Ang mga awiting bayan ay isa sa mga matatandang uri ng panitikan na lumaganap sa ating bansa sa pamamagitan ng pasalingdila. Ang pasalindilang panitikan ay naging laganap sa panahon ng ating mga ninuno bago pa man ang pananakop ng mga Espanyol. Ito ang mga panitikang pinalaganap sa pamamagitan ng pagpapasalin-salin ng pasalitang tradisyon mula sa iba’t ibang henerasyon. Ang ilan sa mga uri ng panitikang lumaganap sa pamamagitan ng pasalindilang pamamaraan ay ang mga salawikain, sawikain, bugtong, awiting-bayan, at mga bulong.
Ang awiting-bayan ay nagsimula bilang mga tulang may sukat at tugma subalit kalauna’y nilapatan ng himig upang mahayag nang pakanta. Sa ganitong paraan ay higit na naging madali ang pagtanda o pagmemorya sa mga awiting ito. Hindi man nasusulat ay sa isip at puso naman ng mga mamamayan nanahan at naisatitik ang mga awit kaya naman maituturing na walang kamatayan ang mga ito.
May iba’t ibang uri ito batay sa sitwasyon o layunin ng pagkakabuo nito.
Kundiman ang panlahat na katawagan sa awit ng pag-ibig. Nagsasaad ito ng kabuuang mga damdamin at mga saloobing ipinangangako ng pag-ibig.
Halimbawa ng kundiman sa Visayas ay ang Balitaw. Ang dalaga ay di agad sumasagot kaya idadaan sa awit ang panliligaw sa kaniya ng binata.
Diona o ihiman naman ang awiting-bayan sa kasal.
Ang talindaw ay inaawit habang namamangka at habang nagsasagwan; soliranin naman ang awitin sa paggaod. Bilang haligi ng tahanan kailangan ng lalaking magtrabaho upang maitaguyod ang kaniyang pamilya.
Ang oyayi o hele ang katawagan sa awiting nagpapatulog ng sanggol. Kalimitang ang mga awiting ito ay walang kahulugan, inaawit lamang sa isang malambing na himig upang makatulog ang isang bata.(Flora A, Ylagan,1939). Sadyang nakaaantok ang oyayi dahil halos iisa ang tono, at paulit-ulit ang liriko.
Isa pang pampaalis ng pagod ay ang awit sa lansangan, ang kutangkutang (Deveza & Guamen, 1979) na ang layunin ay magpatawa, magpasaring o manukso. Maaaring ang himig nito ay lumang-luma na ngunit makabago ang liriko na may temang nanunudyo. Maaaring awitin bago magtrabaho, habang nagtatrabaho o pagkatapos ng trabaho o kaya’y nagpapahinga na.
Bukod sa pag-ibig sa iniirog mayroon ding awit para sa pag-ibig sa bayan. Tinatawag din itong awit sa pakikidigma. Ito ay ang kumintang o tikam na nagtataglay ng malungkot na himig, na karaniwang inaawit ng mandirigma (Sauco,1978). Karaniwang inaawit sa saliw ng biyolin at gitara at nagmula raw sa Balayan, Batangas (Cuasay, 1973).
Samantalang ang dalit o imno ay isang awit ng papuri, luwalhati, kaligayahan o pasasalamat, karaniwang para sa Diyos, sa mga santo at santa ng mga Katoliko sapagkat nagpapakita, nagpaparating o nagpapadama ng pagdakila at pagsamba. Tunghayan ang iba pang uri ng awiting namayani sa iba’t ibang
lugar sa ating bansa.
- Tingad – Awit sa pamamahinga mula sa maghapong pagtatrabaho.
- Sambotani – Awit sa pagtatagumpay sa isang pakikipaglaban.
- Dopayinim – Awit sa pagdiriwang sa pagtatagumpay sa isang
labanan. - Dolayanin at Indolanin – Awit panlansangan.
