Nang batiin ni Padre Florentino ang mga nagtitipon sa kubyerta, tapos na ang inisang bunga ng mainitang pagtatalo. Nagtatawanan at nagbibiruan na ang mga ito, kasama pati ang payat na Pransiskanong si Padre Salvi. Inusal ni Padre Sibyla ang kasamaan ng panahon ngunit kinantyawan ang Bise-Rektor ng kanonigong si Padre Irene dahil sa mabuting pangangalakal ng mga paring kasamahan nito sa Hong Kong na nakapagpatayo pa ng mga gusali.
“Aba! Di ninyo nakikita ang aming mga gastusin at nag-umpisa nang makipagtalo ang mga naninirahan sa aming mga lupain!” sangga ni Padre Sibyla.
Inawat ng nagpapatawang si Padre Camorra ang mga daing ng kapwa prayle. Sinabing hindi ito dumaraing kahit tumatawad sa mga buwis ang mga Indio na parang hindi nagmamahal ang mga bagay-bagay.
“Hindi ba’t mura paangbayad sa isang binyag kaysa halagang isang inahin?” pangangatwiran ni Padre Camorra. “Kaya nagtataingang-kawali ako, naniningil sa kanilang makakaya at di ako dumaraing kailanman. Di naman tayo sakim, di ba, Padre Salvi?”
Biglang lumitaw ang ulo ni Simoun sa sarahan ng ilalim ng kubyerta. Malakas na sinabi ni Don Custodio na tila nakalimot na ng sama ng loob sa alahero, na hindi nito nakita ang pinakamainam na bahagi ng pagialayag.
“Nakakita na ako ng maraming ilog at tanawin; ang makabuluhan sa akin ay mga lugar na nakapagpapagunita sa akin ng mga alamat, ” sabi ni Simoun nang nasa kubyerta na.
Sumabad ang kapitan ng bapor na nagbanggit tungkol sa alamat ng Malapad-na-Bato na sinasamba noong bago pa dumating ang mga Espanyol dahil pinananahanan daw ng mga espiritu; ngunit nang mapawi na ang paniniwala roon at hindi na iginalang ang bato, pinanahanan naman iyon ng mga tulisan.
“Sa panahon natin ngayon,” patuloy ng kapitan, “paminsan-minsan umanong natataob ang bangka at kung hindi ko ginagamit ang anim kong sentido, maaaring mapabalandra ako sa tagiliran ng bato. Nar’ yan pa rin ang alamat ng yungib ni Donya Geronima na maikukwento sa inyo ni Padre Florentino.”
“Alam na ‘yan ng lahat!” pagwawalang-bahala ni Padre Sibyla.
Nagpaunlak naman ang butihing pari dahil hindi pa iyon naririnig nina Simoun, Ben Zayb, Padre rene, at Padre Camorra.
“May isang lalaking estudyante na nangakong pakakasalan ang isang babae sa kanilang bayan, pero nakalimot ito. Matapat namang naghintay ng maraming taon ang babae hanggang sa tumanda at tumaba ito. Nabalitaan nito isang araw na Arsobispo na ng Maynila ang dating kasintahan. Nagsuot-lalaki si Donya Geronima, gaya ng tawag dito at humarap sa ilustrisima at hiningi rito na tuparin ang binitiwang pangako. Imposibleng matupad ang kahilingan nito, kaya ipinagpagawa na lamang ito ng Arsobispo ng isang yungib na may takip at ikinukubli ng mga palamuting baging. Sinasabing dahil sa katabaan, pumapasok nang patagilid sa yungib ang babae. Gayunman, ito ang naging tirahan ng donya hanggang sa mamatay. Mula noon, may napabantog na engkantadang lumalabas doon, naghahagis ng mga pilak na kasangkapang gamit sa mga piging na dinadaluhan ng maraming ginoo. May lambat na sumasalo sa mgạ kasangkapang nahuhugasan ng tubig sa ilog. Umaabot sa bibig ng yungib ang tubig, ngunit wala pang 20 taon, papalayo na nang papalayo iyon sa tirahan ni Donya Geronima, tulad ng pagkalimot dito ng mga naninirahan doon.”
Humanga si Ben Zayb sa alamat at sasabihin sana ni Donya Victorina ang iniisip nitong paninirahan sa isang yungib nang maunahan ito ni Simoun.
“Ano kaya, Padre Salvi, sa palagay ninyo, higit na mabuting di sa yungib itinira si Donya Geronima kundi sa isang beateryo na tulad ng Santa Clara?”
