Talambuhay ni Dr. Jose Rizal


Buong Pangalan : Dr. Jose Protacio Mercado Rizal Alonzo y Realonda

Kahulugan ng mga Pangalan ni Jose Rizal

Dr. – nagmula sa kanyang pagtatapos ng kursong medisina sa Universidad Central de Madrid Jose – pinili ng kanyang ina na isang deboto ni Saint Joseph (San Jose)

Protacio – nagmula kay Gervacio P. na galing sa isang kristiyanong kalendaryo

Mercado – ginamit ng nuno ni Dr. Jose Rizal na si Domingo Lamco ang apelyidong ito. Ang Mercado ay hango sa salitang Ingles na market.
Rizal – hango sa salitang ricial na ang ibig sabihin ay luntian na bukirin
Alonzo – dating apelyido ng kanyang ina
Realonda – ginamit ni Donya Teodora na nagmula sa kanyang lola

Ginamit ni Rizal at ng kanyang pamilya ang apelyidong Rizal at Realonda dahil sa isang kautusan mula kay Gobernador-Heneral Narciso Claveria na kailangang gumamit ng mga Pilipino ng mga apelyidong Espanyol para sa layuning pan-census.

Petsa ng Kapanganakan: Hunyo 19 , 1861
Lugar ng Kapanganakan: Calamba , Laguna
Petsa ng Kamatayan: Disyembre 30 , 1896
Lugar ng Kamatayan: Bagumbayan na ngayon ay Rizal Park na matatagpuan sa Maynila

Pamilya ni Rizal

Magulang

Si Don Francisco Mercado ang ama ni Jose Rizal. Siya ay bunso sa labintatlong magkakapatid. Pinanganak noong Mayo 11,1818 sa Binan, Laguna. Nakapag-aral ng pilosopiya at wikang Latin sa Colegio de San Jose sa Maynila at pumanaw noong Enero 5, 1898.

Doña Teodora Alonzo y Quintos Realonda ang ina ni Jose Rizal. Ikalawang anak ni Lorenzo Alonzo at Brigida de Quintos. Pinanganak noong Nobyembre 9,1827 sa Tondo, Maynila. Nag-aral sa Colegio de San Jose sa Maynila at namatay noong Agosto 16, 1911.

Mga Kapatid

Saturnina- Siya ay ang panganay na anak nina Francisco Mercado at Teodora Alonzo. Neneng ang kanyang palayaw si Manuel Timoteo Hidalgo na taga-Batangas ang kanyang naging asawa.

Paciano- Siya ay ang ikalawang anak nina Francisco Mercado at Teodora Alonzo. Naging guro at kaibigan niya si Padre Jose Burgos. Nakisali sa kilusang propaganda, Katipunan, at Digmaang Pilipino-Amerikano

Narcisa- Siya ay ang ikatlong anak nina Francisco Mercado at Teodora Alonzo. Sisa ang kanyang palayaw. Nagsanla at nagbenta ng mga alahas para may pondo si Rizal sa kanyang pag-aaral sa Europa. Si Antonino Lopez ang pangalan ng kanyang asawa.

Olimpia- Siya ay ang ikaapat na anak nina Francisco Mercado at Teodora Alonzo . Si Silvestre Ubaldo ang asawa ni Olympia Rizal. Siya ay namatay noong Agosto 1887 dahil sa komplikasyon sa pagbubuntis niya sa ikatlong anak.

Lucia- siya ay ang ikalimang anak nina Francisco Mercado at Teodora Alonzo. Mariano Herbos ang kanyang asawa. Pinagbintangan siya ng mga Espanyol na sinulsulan ang mga kanilang kababayan na hindi magbayad ng upa.

Maria– siya ay ang ikaanim na anak nina Francisco Mercado at Teodora Alonzo. Si Daniel Faustino Cruz asawa ni Maria Rizal. Kinausap ni Jose Rizal noong gusto niyang pakasalan si Josephine Bracken.

Jose – Siya ay ang ikapitong anak nina Francisco Mercado at Teodora Alonzo at tinaguriang bilang Pambansang Bayani ng Pilipinas.

Concepcion– Siya ay ang ikawalong anak nina Francisco Mercado at Teodora Alonzo at paboritong kapatid ni Jose Rizal. Namatay noong siya ay tatlong taong gulang.

