Si Winston Churchill ang nagsasabing “Tayo mismo ang humuhulma sa ating daigdig.” Sa daigdig ng panulaang Pilipino, minolde ni Balagtas ang kaniyang pangalan sa pamamagitan ng sariling tiyaga, pagsisikap at layunin sa buhay.
Ipinanganak si Francisco Balagtas noong ika-2 ng Abril, 1788 sa Panginay, Bigaa, Bulacan. Mahirap lamang ang pinagmulan niyang pamilya. Si Juana de la Cruz, isang ordinaryong maybahay ang kanyang ina at si Juan Balagtas naman, isang panday ang kaniyang ama.
Si Balagtas ay nakapag-aral ng katon at katesismo ng Doktrina Kristiyana sa kumbento ng Bigaa sa ilalim ng pamamahala ng maestrillo ng kura.
Hindi naging sagabal kay Balagtas ang karalitaan upang magtagumpay. Naniniwala siyang “kung gugustuhin, ang anumang bagay ay matutupad.” Gustung-gusto niyang malinang ang isipan, kung kayat noong taong 1799, kahit masakit sa kaloobang iwan ang Bulacan ay nagpunta siya sa Maynila. Layunin? Makapag-aral. Subalit wala siyang gaanong pera. Sa murang gulang na labing isang taon, umisip siya ng paraan kung paano makakatungtong ng paaralan. Hindi niya ikinahiyang maglingkod bilang utusan sa isang bahay ng isang kamag-anak na nagngangalang Trinidad sa Tondo. Trabaho rito. Lampaso diyan. Dilig ng halaman. Linis ng kanal. Kailangang maging masipag siya. Maaaring napakalayo ang bituin ng kaniyang pangarap subalit nagtiyaga siya, nagsikap at nagkaroon ng masidhing layunin sa buhay. Ang pinapangarap niyang bituin ay natuhog ng kaniyang panungkit nang matapos niya noong 1812 sa Colegio de San Jose, isang institusyong Heswita, ang Kanones, Kastila, Humanidades, Teolohiya at Pilosopiya.
Sa nasabing kolehiyo, naging guro ni Balagtas ang sikat na mangangatha ng aklat na Pasiong Mahal ng ating Panginoong Hesukristo na si Padre Mariano Pilapil.
Sa paaralan, kinakitaan si Balagtas ng kahusayan sa pagtula. Marami-rami siyang kakilalang nagpapagawa sa kaniya ng mga berso at sulat tungkol sa binyagan, kasalan at iba pang okasyong sosyal. Ang pagsulat ng tula ay nagbigay sa kaniya ng salapi at naging daan upang makilala ang mga mayayamang taga-Tondo, San Nicolas at Binundok.
Sapagkat may angking talino sa sining ng pagtula, kinailangang makasalamuha niya ang pinakamahuhusay na makata noon.
Nang mga panahong iyon, ang lahat ng makata sa Tundo ay nagbibigay galang kay Jose de la Cruz na tinatawag na Huseng Sisiw. Siya ang itinuturing na guro, maestro at patriyarka ng mga makata sa nasabing lugar. Huseng Sisiw ang bansag dito sa dahilang nakaugalian nitong magpadala ng sisiw sa sinumang bagong makatang nagpapawasto ng tula. Pinurbahan ni Balagtas na ipakita rito ang ilang tula niya. Subalit hindi nagdala noon si Balagtas ng sisiw kung kaya tumanggi ang maestrong bigyan ng kristisismo ang mga tula. Hindi ito minabuti ni Balagtas. Naniniwala si Balagtas na hindi lamang si Huseng Sisiw ang makata. Balang araw ay kikilalanin din siya bilang pinakamahusay sa larangan ng pagtula. Nangarap siyang sumikat. Kasama ng pangarap ang pagsisikap na makasulat ng pinakamaririkit na mga tula.
Noong 1835, humigit kumulang sa 47 taong gulang noon si Balagtas nang manirahan siya sa Pandacan. Sapagkat makata, ang kagandahan ay hindi lumalampas sa kaniyang paningin. Namagneto siya ng angking kagandahan ng isang dalagang nagngangalang Maria Asuncion Rivera na nagbigay sa kaniya ng ibayong inspirasyon.
Lubos na umasa si Balagtas na magkakatuluyan sila ng mahinhing dilag. Subalit kabaligtaran ang nangyari. Sa Pandacan ay may karibal si Balagtas. Isa itong binatang mayaman at makapangyarihan. Ang pangalan? Mariano Kapule. Pinaratangan nito si Balagtas ng pinagbuhul-buhol na sabi-sabi. Paratang dito. Sumbong doon.
Nang isang araw na magtungo si Balagtas sa bahay nina Maria Asuncion Rivera upang dumalaw isang gabi, hinuli ng mga awtoridad ang makata. Nabilanggo si Balagtas sa kasalanang hindi naman niya nalalaman.