- Tingud – Awit pantahanan
- Umbay – Awit panlibing
- Ombayi- Isang malungkot na awit
- Omiguing – Isang malambing na awit
Lawiswis Kawayan (Awiting-Bayan mula sa Samar-Leyte) Ako magtatanom lawiswis kawayan Akon la kan pikoy palataylatayan Salbahis nga pikoy ka-waray batasan Sinmulod ha kwarto, kan inday higdaan. An panyo, an panyo nga may sigarilyo, Ginpiksi ni Inday kay may sentimiento An nasisinahan, an iya nabibidu-an Tungod la han gugma nga waray katuman. An ine nga hugpo lawiswis kawayan Diin an higugma nga may rayandayan Magtutugtog dayon mga ginlatayan Maglipay ngatanan mga kasangkayan. An ine nga pikoy nga pikoy paglupad murayaw Natuntong han sanga tapos naparayaw Binuklad an pako, an pako daw hilaw nga dahon An iya pagrayhak nga ak ginkinantahan. Hi Mano Palabio mahal magbaligya Adobo sitsaron upod an mantika Ginpapadisan pa hin luyat nga tarong Hi Mano Palabio mahal la gihapon. | Lawiswis Kawayan (Saling Tagalog na inawit ng Mabuhay Singers) Sabi ng binata halina O hirang Magpasyal táyo sa lawiswis kawayan Pugad ng pag-ibig at kaligayahan Ang mga puso ay pilit magmahalan. Ang dalaga naman ay bigla pang umayaw Sasabihin pa kay Inang ng maláman Binata’y nagtampo at ang wika ikaw pala’y ganyan Akala ko’y tapat at ako’y minamahal. Ang dalaga naman ay biglang umiyak Luha ay tumulo sa dibdib pumatak Binata’y naawa lumuhod kaagad Nagmakaamo at humingi ng patawad |
Awiting Bisaya-Illonggo Dandansoy (Awiting-Bayan mula sa Negros Occidental) Dandansoy, bayaan ta ikaw Pauli ako sa payaw Ugaling kung ikaw hidlawon Ang payaw imo lang lantawon. Dandansoy, kung imo apason Bisan tubig di magbalon Ugaling kung ikaw uhawon Sa dalan magbubon-bubon. | Dandansoy (Saling Tagalog) Dandansoy, iwan na kitá Babalik akó sa payaw Kung sakaling ika’y mangulila Sa payaw, ikaw ay tumanaw. Dandansoy, kung akó ay iyong susundan Kahit tubig, huwag ka nang magbáon Kung sakaling ikaw ay mauhaw Sa daan, gumawa ka ng munting balon. |
Ay Kalisud (Awiting-Bayan ng mga Ilonggo) Ay, ay! Kalisud, kalisud sang binayaan Adlaw gab-i firmi kita guina tangisan Ay! Ay! Inday nga walay sing kapalaran, Walay guid, walay guid sarang ko kalipayan. Ay cielo azul abao! Diin ka na, bala Buligui tabangi ang nabilanggo sang gugma Mayad pang mamatay kung halos mamatay Agud di ako maka dumdum nga ako walay kalipay. Ay, ay! Kalisud, kalisud sang binayaan Adlaw gab-I firmi kita guina tangisan Ay! Ay! Inday nga walay sing kapalaran, Walay guid, walay guid sarang ko kalipayan. | Ay Kalisud (Saling Tagalog na inawit ng Mabuhay Singers) Ay, ay kalisud, kay saklap ng iniwanan Gabi’t araw ang mata ay laging luhaan Ay, ay irog ko, ang sumpa’y bakit nalimutan? Buhat nang iyong iniwan laging sa kalungkutan. O aking mahal, nahan ngayon ang iyong habag Bakit di mo lingapin ang pusong nagdurusa Aanhin ang buhay kung di ka matanaw Nanaisin pang pumanaw yaring sawi kong buhay O aking mahal, nahan ngayon ang iyong habag Bakit di mo lingapin ang pusong nagdurusa Aanhin ang buhay kung di ka matanaw Nanaisin pang pumanaw yaring sawi kong buhay |
Ili-Ili Tulog Anay Illongo Ili-ili tulog anay Wala diri imong nanay Kadto tienda bakal papay Ili-ili tulog anay | Ili-Ili Tulog Anay Tagalog Batang munti, batang munti, matulog ka na, Wala rito ang iyong ina, Siya ay bumili ng tinapay Batang munti, batang munti, matulog ka na. |
Si Felimon Cebuano Si Felimon, si Felimon namasol sa kadagatan. Nakakuha, nakakuha ug isdang Tambasakan. Gibaligya, gibaligya sa merkadong guba. Ang halin pulos kura, ang halin pulos kura. Igong lang ipanuba. | Si Felimon Si Filemon, si Filemon, nangisda sa karagatan, Nakahuli, nakahuli ng isdang tambasakan, Pinagbili, pinagbili sa isang maliit na palengke Kumita ng kaunting pera, kumita ng kaunting pera, Para lang sa kaniyang alak na tuba. |
Sanggunian:
- Baybayin: Paglalayag sa Wika at Panitikan 7 by Ramilito Correa ISBN 978-971-23-7028-1 p. 121-125, 190-191
- Casanova, A.P. et.al 2001. Panitikang Pilipino. Rex Printing Company, Quezon City
- Arrogante, Jose A. et al. 2004. Panitikang Filipino, Antolohiya. National Bookstore, Mandaluyong City
- Baybayin: Paglalayag sa Wika at Panitikan 8 by Remedios Infantado ISBN 978-971-23-7030-4 p.31-33
- Sinamar 7 by Maria Eliza Lopez, Erleen Ann P. Lorenzo, Teody C. San Andres, Ma. Lordes R. Quijano, Jocelyn D.R. Canlas, Mercy M. Edma ISBN 978-971-014-355-9 p. 114