Josefa – Siya ay ang ikasiyam na anak nina Francisco Mercado at Teodora Alonzo ang kanyang palayaw ay Panggoy. Nagkaroon ng sakit na epilepsy. Sumapi sa sektor ng kababaihan ng Katipunan, kasama si Gregoria de Jesus.

Trinidad Rizal-Mercado – Siya ay ang ikasampung anak nina Francisco Mercado at Teodora Alonzo. Ang kanyang palayaw ay Trining. Katulad ni Josefa Rizal, sumapi rin siya sa Katipunan.

Soledad – Siya ay ang bunsong anak nina Francisco Mercado at Teodora Alonzo. Ang kanyang palayaw ay Choleng. Isang guro at pinaka-edukado sa magkakapatid.

Ang Buhay Pag-ibig ni Rizal

Julia – Nagkita sila ni Rizal sa Ilog Dampalit, sa Los Banos, Laguna. Panandalian lamang ang paghanga ni Rizal sa kanya.

Segunda Katigbak – Tinaguriang unang pag-ibig ni Jose Rizal. Nagmula sa Lipa, Batangas. Noong una sila nagkita, pumayag si Segunda na iguhit ang kanyang larawan ni Rizal. Natigil lamang ang pagsuyo ni Rizal kay Segunda, noong nagpakasal na si Segunda sa isang binata na ang pangalan ay Manuel Luz.

Vicenta Ybardaloza – Tinatawag din na Binibining L, na isang guro. Laging binibisita ni Rizal si Vicenta sa kanyang tirahan sa Pakil, Laguna. Nahinto lamang ang kanyang pagbisita dahil pinagbawalan siya ng kanyang ama.

Leonor Valenzuela • Nagkilala sila noong ikalawang taon ni Rizal sa Unibersidad ng Santo Tomas. Sila ay nagpapalitan ng sulat, at ang gamit na tinta ay yari sa asin at tubig. Hindi nagtagal ang kanilang pagmamahalan, pero nagkasundo sila na sila lamang ay magkaibigan lamang.

Leonor Rivera – Pinsan ni Jose Rizal. Mula Camiling, Tarlac. Nagsimula ang kanilang pagmamahalan ng masugatan si Rizal sa isang pag- aaway at ang kanyang mga sugat ay ginamot ni Leonor. Matagal nagkahiwalay ang dalawa dahil pumunta si Rizal sa Madrid. Pinagkasundo ng ina ni Leonor kay Henry Kipping at sila ay kinasal noong Hunyo 17, 1891.

Consuelo Ortega y Perez – Anak ni Don Pablo Ortega y Rey, na alkade ng Maynila noon. Ayaw ni Rizal na magkaroon ng relasyon kay Consuelo dahil may kasunduan na sila ni Leonor Rivera. Nag-compose si Rizal ng isang tula na alay kay Consuelo na may pamagat na A la Senorita C.O.y.P na nagsasalaysay ng paghanga ni Rizal sa kanya.

Seiko Usui – Tinatawag din siya ni Rizal na O-Sei- San. Anak ng isang samurai. Nagkilala si Rizal at O-Sei-San noong 1888 sa Azabu, Distrito ng Tokyo. Tinulungan niyang makilala ang kulturang Hapones. Tinuruan din niyang bumasa at sumulat si Rizal ng Wikang Nihongo. Pagkatapos ng mahigit isang buwan ng kanilang pagsasama, umalis si Rizal patungong Amerika.

Gertrude Beckett – Siya ang pinakamatanda sa tatlong magkakapatid. Anak ni Charles Beckett, isang organist sa St. Paul Church sa London. Tinawag ni Rizal si Beckett bilang Gettie.

Suzanne Jacoby – Noong pumunta si Rizal sa Brussels, tumira siya sa bahay ni Suzanne Jacoby. At habang lumipas ang panahon, si Rizal at si Suzanne ay nag-ibigan. Hindi nagtagal at umalis na si Rizal sa Brussels para ipagpatuloy ang kanyang paglalakbay.

Nellie Boustead – Bunsong anak ni Eduardo Boustead, isang mangangalakal na Briton. Sumulat si Rizal sa kanyang mga kaibigan, na gusto niyang magpakasal kay Nellie. Subalit may isang kondisyon si Nellie, kailangang magpalit ng relihiyon si Rizal bilang isang Protestante, pero umayaw siya dito at hiniwalayan si Nellie.

