Binunuo ng iba’t ibang pangkat o tribo ang Muslim ng Mindanao. Isa na dito ang pinakapopular at pinakamalaking tribo ng mga Muslim ang mga Maranao.
Ang mga Maranao ay ang mga Muslim na naninirahan sa Lanao na nasa kapaligiran ng lawa ng Lanao, na siyang pangalawang pinakamalaking lawa sa Pilipinas.
Ang orihinal na tawag sa lalawigang ito y Ranao na nangangahulugang lawa o lanaw at ang mga naninirahan ay tinatawag na Maranao (naninirahan sa may lawa), at galing ito sa wikang Austronesian.
Tinatayang aabot sa 90% ang bilang ng mga ito na naninirahan sa Lanao del Sur, ang ibang natira ay matatagpuan sa bahagi ng Lanao del Norte, Cotabato, Zamboanga, at Bukidnon.
Noong nabubuhay pa ang Pangulong Manuel Luis Quezon, pinangalanan niyang “maliit na Baguio ng timog” ang lalawigan ng Lanao. Malamig sa pook na ito at malayo sa tinatawag na belt ng bagyo. Noong Mayo 2, 1959 sa paglabas ng Batas ng Republika 2228 ay nahati sa Lanao del Sur at Lanao del Norte ang Lanao. Ang mga punong lalawigan ay Lunsod ng Marawi at Lunsod ng Iligan.
Ang sentro ng pangangalakal, pangkultura, at pang-edukasyon ng mga Maranao ay sa Marawi City o dating tinatawag na Dansalan. Ito ang kabisera ng Lanao del Sur.
Ang mga Maranao ay unang naninirahan sa kabundukan, pero ang impluwensya nito ngayon ay kumalat na hanggang sa mga tao sa baybaying lugar. Sa mga malalalaking pangkat ng mga Muslim sa Mindanao, ang mga ito ang pinakahuling naging Islam. Sila ang takbuhan ng mga Muslim kung may aktibidad laban sa mga Espanyol, Amerikano , at hapon, at kahit na ang Republika ng Pilipinas sa panahon ng batas militar.
Maraming nayon ng mga Maranao na may iilang pamilya ang naninirahan sa iisang bubong. Isang tipikal na tahanan ng mga Maranao ang bahay na walang dibisyon sa loob. Sa magkabilang dulo ng pader ng bahay ay mga higaan na may pasilyo pababa sa gitna. Sa bawat higaan ng bahay ay may isang pamilyang sumasakop. Sa likuran ng tirahan ay isang kusinang para sa lahat ng pamilyang nasasakop ng bahay.
Ayon kay Casan Alonto sa kanyang Perspective on Maranao Society (1974), may mga teorya tungkol sa pinagmulan ng mga Maranao. Ang isang teorya y batay sa epiko ng mga Maranao na Bantugan o Darangan. Sinasabing ang unang mga naninirahan dito sa kapaligiran ng Lanao ay pinangungunahan ng isang nangangalang Butuanon Kalinan na buhat sa dakong Silangan na siyang tinatawag na Bombaran.
KABUHAYAN
Bagama’t pangingisda ang ikinabubuhay ng iba, masasabing ang pangunahing pinagbubuhatan ng kabuhayan nila’y pagsasaka. Malawak ang lupain at mataba pa. Ang silangang bahagi ng lawa ng Lanao ay mayabong para sa paglilinang ng bigas na siyang pangunahing pagkain. Ang matabang lupa ang nagdadala ng ibat-ibang uri ng mais, mani, kamote, kape, kalamansi, at klase-klasing uri ng tropikal na prutas. Sa prutas ay maipagmamalaki nila ang kanilang marang at durian, na hindi matatagpuan sa Luzon. Sa kasalukuyan ay marami nang mangangalakal na Maranao.
Magaling din silang maghabi ng tela at banig, paglililok ng kahoy, tanso, pilak, at ginto. Kilala din sila para sa pagbebenta ng banig na dayami, ibat-ibang gamit sa bakuran, kumot, at ilang uri ng produktong metal.
Ang hinahabing banig at malong ng mga Maranao ay labis na nakakatawag ng pansin ng mga mamimili hindi lamang sa local na pamilihan kundi sa pandaigdig man. Ang isang magandang malong ay mas mahal kumpara sa ordinaryong malong. Magagandang disenyo ang makikita. Maraming kagamitan ang malong: damit, pang-ulan, kumot, duyan ng bata, sako, lubid, duyang lululanan ng maysakit, panakip at minsan glab na pamboksing.
Ang isa pang kalakal ay ang bras na ginagawa sa Tugaya. Ang mga ito’y binubuo ng mga gong, sarimanok, kulintang, lalagyan ng buyo, lalagyan ng alahas, malalaking hugis na paso na may adorning tinatawag na okil na disenyo. Ang okil o okirr ay tumutukoy sa geometriko at paikot-ikot na halamang baging na disenyo na ginagamit bilang motif sa sining at kagamitan ng Maranao at iba pang muslim sa Mindanao. (Ang mga kalakal na nabanggit ay makikita sa mga malalaking tindahang panturista sa malalaking Lungsod ng Luzon, Visayas at Mindanao.)
Pinaghanguan: https://www.scribd.com/document/354071964/Ang-Mga-Muslim-Na-Maranao