga pagdulog sa pagtuturo ng wika (W1, W2, W3) at pagtuturo ng mga akdang pampanitikan at tekstong palahad.

Source: DepEd Filipino CG