Josephine Bracken – Anak nina James Bracken, isang korporal at Elizabeth Jane MacBride. Nagustuhan nila ang isa’t isa sa una nilang pagkikita. Noong unang bahagi ng 1896, nagdadalang tao na si Josephine Bracken ng walong buwan.

Edukasyon

Teodora Alonzo Mercado-Rizal, ang kanyang ina ang nagsilbing unang guro niya. Tinuruan siya magsulat, magbasa at magdasal. Noong apat na taong gulang si Rizal, nakamit niya ang pormal na edukasyon sa pamamagitan ng gurong binayaran ng kanyang ama na si Leon Monrog, na nagturo sa kanya ng Latin.

Si Maestro Celestino ang kauna-unahang pribadong tagapagturo ni Jose Rizal na kinuha ng kanyang mga magulang. Ipinagpatuloy ni Rizal ang kanyang pag-aaral sa Binan noong 1870 sa pangunguna ng guro niya na si Justinian Aquino Cruz. Pinasukan din ni Rizal ang libreng pag-aaral ng painting sa ilalim ng pagtuturo ni Old Juancho o Matandang Juancho.

Noong Disyembre 17, 1870, umalis sa Binan si Rizal at bumalik sa Calamba na sakay ng Talim, isang bapor. Pagbalik ni Rizal sa Calamba ay nag-aral siya sa ilalim ni Maestro Lucas Padua. Pagkatapos ng isang taon, pumunta si Rizal sa Maynila at nag-aral sa Colegio de San Juan de Letran.

Kumuha si Rizal ng entrance exam sa Ateneo de Manila University noong Hunyo 10, 1872 at siya ay tuluyang nakapasok sa unibersidad na ito. Si Padre Jose Bech ang unang propesor ni Rizal sa Ateneo. Si Rizal ay napunta sa dibisyon Carthaginians at sa loob ng isang buwan, siya ay naging emperor o ang pinakamataas na rango sa klase.

Noong ikalawang taon niya ng pag-aaral, nahiligan na ni Rizal na magbasa. Ang kanyang unang minahal na nobela ay ang The Count of Monte Cristo by Alexander Dumas.. Noong Marso 23, 1877, nakapagtapos si Rizal at nakamit ang sobresaliente sa Bachelor of Arts.

Extra-Curricular Activities ni Rizal: Extra-Curricular Activities ni Rizal: Sekretarya ng Marian Congregation, Miyembro ng Academy of Spanish Literature at ng Academy of Natural Sciences, Sumali sa gymnastics at fencing, Nag-aral ng painting sa ilalim ng tanyag na pintor na Espanyol na si Agustin Saez

Noong Hunyo 1877, nag- enrol si Rizal sa Unibersidad ng Santo Tomas sa kursong Pilosopiya at Panitikan. Noong unang taon niya sa UST, nag-aral si Rizal ng mga asignaturang Cosmology, Metaphysics, Theodicy at Kasaysayan ng Pilosopiya. Kinuha ni Rizal ang kursong medisina sa UST na pinag- aralan niya mula 1877 hanggang 1879. Habang nag-aaral si Rizal sa UST, natapos ni Rizal ang kursong Surveying Course sa Ateneo noong 1878. Noong 1880, nagtatag si Rizal ng isang sikretong grupong tinatawag na Companeros, na lahat ng miyembro ay mga Pilipino.. Naglaon, hindi na rin nagustuhan ni Rizal ang pamamaraan ng pagtuturo at pagtrato sa kanya ng mga propesor at ng kapwa niya estudyante, kaya napag- desisyunan niyang pumunta sa ibang bansa

Noong 1882, umalis sa bansa si Rizal patungong Madrid, Espanya para doon ipagpatuloy ang pag-aaral ng kursong medisina. Pumasok siya Universidad Central de Madrid at kinuha ang mga kursong medisina at filosofia y Letras. Dahil sa kursong medisina, kinuha ni Rizal ang mga asignaturang Medical at Surgical Clinic at Legal Medicine.

