Nang makarating sa bayan ang kasawiang iyon, nahabag ang ilan at nagkibit-balikat naman ang iba. Walang kasalanan ang sino man at wala ring sinurot ang budhi sa mga ito.
Hindi man lamang nabalisa ang tenyente ng gwardya sibil: ang tungkulin nito ay samsamin ang mga sandata at tugisin ang mga tulisan. Kaya nang dukutin si Kabesang Tales, agad na dinala sa bayan ng binuo nitong pangkat ng mga sundalo ang mga nakagapos na lima o anim na magbubukid na pinaghihinalaan nito. Kung hindi man nakita si Kabesang Tales, sapagkat wala ito sa mga bulsa ng lahat ng mga dinakip na buong buting pinagyuyugyog ng mga gwardya sibil.
Nagkibit-balikat si Padre, Clemente, ang administrador ng lupa ng mga prayle, Wala itong kasalanan; tumutupad lamang ito sa tungkulin at ang mga tulisan ang may kagagawan. Kung hindi ito nagreklamo, hindi sana nasamsam ang mga sandata ni Kabesang Tales at hindi madudukot ng mga tulisan. Ngunit kailangang pangalagaan ng butihing padre ang sariling kaligtasan, dahil kung makatingin si Kabesang Tales ay parang inaasintang mabuti ang bahaging katawan na patatamaan. Likas lamang ang pagtatanggol sa sarili. Kung may mga tulisan, hindi niya katungkulan na tugisin ang mga ito-ang mga gwardya sibil ang dapat gumawa niyon. Kung tumigil na lamang sana sa bahay ang kabesa at hindi lumakad-lakad sa lupain nito, hindi sana ito nabihag ng mga tulisan. Parusa rin iyon ng langit sa mga tumututol sa mga hinihingi ng kanilang orden.
Nalaman din iyon ng debotong si Hermana Penchang, ang pinaglilingkuran ng dalagang si Juli, na napabulalas ng dalawa o tatlong susmaryosep, nag-antanda, at nagwikang: “Madalas na nagpapadala sa atin ang Diyos ng mga ganitong bagay dahil makasalanan tayo o ang ating mga kamag-anak na dapat turan ng kabanalan, pero hindi naman natin ginagawa!”
Si Juliana o Juli ang pinatutungkulan ng hermana na may makasalanang kamag-anak.
“Isipin ninyong ang isang dalagang malapit nang mag-asawa’y hindi pa marunong magdasal! Hesus, malaking eskandalo! Aba’ y hindi niya mabigkas ang Dios te Salve Maria nang hindi tumitigil sa es contigo, at ang Santa Maria nang hindi naman humihinto sa pecadores na siyang ginagawa ng lahat ng mabuting Kristiyano na may takot sa Diyos. Susmaryosep! Hindi alam ang Oremus Gratiam at sabi y mentibus (mabagal) sa halip na mentibus (mabilis). Lisipin tuloy ng makaririnig na suman sa ibus ang sinasabi. Susmaryosep!”
Saka pahilakbot na nag-antanda at nagpasalamat sa Diyos na mabuti nang nabihag ang ama upang mailigtas sa kasalanan ang anak at matutuhan ang kabutihang ayon sa mga pari ay dapat maging mabuting katangian ng bawat babaeng Kristiyano. Kaya pinagtatrabaho nitong mabuti si Juli at hindi pinapayagang dumalaw sa kanyang ingkong. Dapat matutong magdasal si Juli, matutong bumasa ng mga librong ipinamimigay lamang ng mga pari, at magtrabaho hanggang sa mabayaran ang dalawang daan at limampung pisong inutang nito.
Nang mabatid ni Hermana Penchang na nagbalik sa Maynila si Basilio upang kumuha ng halagang pantubos kay Juli, inakala nitong ganap nang mapapahamak ang dalaga at haharap dito ang demonyo sa anyo ng isang estudyante. Yamot man ito sa librong bigay ng kura, tama naman ang sinasabi roon: ang kabataang nagtungo sa Maynila upang matuto ay mapapahamak at magpapahamak pa ng iba. Sa pag-aakalang inililigtas nito sa kasalanan si Juli, ipinababasa nang paulit-ulit sa dalaga ang Tandang Bacio Macunat at sinasabihang laging makipagkita sa kura sa kumbento.
Samantala, naipanalo na ng mga prayle ang kaso laban kay Kabesang Tales. Nang dukutin ng mga tulisan ang kabesa, ibinigay agad ang lupain nito sa isang humingi na walang kahiniyan o karampot na dangal. Nang magbalik ang kabesa, nabatid nitong nasa kamay na ng iba ang upaing binayaran niya ng buhay ng asawa’t anak na babae, at matuklasang pipi ang amang si Tandang Selo at naglilingkod bilang alila si Juli, idagdag pa rito ang utos ng tribunal na alisin ang lahat ng laman ng bahay at iwan iyon sa loob ng tatlong araw, walang narinig mula sa kabesa kahit isang salita. Naupo lamang ito sa tabi ng ama at halos hindi na kumibo sa buong maghapon.
Alam mo ba?
Binanggit ni Hermana Penchang na hindi marunong magdasal si Juli, at binigyang-diin nito ang maling pagbigkas ng Dios te salve. Ang linyang ito ay hango sa panalanging Ave Maria, na ang kahulugan sa ating wika ay: Aba Ginoong Maria.
Mapapansin na ang inilahad na panalangin ay siyang inaawit sa mga prusisyon at pag-aalay para sa Mahal na Birhen, lalo na sa mga Santakrusan. Kaya lamang, gaya ng binanggit ni Hermana Penchang, may mga nagdarasal o umaawit nito na ang bigkas sa Dios te salve, Maria, ay Dios de salve, Maria. Ito ay dahil hindi nila alam ang panalangin o awit, naririnig lamang ito ng mga Pilipinong hindi nakapag-aral ng wikang Espanyol. Ito ang finatawag na uwido (oido) ng ilang matatanda. Ang pinaghanguang salitang oido sa wikang Espanyol ay ang anyo ng pandiwang oir (makinig/pakinggan) sa past participle.
Sa kabilang dako, ginagamit din ang terminong uwido para sa mga tumutugtog ng piyano o gitara o ng anumang instrumentong pangmusika nang hindi nakaiintindi ng tungkol sa mga nota. Nakatutugtog sila batay lamang sa naririnig nilang musika.
Binanggit sa kabanata ang akdang Tandang Bacio Macunat na ipinababasa ni Hermana Penchang kay Juli. Ang akdang ito ay isang proto-nobela, ang ibig sabihin, naging daan ito sa pagsilang ng nobela bilang isang genre sa panitikang Pilipino. Samantala, tinuligsa ang akdang ito ng ilang kilalang manunulat na Pilipino, kabilang na sina Jose Rizal at Marcelo H. del Pilar, gayundin ng historyador na si Teodoro Agoncillo. Ang pagtuligsang ito ay maaaring matukoy sa layunin ng aklat na ito-ang pangangaral upang mapasunod sa kolonyal na kaisipan at gawi ang mga Pilipino sa panahon ng pananakop ng mga Espanyol.
Pinaghanguan: El Filibusterismo Efren R. Abueg at Magdalena C. Sayas