Iba naman ang kalagayan sa ilalim ng kubyerta. Higit na maraming tao ang sakay doon, nangakaupo sa mahaba’t bilog na mga bangko sa pagitan ng mga maleta, bakol, at tampipi habang nadadarang ng init ng makina at ng mabahong singaw ng langis at katawan ng tao.
May ilang tahimik na tinatanaw ang mga pampang, may mga byaherong Tsino sa isang sulok, namumutla, nagtatangkang matulog, nakanganga, at naliligo sa sariling pawis. May mga binatang makikilalang nag-aaral dahil sa bihis at tikas ng mga ito, nagtatalo tungkol sa makina ng bapor, o lumiligid sa mga kolehiyalang binubulungan ng mga salitang nakatatawa kaya nagtatakip ng pamaypay sa mga mukha.
Dalawa sa mga binata ang kilala: si Basilio, na nag-aaral ng Medisina, mahusay nang manggamot at mangalaga sa mga maysakit; at si Isagani, ang nakababata na isang makata at mambibigkas sa Ateneo, di palakibo at lubhang malulungkutin. Kausap ng dalawa si Kapitan Basilio na galing sa pamimili sa Maynila.
“Mabuti-buti na si Kapitan Tiago,” sabi ni Basilio. “Kinumbinsi ako ng ilan na dalawin siya sa San Diego, pero sa totoo, gusto lamang niyang makahithit ng opyo!”
Si Padre Irene ang tinutukoy na ilan sa kaibigang matalik at tanungan ni Kapitan Tiago sa mga huling sandali ng buhay nito.
“Salot ng makabagong panahon ang opyo,” parang senador na Romanong suklam ang pananalita ni Kapitan Basilio. “Na alam na ng mga sinaunang tao, pero di naman nila inabuso.
Matagumpay ang pag-aaral ngayon ng mga klasiko-dapat intindihin ito ng mga binata —pero dapat ipalagay na ang opyo ay gamot lamang. Tingnan ninyo ang mga Tsino lamang ang humihitit n’yan dahil sila ang tanging walang alam sa salitang Latin! Kung pag-aaralan lamang ni Kapitan Tiago ang mga sinulat ni Cicero!” Pinagmasdan ni Isagani ang mukha ng kapitan na uhaw na uhaw sa mga sinaunang panahon.
“Pero balikan natin ang Akademya ng Wikang Espanyol,” sabi nitong nag-iba ang tinig. “Pinatutunayan ko sa inyong di ninyo magagawa. Tiniyak ni Isagani na maitatayo ang Akademya dahil hinandugan nila ng dalawang kabayong kastanyo si Padre Irene na nangakong makikipag-usap sa Kapitan Heneral.
“Tutol si Padre Salvi, at saan kayo kukuha ng salapi?” tanong ni Kapitan Basilio. “At paano ang bahay na gagawing paaralan?” Sinagot ang lahat ng iyon ni Isagani, “Nasa bapor si Padre Salvi na tutol sa Akademya dahil haharap din ito sa Kapitan Heneral na nasa Los Baños; mag-aambagan ang mga estudyante at ang bahay ni Macaraig ang gagawing paaralan.” Nakumbinse si Kapitan Basilio sa wakas.
“Mabuting panukala,” sabi nito kay Basilio, “at yamang di mapag-aaralan ang Latin, mapag-aralan man lamang ang Espanyol. D’yan mo makikita, tukayo, ang patunay na paurong ang lakad natin. Noong kapanahunan namin, nag-aaral kami ng Latin dahil nasa Latin ang lahat ng aming mga aklat; ngayon, kaunting Latin na lamang ang inyong pinag-aaralan at wala na kayong mga aklat sa Latin. Sa isang dako, ang mga aklat ninyo y nasa Espanyol, pero hindi naman itinuturo ang wikang ito. ‘Ang katandaan ng mga magulang ay parang masasamang ibon na naghahatid sa atin ng mga pinsala, gaya ng sabi ni Horacio.”
