Alamat ng Bridal Veil Falls sa Baguio

Talasalitaan

  • UBOD: nagpapahayag ng sukdulang antas ng isang katangian.
  • AMPASIT: mga espiritung nagdudulot ng sakit at iba pang karamdaman.
  • IGIB: pagkuha ng tubig mula sa poso, ilog, o ibang maaaring pagkuhanan ng tubig túngo sa isang pook.
  • TIRINTAS: paglalasò o pagtatalì ng buhok na tila buntot sa batok; paglubid ng tatlo o higit pang hibla ng buhok, straw, at iba pa.
  • IROG: tao na itinatangi o tuon ng matinding pagtatangi pag-ibig.
  • DAGLI: agad, mabilis na pagkilos.
  • DUMAUSDOS: pagkadulas sa pagkakahawak o sa pagkakalagay, pagdulas pababâ sa isang dahilig na pook

Mga Tauhan

  • Tiyahin ni Sam-it – masungit at mahigpit na tiyahin
  • Sam-it – isang magandang binibining nakatira sa bundok kasama ang kanyang tiyahin
  • Binata – isang binatang umibig kay Sam-it

Ano ang Alamat?

Ito’y mga kwentong-bayan na maaaring kathang-isip o hango sa tunay na pangyayari. Tungkol ito sa pinagmulan ng pook, mga likas na yaman at ng isang nilalang. Kababakasan din ang alamat ng matatandang kaugalian ng isang lahi. Sumasalamin din ito sa kultura, kaugalian at kalagayang panlipunan.

Sipi ng Akda

Noong unang panahon, mayroon daw isang babaeng ubod ng kasungitan sa tabi ng talon ng Ilog Bued, tapat ng magkakambal na taluktok. Ang babae raw ay kaibigan pa ng mga Ampasit, mga espiritung nagdudulot ng sakit at iba pang karamdaman. Takot na takot ang mga tagaroon sa kanya.

May pamangkin daw itong matandang masungit na isang magandang dalaga, si Sam-it. Mahigpit ang matanda at hindi pinabayaang mawala sa kanyang paningin sa pamangkin, maliban lamang kung iigib ng tubig sa ilog.

Minsan nang siya’y sumasalok ng tubig, may dumating na lalaki na nais uminom. Nabihag agad siya ng kagandahan ni Sam-it. Sila’y nagbatian at nagkakilanlan. Ang unang pagtatagpo ay nasundan ng ilan pa, at di naglaon naging magkasintahan ang dalawa. Ngunit hindi pa rin nila malaman kung paano sila magpapakasal. Tiyak na hindi papayag ang malupit na tiyahin.

“Ang maaaring lang nating gawin,” sabi ng binata. “Ay ang magtanan. Gumawa ka ng mahabang tirintas ng mga baging na gagamitin natin pababa sa labing. Mag-aantay ako sa ibaba. Mamangka tayo sa ilog ng Bued at lalayo rito sa lugar na ito.”

Nanguha na nga si Sam-it ng mahahabang baging at sinasalapid niya para maging matibay na lubid.

Kapag tinatanong siya ng tiya kung aanhin niya ang sinasalapid, sinasabi niyang iaalay niya sa Ampasit. Nilalagyan niya ng mga puting bulaklak ang lubid.

Nang handa na nga ang lahat, gawa ang lubid at may bangka nang na naghihintay sa ibaba, pumunta ang magsing-irog sa gilid ng bundok. Itinali nila ang isang dulo ng lubid sa isang puno sa bingit ng labing at inihulog ang kabilang dulo sa ilog.

Humawak silang mahigpit sa isa’t isa at nagpatihulog sa lubid. Nasa kalahatian pa lamang sila ng bundok, nakita nilang nasa itaas pala ang tiya at sigaw nang sigaw sa galit. “Bilisan natin. Baka tayo’y abutan.”

Sa tulong ng mga espiritung kaibigan nila, dumaloy ang tubig sa lubid na binibitinan ng dalawa. Napabilis ang dausdos nila at nakarating agad sa ibaba. Dagling sumakay sa bangka at nakatalilis.

Ang malakas na daloy ng tubig naman ay patuloy na pababa sa binulaklakang lubid hanggang ngayon. Makikita ng sinoman sa Twin Peaks o Magkakambal na Taluktok sa Baguio ang napakagandang Bridal Veil Falls o talon na tila belong pangkasal.

Maikling Panunuri:

  • Ito ay maituturing na alamat sapagkat isinalaysay dito ang hiwagang pinagmulan ng Bridal Veil Falls sa Baguio.
  • Ang Bridal Veil Falls ay isa sa pinakabinibisitang lugar ng mga turistang tumutungo sa Baguio.
  • Ang alamat ay naglalaman ng makatotohanan at hindi makatotohanang mga pangyayari tulad na lamang ng mababasa natin sa akda.
  • Halimbawa ng hindi makatotohanang pangyayari sa akda: Mga Ampasit at espiritung tumulong sa magkasintahang upang makatakas.
  • Halimbawa ng makatotohanang pangyayari:
  • Taong humahadlang sa pag-iibigan ng dalawang magsing-irog, pag- ibig sa unang pagkikita, ipaglalaban ang pagmamahalan ng dalawang taong nag-iibigan atbp.
  • Ang pangunahing mensahe ng akdang ito ay tungkol sa tunay at wagas na pagmamahalan ng dalawang tao. Handang suwayin ni Sam-it ang kanyang Tiyahin makasama lamang ang kanyang minamahal.
Exit mobile version