Sa panahon ng kaniyang pagkabilanggo, napakasal si Maria Asuncion Rivera kay Mariano Kapule. Sumigid sa kaliit-liitang himaymay ng laman ni Balagtas ang kawalan ng katarungang sinapit niya. Nagdusa siya sa madilim na piitan. Ang pinakamalungkot na dagok ng kapalaran ay nadama niya sa likod ng mga rehas na bakal, Subalit isa siyang makata. Ang lahat ng pagdaramdam at pagdaralita ay kailangang malasap upang lalong magningning ang ningas ng kaniyang panulat. Nagwakas ang kaniyang pagdurusa nang palayain siya noong 1838. Nang taon ding ito, isinilang ang Florante at Laura.
Noong 1840, nagtungo si Balagtas sa Balanga, Bataan. Namasukan siya rito bilang kawani ng Jues de Residencia. Nang umuwi sa Maynila ang huwes, nagpaiwan si Balagtas sa Bataan. Namasukan siya bilang empleyado ng eskribanong si Victor Figueroa.
Sa pamamasyal ni Balagtas sa ibat-ibang lugar ng Bataan, napadako siya sa Udyong (Orion) at ang nangungulila niyang puso ay pamuling nagkakulay sa larangan ng pag-ibig.
Nakilala niya ang maganda at mayamang si Juana Tiambeng.Ang kariktan nito ang unang nakabatubalani sa makata. Nagpadala ng sunud sunod na sulat at tula si Balagtas. Tula ng paghanga. Tula ng pagsusumamo. Tula ng pagmamahal. Ikinasal ang dalagang taga-Udyong sa ating makata noong 1842. Limamput apat na taong gulang si Balagtas, tatlumput-isa si Juana Tiambeng. Biniyayaan ng labing-isang supling si Balagtas at ang kaniyang ginang subalit apat lamang ang nangabuhay. Namatay sina Marcelo, Juan, Miguel, Josefa, Maria, Marcelina at Julia. Nabuhay naman sina Victor, Isabel, Silveria at Ceferino.
Si Ceferino lamang ang nakamana sa masining na pagsusulat ni Balagtas.
Namuhay nang matiwasay ang pamilya ni Balagtas sa Udyong. Humawak pa ang makata ng ilang pinagpipitagang pusisyong panggubyerno tulad ng pagiging juez mayor de sementera at tinente primero. Datapwat isa na namang krisis ang dumating sa buhay ni Balagtas noong 1856 o 1857(?), anim na put’t siyam na taon gulang siya noon. Pinaratangan siya ng isang mariwasang pamilya sa Udyong na pumutol sa buhok ng alilang babae nito. Nahatulan si Balagtas ng apat na taong pagkapiit. Ibinilanggo siya ng mga maykapangyarihan ng 6 na buwan sa Balanga at ng tatlong toan at kalahati sa piitan ng Maynila (na nasa likuran ng Tondo Church).
Sa loob ng bilangguan naisulat niya ang maraming dula sa temang Moro-Moro na ipinalabas sa Teatro sa Tundo.
Matanda na si Balagtas nang lumabas sa piitan. Sitenta’y dos na siya nang palayain noong 1860. Bumalik siya sa Udyong subalit dinatnan niya ang naghihirap na pamilya niya. Naroroon pa rin ang pag-ibig, naroron parin ang pagtatangi. Naroroon pa rin ang pagkalinga. Pamulang pinagalaw ni Balagtas ang kaniyang panulat. Lumikha siya ng mga dula, drama, at sainete. Ipinagtawid-buhay nila ang dugong nananalaytay sa kaniya bilang artista ng panulang Pilipino.
Ilan sa mga dulang naisulat ni Balagtas ay ang La India Elegante y El Negrito Amante, Mahomet at Constanza, Orosman y Zafira, Don Nuno y Celinda, Orestes y Pilades, Buhay ni Gaptalim (datiy Buhay ni Astreo) Bayaseto y Dorlisa, Nudo Gordiano, Rodolfo y Rosamunda at Almanzor y Rosalina.
Bago sumakabilang buhay si Balagtas sa gulang na sitenta’y kwatro, pinagpayuhan niya ang asawang “huwag hahayaang maging makata ang alinman sa anak, mabuti pa ang putulin ang mga daliri kaysa sa gawing bukasyon ang paggawa ng tula.”
Marami ang nagsaabing maraming komedya at mga tula ang naiwan ni Balagtas sa isang malaking baul subalit kinain ito ng isang malaking sunog sa Udyong noong 1892.
Kung ang India ay may Tagore, ang Inglatera ay may Shake speare at ang Espanya ay may Cervantes, may maipagkakapuri naman tayong Balagtas na pundayson ng tulang Pilipino sa alinmang kapanahunan ng ating panitikan.