Wikang Pinag-aralan ni Rizal

Tagalog , Bisaya , Subanon , Kastila , Ingles , Pranses , Latin , Aleman , Griyego , Arabe , Sanskrito , Hebreo , Italyano , Portugis , Ruso , Olandes , Hapones , Tsino , Suveko , Catalan at Masayo

Ang Paglalakbay ni Dr. Jose P. Rizal

Noong Mayo 3, 1882 umalis si Rizal patungo sa Singapore na sakay ng Salvadora, isang Spanish na barko. Mayo 9, 1882 dumaong ang Salvadora sa Singapore. Hotel de La Paz dito nanirahan si Rizal habang siya ay nasa Singapore sa loob ng dalawang araw.

Mayo 11, 1882 sumakay si Rizal ng barkong Pranses na Djemnah na patungong Europa. Mayo 17, 1882 dumaong ang Djemnah sa Point Galle, Colombo dito’y namangha si Rizal sa ganda ng lugar.

Sakay ng barkong Djemnah, narating ni Rizal ang Aden (na matatagpuan sa kasalukuyang bansa na Yemen) noong Mayo 26, 1882.

Hunyo 11, 1882 narating ni Rizal ang Naples sakay ng barkong Djemnah. Hunyo 12, 1882 dumaong ang barkong Djemnah sa Marseilles. Bumisita si Rizal sa Chateau d If, kung saan kinulong ang bayani ng The Count of Monte Cristo na si Dantes.

Hunyo 16, 1882 narating ni Rizal ang Barcelona, Espanya sa pamamagitan ng pagsakay ng tren. Sinulat ni Jose Rizal sa Barcelona ang Amor Patrio (Love of Country) na inilimbag sa Dyaryong Tagalog noong Agosto 20, 1882. Nobyembre 3, 1882 nag-enrol sa Unibersidad Central de Madrid. Sa Antigua Café de Levante, dito umiinom ng kape si Rizal kasama ang iba pang estudyante mula sa iba pang bansa.

Hunyo 17 hanggang Agosto 20, 1883 nagtungo si Rizal sa Paris France. Dito ay sumali si Rizal sa grupong Freemasonry upang masuportahan siya sa laban niya sa Espanyol. Pagbalik niya sa Espanya, noong ika-24 niyang kaarawan, nakamtan ni Rizal ang digri ng Licentiate in Philosophy and Letters ng Universidad Central de Madrid na may rating na sobresaliente. Sa Paris din nakilala ni Rizal si Maximo Viola, isang estudyante ng medisina na taga- Bulacan. Tinulungan ni Rizal si Juan Luna sa pagpinta niya ng kanyang obra maestra na Blood Compact.

Pebrero 3, 1886 dumating si Rizal sa makasaysayang lugar ng Heidelberg, Germany. Si Dr. Karl Ullmer isang mabait na Protestanteng pastor na nagpatuloy kay Rizal sa kanyang tirahan

Agosto 14, 1886 narating ni Rizal ang lungsod ng Leipzig, Germany. Naging kaibigan niya si Professor Friedrich Ratzel, na isang tanyag na Alemanyang historyador. Oktubre 29, 1886  lumisan si Rizal sa Leipzig at tumungo sa Dresden Germany. Dito niya nakilala niya si Dr. Adolph B. Meyer, direktor ng Anthropological at Ethnological Museum.

Nobyembre 1, 1886  dumating si Rizal sa Berlin. Namangha siya sa kapaligiran ng Berlin at dito n’ya rin nakilala niya si Dr. Feodor Jagor, isang Alemang siyentista-manlalakbay na nagsulat ng Travels in the Philippines, naibigan siyang basahin ito habang siya ay nasa Maynila pa. Pinakilala ni Dr. Jagor si Rizal kay Rudolf Virchow, ang tinaguriang Ama ng Patolohiya at may malaking kontribusyon sa Cell Theory. Naging miyembro siya ng Anthropological Society, Ethnological Society at Geographical Society. Dito natapos ni Rizal ang pagsulat niya sa kanyang akda na Noli Me Tangere. Ang Berliner Buchdruckrei-Action- Gesselschaft – printing-press ang naglathala ng 2,000 kopya nito.

Mayo 11, 1887 ay lumisan si Rizal kasama si Maximo Viola sa Aleman para maglakbay pa sa mga bansa sa Europa. Mayo 13, 1887 dumating sina Rizal at Viola sa Leitmeritz, Bohemia. Tumagal sila doon ng tatlong araw. Nakilala nila si Dr. Carlos Czepelak na isang siyentista sa Europa.