Namangha si Padre Sibyla nang makitang nanginig si Padre Salvi na sumulyap kay. Simoun na noo y natural sa pagsasalita. “Di naman maginoo na bigyan ng batong tahanan ang inalisan natin ng pag-asa; di rin banal na ilantad siya sa mga tukso sa isang kweba sa pampang ng ilog. Mas maginoo, banal, at romantiko pa na patirahin siya sa kumbento ng Santa Clara, para madalaw at aluin paminsan-minsan. Ano ang masasabi ninyo, Padre Salvi, kung kayo ang gobernador, kung kayo ang nasa lugar ng mga arsobispo? Ano ang gagawin ninyo kung sa inyo ito mangyari?” Pawalang-bahala at mahinahong sumagot si Padre Salvi. “Walang kabuluhang isipin ang hindi mangyayari. At kung alamat din lamang ang pinag-uusapan, baka makalimutan natin ang tungkol sa himala ni San Nicolas. Isasalaysay ko ito kay Senyor Simoun dahil hindi pa niya siguro ito alam.”
Ayon kay Padre Salvi, ang ilog, tulad ng lawa ay tahanan ng napakaraming buwaya, napakalalaki at masisiba na sumasalakay sa mga bangka sa pamamagitan ng paghagupit ng mga buntot nito. Habang namamangka sa harap ng simbahan ang isang Tsinong di pa nabinyagan, biglang sumalakay ang buwayang nagpataob sa bangka nito. Marahil ay udyok ng Diyos, biglang napatawag ang Tsino kay San Nicolas at ilang sandali pa’y naging bato ang buwaya. Isinasalaysay pa ngayon ng matatanda na makikilala pang mabuti ang halimaw sa pira-pirasong mga batong naiwan doon, lalo na ang ulo nitong patunay na ito y napakalaki.
Napabulalas naman sa paghanga si Ben Zayb na nagbantang sulatin iyon bilang isang artikulo na tamang-tama para sa isang pag-aaral ng pagkakatulad ng mga relihiyon. “Kung ako’ y nasa Isina at nalagay ako sa gayong sitwasyon ng Tsino, hindi si Confucius o si Buddha ang una kong tatawagin, kundi ang isang di-gaanong tanyag na santo sa kalendaryo. Kung ito y patunay ng kahigitan ng Katolisismo o ng kahinaan sa pag-isip ng mga Tsino, malulunasan lamang ito ng pag-aaral ng antropolohiya.”
Pumapasok na noon ang Bapor Tabo sa lawa. Napahanga ang lahat sa nakapalibot ditong mga luntiang pampang at bughaw na bundok na maihahalintulad sa isang salaming may kwadrong emeralda at safiro na tinutunghan ng langit. Nasa harapan nila ang Makiling, isang kahanga-hangang bundok na napuputungan ng mga ulap at sa kaliwa nito ang pulo ng Talim.
“Siyanga pala, Kapitan,” usisa ni Ben Zayb, “saang dako ba ng lawa namatay ang isang Guevara, Navarra, o Ibarra?” Napatingin ang lahat sa kapitan maliban kay Simoun na wari y may tinitingnan sa pasigan.
Pinangalawahan ni Donya Victorina ang pagtatanong at ang naligalig na Kapitan ay lumapit nang ilang hakbang sa prowa at tinanaw ang pasigan.
“Tumingin kayo roon,” sabi nito sa mahinang tinig. “Ayon sa kabong namuno sa pagtugis, ang nakulong na si Ibarra ay tumalon sa tubig, malapit sa Kinabutasan, sumisid nang pasuling-suling, nilangoy ang may dalawang milyang haba. Pinaulanan ng mga bala, nawala ito sa paningin ng mga tumutugis at sa dakong malayo sa pasigan, nakatuklas sila ng parang kulay-dugong tubig. Naganap iyon 13 taon na..
Napuna ni Ben Zayb na walang tinag at nag-iisip ang alahero. “Nahihilo ba kayo, Senyor Simoun, at sa isang tulo ng tubig tulad ng lawang ito?”
Tumugon agad ang kapitan: “wag ninyong tawaging isang tulo ng tubig ang lawang ito.
Higit na malaki ito sa alinmang lawa sa Swiza at sa mga lawa ng Espanya kahit pa pagsamahin ang mga iyon. Nakakita na ako ng matandang marinong nalula sa laki ng lawang ito!”
Pinaghanguan: El Filibusterismo Efren R. Abueg at Magdalena C. Sayas