At parang emperador na lumayo si Kapitan Basilio na pinuna agad ni Isagani. “Lagi na lang may pintas ang mga tao sa una—lagi na lang sagabal ang nakikita. Ibig nila’y maging bilog at makinis ang lahat na parang bola ng bilyar.”
“Siya ang kasundo ng amain mo,” nasabi ni Basilio. “Siya nga pala, ano ang sabi niya tungkol kay Paulita? Namula si Isagani, ngunit sumagot: “Sinermunan ako tungkol sa pag-aasawa. Sinagot ko siyang sa Maynila, walang katulad si Paulita, maganda, nag-aral, at ulila.”
“Sinabi mo sanang si Paulita ay mayamang-mayaman, nakapang-aakit ang hitsura, masaya, at ang tanging kapintasan ay ang pagkakaroon ng isang katawa-tawang tiyahin,” pabirong wika ni Basilio.
“Binanggit mo ang kanyang tiyahin, nangako akong hahanapin ang kanyang asawa!” nagtawa na rin si Isagani. “At alam mo bang sa bahay ng amain ko nagtatago ang kanyang asawa?” Nagkataong nanaog si Simoun sa kubyerta at nakita nito ang dalawang binata.
Ipinakilala ni Basilio si Isagani sa alahero. Sinabi ni Simoun na hindi ito napapadalaw sa probinsya ng mga binata dahil hindi makabili ng alahas ang mga nakatira roon. Nasaktan si Isagani. “Hindi kami bumibili ng alahas dahil hindi naman namin ‘yon kailangan!”
Huminging dispensa si Simoun kay Isagani at ipinaliwanag na napag-alaman niyang kapag ang mga parokya ay ipinauubaya ng mga prayle sa mga katutubong pari, hindi nakikilala roon ang mukha ng hari o walang kapera-pera roon, dukhang-dukha ang parokyang iyon.
Tinanggihan ng dalawang binata ang alok ni Simoun na uminom sila ng serbesa.
Sumama ang loob ng alahero, ngunit binanggit nito ang narinig kay Padre Camorra na kaya kulang sa lakas ang bayang ito, sobra ang tubig na iniinom ng mga tao roon. Kapwa nainsulto sina Basilio at Isagani.
“Pakisabi ninyo kay Padre Camorra na kung tubig at hindi serbesa ang iniinom niya, makabubuti iyon sa lahat dahil hindi siya magiging sanhi ng bulung-bulungan,” sagot kaagad ni Basilio.
“Sabihin din ninyo sa kanya na matamis at naiinom ang tubig, at pumapawi sa lasa ng alak at serbesa, saka pumapatay ng apoy; kapag pinainit, nagging singaw; kapag niligalig, nagiging malawak na dagat na minsan ay gumunaw sa sangkatauhan at yumanig sa mundo!”
“Mabuting sagot,” sambit ni Simoun. “Pero palabiro si Padre Camorra, baka itanong niya kung kailan ito magging sulak at kailan maging malawak na dagat!”
Tumugon agad si Isagani: ‘pag pinainit ng apoy ang tubig, ‘pagnagkaisa ang hiwa-hiwalay na mga agos ng sapa patungong ilog, magiging apoy ito ng kasawian na matitipon sa kailalimang hinuhukay ng mga tao.”
Nang umalis si Simoun, inusisa ni Basilio kung bakit parang palaban si Isagani at sumagot naman ito: “Nasisindak ako, natatakot sa taong ‘yan!”
“Kangina pa kita sinisiko,” sabi ni Basilio. “Di mo ba alam na siya ang Itim na Kardinal? Tanungan ‘yan ng Kapitan Heneral, kaya pinupuri siya kung kaharap at minumura kapag nakatalikod.”
Ikinuwento pa ni Basilio na pinaghihinalaan itong may hangad na magmana sa kayamanan ng may sakit na si Kapitan Tiago.