Mayo 20, 1887 dumating si Rizal at Viola sa Vienna, kapital ng Austria- Hungary. Tumuloy sila  sa Hotel Metropole. Mayo 24, 1887 umalis sina Rizal at Viola sa Vienna patungo sa Lintz, Austria sa pamamagitan ng barko na dumaan sa Ilog Danube at namangha si Rizal sa ganda ng ilog na ito.

Munich, Germany dito huminto sina Rizal at Viola para malasahan ang tanyag na Alak ng Munich (Munich beer). Bumisita rin sila sa Nuremberg, isa sa mga pinakamatandang lungsod sa Germany. Binisita rin nina Rizal at Viola ang Ulm Cathedral, ang pinakamalaking katedral sa Alemanya.

Hunyo 2-3, 1887 nanirahan sa Schaffhausen, Switzerland. Hunyo 6, 1887 nakarating sa Geneva, Switzerland. Doon nagdiwang si Rizal ng kanyang ika-26 na kaarawan. Ito na rin ang huling pagsasama ni Rizal at Viola. Papunta si Rizal sa Italya habang si Viola ay papunta ng Barcelona sa Espanya. .  Hunyo 27, 1887 narating ni Rizal ang Roma, kapitolyo ng Italya. Hunyo 29, 1887, pista nina St. Peter at St. Paul ay nabisita ni Rizal ang Vatican.

Pagbalik ni Rizal sa Maynila sa Unang Pagkakataon sakay ng barkong Djemnah  Maynila (ito rin ang nasakyan ni Rizal papuntang Espanya). Hulyo 30, 1887 lumipat si Rizal sa barkong Haiphong, na papuntang Maynila. Agosto 5, 1887 narating ni Rizal ang Maynila. Agosto 8, 1887 pumunta si Rizal sa kanyang pinanggalingang-bayan, ang Calamba, Laguna, at doon nagtayo ng isang maliit na medikal klinik.

Pebrero 3, 1888 sumakay si Rizal sa barkong Zafiro na papuntang Hong Kong. Pebrero 8, 1888 dumating si Rizal sa Hong Kong. Nanirahan siya sa Victoria Hotel, kung saan tinanggap siya ng malugod ng mga Pilipinong residente doon, katulad nina Jose Maria Basa at Balbino Mauricio

Pebrero 18, 1888 umalis sina Rizal at Maria Basa papunta sa Hong Kong sakay ng isang ferry steamer na ang tawag ay Kiu-Kiang patungong Macao. Nanirahan sila sa bahay ni Don Juan Francisco Lecaros, isang Pilipino. Pebrero 20, 1888 ay bumalik sina Rizal at Basa sa Hong Kong, sakay muli ng Kiu-Kiang.

Pebrero 22, 1888 sumakay si Rizal sa isang American Steamer, Oceanic, papuntang JapanPebrero 28, 1888 dumating si Rizal sa Yokohama, Japan. Sa Tokyo Hotel siya nanirahan mula Marso 2 hanggang Marso 7.  Umalis na rin si Rizal sakay ng barkong Belgic, isang English steamer, patungong Amerika

Abril 28, 1888 dumaong ang Belgic sa San Francisco, California. Sa Palace Hotel nanirahan si Rizal sa loob ng dalawang araw. Mayo 6, 1888 pumunta si Rizal papunta Oakland, California. Mayo 13, 1888 dumating si Rizal sa New York City. Mayo 16, 1888 sumakay si Rizal sa barkong City of Rome, na inilarawan ni Rizal na pangalawa sa pinakmalaking barko sa mundo (noong panahong iyon). Ang isang hindi magandang impresyon ni Rizal sa Amerika ay ang kakulangan sa pantay na pinagmulan ng lahi.

Mayo 24, 1888 dumating si Rizal sa Liverpool, England. Kinabukasan, umalis si Rizal patungo sa London, England. Nanirahan siya sa bahay ni Dr. Antonio Maria Regidor. Setyembre 1888 binisita ni Rizal ang Paris, France ng isang linggo para maghanap ng mga historikal na materyales. Nagkita sila ni Juan Luna at ang kanyang pamilya sa French metropolis. Disyembre 24, 1888 bumalik si Rizal sa Inglatera, para doon mag-Pasko at mag-Bagong Taon.

