El Filibusterismo Kabanata 5: Noche Buena ng Isang Kutsero

Lumilibot na ang prusisyong pang-Noche Buena nang dumating si Basilio sa San Diego. Naantala siya nang maraming oras dahil pinigil ng mga gwardya sibil ang kutsero na walang dalang sedula, kinulata pa ito at iniharap sa komandante sa kwartel.

Huminto na naman ang karomata, nag-alis ng sumbrero ang kutsero bilang paggalang, saka nagdasal ng isang Ama Namin sa harap ng dumaraang santo isang napakatandang lalaking may mahabang balbas na ang ngala’ y Matusalem at tinatawag sa Europa na Noel.

“Sa panahon ng mga santo, tiyak na walang gwardya sibil,” bulong ng kutsero. “Hindi mabubuhay nang matagal ang mga ito dahil sa palo ng kulata ng baril.”

Pinuna pa ng kutsero ang dumaraang Tatlong Haring Mago na nangakasakay sa mga kabayo. Wala nga raw sigurong gwardya sibil noon dahil tiyak na ikukulong ng mga ito ang negrong si Melchor na nangahas pumagitan sa dalawang puting sina Gaspar at Baltasar. Ibinalita pa ng kutsero kay Basilio na umano y malapit nang makawala ang kanang paa ng Hari ng mga Indio na si Bernardo Carpio sa pagkakaipit nito sa pagitan ng dalawang bundok ng Montalban.

“Kapag tuluyan na siyang nakalaya, ibibigay ko sa kanya ang aking kabayo, magiging tagasunod niya ako, papatay ako at palalayain tayo sa mga gwardya sibil!” pigil ang hiningang napausal ang kutsero.

Nawili ang kutsero sa panonood ng prusisyon at hindi nito napansing patay ang ilawan ng karomata. Napansin iyon ng isang gwardya sibil kaya inulan ng katakut-takot na mura ang kutsero. Dahil alam ni Basilio na pipigilin na naman ito, mahinahon siyang bumaba ng sasakyan at naglakad na lamang, bitbit ang kanyang maleta.

Malungkot at di-gaanong mailaw ang mga bahay na kangina’y naraanan ng karomata.

Nagpatingkad iyon ng pakiramdam niyang wala na siyang kamag-anak sa bayan ng San Diego. At tila ang bahay na lamang ni Kapitan Basilio ang natatanging masaya. Nakita ni Basilio si Sinang ang sa entreswelo ng bahay, pandak pa rin, ngunit tumaba at bumilog sapul nang mag-asawa.

Namangha rin siya nang makitang kausap ni Kapitan Basilio, ang kura, at ng alperes si Simoun na nakasalaming asul at tila walang inaalala.

Naririnig ni Basilio ang pinag-uusapan ng apat-ang pagpunta ng mga ito sa Tiani upang tingnan ang mga alahas ni Simoun, ang di pagtanggap ng kapitan sa bayad ng alperes para sa bilin nitong kadena ng relo dahil regalo niya na raw iyon sa militar; sa totoo, ayaw na nitong ligaligin pa ng mga gwardya sibil ang kanyang mga manggagawa.

“Isang pares na hikaw ang gusto,” sabi ng kura. “Ang gusto ko’y ‘yung mahusay… at saka na tayo magkwenta.”

Si Kapitan Basilio ang pinagbilinan ng kura; gaano na lang ang halaga ng hikaw gayong sa isang masamang ulat lamang nito’ y maaaring ibayo ang maaaring magasta ng may-ari ng bahay. Puring-puri naman ni Simoun ang mga inilalako nitong alahas.

Naisip ni Basilio na kahanga-hanga si Simoun dahil nakapagnenegosyo ito kahit saan. Binibili nito sa kalahating halaga ang mga alahas at ipinagbibili naman nito bilang panregalo. “Nagkakapera ang lahat sa bayang ito, liban lang sa amin!”

Nagtungo na si Basilio sa bahay ni Kapitan Tiago na tinitirhan ng isang katiwalang malaki ang paggalang sa kanya. Nakita nito ang pag-oopera niya nang mahinahon, parang pagtistis lamang sa isang manok. Ibinalita nitong dalawang manggagawa ng kapitan ang nakabilanggo at ang isa pa’y nakatakdang ipatapon. May namatay pang isang kalabaw.

Ikinainis ni Basilio ang mga lumang balitang iyon. At pilit nag-isip ng kung ano ang bagong sasabihin ng katiwala.

“Namatay ang ating isang kasamá na nag-aalaga ng gubat at ayaw itong ipalibing ng kura bilang isang mahirap dahil mayaman naman daw ang amo nito.”

Sa katandan namatay ang bantay gubat at hindi lyon nakasiya kay Basilio. Itinanong niya kung ano ang balita mula sa Sagpang. Isinalaysay ng matanda ang pagkakadukot kay Kabesang Tales. Hindi kumibo si Basilio, lungkot na lungkot.

ALAM MO

  • Isa sa mga ginamit na termino sa kabanata ay ang kinulata. Galing ito sa salitang Espanyol na culata na ang kahulugan ay “dulong bahagi ng baril.” At sa kabanatang ito, maaalaala na mahaba ang baril na ginagamit ng mga gwardya sibil. Kung gayon, inangkin ng wikang Tagalog ang salitang ito, pinalitan lamang ang titik C ng titik K. At sa gamit nito sa kabanata, ginawa itong pandiwang nasa aspektong natapos na, kaya nilapian ng gitlaping-in, at naging kinulata.
  • Ang pariralang noche buena ay mula sa wikang Espanyol. Inangkin na ito ng wikang Tagalog, at isinailalim sa prosesong asimilasyon, kaya ang baybay nito sa ating wika ay Notsebwena, bagama’t ang karaniwang ginagamit ay ang pagbababaybay sa wikang Espanyol. Ito ang tawag natin sa paghahanda sa gabi ng bisperas ng Pasko. Ang literal na kahulugan ng binanggit na parirala ay “magandang gabi,” ang noche ay “gabi” at ang buena ay “mabuti o maganda.” At nagiging mabuti o maganda ang ating gabi ng bisperas sa pamamagitan ng pag-alaala sa kapanganakan ng Panginoong Hesus, kasabay ang paghahanda ng isang salusalo ng pamilya.
Sa kabilang dako, bilang pambati naman sa gabi, ang sinasabi sa wikang Espanyol ay buenas noches, na ang ibig ring sabihin ay “magandang gabi.”

Pinaghanguan: El Filibusterismo Efren R. Abueg at Magdalena C. Sayas