Lumapit ang isang utusan at sinabihan si Isagani na makipagkita sa amaing klerigo si Padre Florentino. Naiiba ito sa ilang paring Pilipino: bihi-bihirang magsalita, hindi nananabako o umaanyong mapagmataas, lubos na nakikihalubilo sa ibang tao, at malumanay na tinutugon ang mga pagpupugay sa kanya. Lubhang maputi na ang buhok nito, ngunit malusog ang katawan, tuwid at taas ang ulo kung umupo, ngunit hindi palalo o mapang-api. Kabilang ito sa matandang panahon na ikinararangal ang pagiging pari; malungkot ang mukha nito, ngunit sa anyong mapagtapat, makikita ang katiwasayan ng kaluluwang pinatibay ng mga pag-aaral at pagkukuro at sinubok ng mga pagtitiis.
Narito ang kanyang maikling kasaysayan:
Anak-mayaman at kilala sa Maynila, makisig ito at maaaring maging tanyag, ngunit kailanman ay hindi pinangarap na maging pari. Dahil lubhang relihiyosa ang ina at sa ilan nitong pangako, pinilit na pumasok ang binata sa seminaryo. Matibay ang pakikipagkilala ng babae sa Arsobispo, matigas ang kalooban at hindi nagbabago ng isip, tulad ng sinaunang babaeng sumusunod sa hangad ng Diyos. Hindi nakatutol ang binatang Florentino, nawalan ng bisa ang pakiusap sa ina, hindi pinakinggan ang pagsasabing may inibig na ito. Sa gulang na 25, naging pari siya, naordenahan ng Arsobispo sa loob ng tatlong araw na pagdiriwang at handaan.
Namatay na masayang-masaya ang ina nito, siyang-siya ang kalooban at ipinamana sa anak ang lahat ng kayamanan.
Gayunman, sa pagpapari’y tumanggap si Florentino ng isang sugat na hindi naghilom kailanman. Isang linggo bago niya ganapin ang unang pagmimisa, nag-asawa nang biglaan ang babaeng kanyang iniibig, hindi na namili dahil sa sama ng loob sa binata. Sinurot siya ng sariling budhi at ang kabuhayan ay naging mabigat pang dalahin. Ibig nitong magpakamatay, ngunit ang pag-ibig sa babae ang pumigil dito. Pinangatawanan na lamang nito ang pagtupad sa katungkulan at ang pagkahilig sa karunungan. Nang maganap ang 1872, nangamba siyang mapuna ang malaking kita ng kanyang parokya, kaya hiniling na makapagretiro siya at pagkaraan, nanirahan sa lupain ng kanilang angkan sa baybayin ng Dagat Pasipiko. Inalagaan niya roon ang isang pamangking lalaki, si Isagani, na ayon sa masasamang dila ay anak nito sa dating iniibig at ayon naman sa iba ay anak sa pagkadalaga ng isang pinsang taga-Maynila.
Nang makita si Padre Florentino ng kapitan ng bapor, pinilit siya nitong pumanhik sa kubyerta. “Kung di kayo paroroon, isipin ng mga prayle na ayaw ninyong makisama sa kanila.”
Ipinatawag ni Padre Florentino si Isagani, binilinan na huwag magpapaunlak kung aanyayahan ng kapitan sa kubyerta dahil kalabisan na iyon. Naisip naman ng binata na paraan iyon ng kanyang amain upang makaiwas siya na kausapin ni Donya Victorina.
Alam mo ba?
- Isang mahalagang bahagi ng kasaysayan ng ating bansa ang taong 1872, nang magkaroon ng Cavite munity o pag-aalsa sa Cavite. kaugnay ng pangyayaring ito, binitay ang tatlong magagaling na paring pilipino, ang GomBurZa.
- May dalawang uri ng epikurealismo, ito ay tumutukoy sa kasiyahang senswal at ang isa pa ay tumutukoy naman sa kasiyahang intelektwal. Si Kap. Basilio ay inilarawan bilang epikureo
Pinaghanguan: El Filibusterismo Efren R. Abueg at Magdalena C. Sayas