Enero 28, 1890  umalis si Rizal mula Paris papuntang Brussels, kabisera ng Belgium. Sinamahan siya ni Jose Albert noong dumating siya sa rito.

Agosto 1890 dumating si Rizal sa Madrid, Spain at dito hinamon ni Antonio Luna si Jose Rizal sa isang duelo sa kadahilanan na nabigo siyang makuha ang gusto niyang babae.

Hulyo 5, 1891 umalis si Rizal patungong Ghent, Belgium at dito na nailimbag ang mga kopya ng kanyang nobelang El Filibusterismo.

Mayo 1892 ay napagdesisyunan ni Rizal na bumalik sa Pilipinas sa ikalawang pagkakataon. Hunyo 26, 1892 dumating sina Rizal at ang kanyang kapatid na si Lucia sa Maynila. Unang inasikaso ni Rizal ang La Liga Filipina na isinulat ang saligang batas sa Hong Kong. Ang ilan sa mga dahilan ni Rizal sa pagbabalik ay upang operahan ang mata ng kanyang ina, matulungan ang kanyang mga kababayan na matagal nang inaapi, makita ang ibinunga ng kanyang unang nobela na Noli Me Tangere at alamin ang dahilan ni Leonor Rivera sa hindi pagsulat sa kanya.

Hulyo 14,1892 isinakay si Rizal sa barko patungong Dapitan ang kapitan nito ay si Ricardo Carcinero.  Apat na taon siyang namalagi rito napaunlad niya ang munting isla ng Dapitan dito na rin niya nakilala ang kanyang huling babaeng minahal at pinakasalan si Josephine Bracken. Hunyo 31,1896, natapos ang kanyang pananatili sa Daptan at bumalik siya sa Maynila kasama ang kanyang asawa at kapatid.

Ipiniit siya sa Fort Santiago. Si Jose Taviel de Andrade ang kanyang naging tagapagbantay at naging matalik na kaibigan ni Rizal. Si Tinyente Luis Taviel de Andrade ibinigay at piniling tagapagtanggol ni Rizal sa paglilitis. Noong Disyembre 30, 1896, binaril si Dr. Jose P. Rizal sa Bagumbayan (na ngayon ay Luneta).

Mga Karanasan at Hanapbuhay

Dakilang Alagad ng Sining. Di mabilang na mga sinulat na akda sa iba’t ibang wika. Dumalo sa mga lektyur at panayam nina Dr.Becker at Prof. Buchne  Nagtrabaho siya sa “University Eye Hospital” sa pamamahala ni Dr.Becker. Naging kasapi ng samahang Antropolohista , Etnolohika at Heograpika sa tulong nina Dr.Jagor at Dr. Meyer.

Nanggamot siya sa Dapitan sa maraming kapwa Pilipino nang walang bayad.  Isa sa mga nagtatag ng samahang Circulo Hispano-Filipino nang walang bayad. Marami rin siyang mga iginuhit sa lapis ,gamit ang krayola at Oleo at mga ilang likhang iskultura sa Pilipinas at sa London.  Isa sa mga bantog na moog ng La Solidaridad, pahayagan ng kilusang del Pilar at Graciano Lopez-Jaena at Nagtatag ng La Liga Filipina.

Mga Likhang Sining

Dula: Dula sa Pista ng Paete

Tula:

  • Sa Aking mga Kabata(sinulat sa edad na pitong taong gulang)
  • El Embargue: Himno ala Flota de Magallanes
  • La Tragedia de San Eustaquio
  • El Combates : Urbiztondo,Terror de Jolo
  • Un Requerdo a mi Pueblo
  • La Entrada Triumfa de los Reyes Catolicos en Grande
  • A La Juventud Filipina
  • A Mi Madre
  • Los Viejeros
  • Mi Retiro
  • Ultimo Adios

Nobela

  • Noli Me Tangere
  • El Filibusterismo
  • Makamisa (di-natapos)

Paglilok

  • Sagrado Corazon de Jesus
  • Mahal na Birheng Maria

Pinaghanguan ng mga impormasyon:
Zaide, Gregorio F. José Rizal : Life, Works and Writings of a Genius, Writer, Scientist and National Hero. Metro Manila, Philippines :National Book Store, 1984.


Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Exit mobile version