Noli Me Tangere: Kabanata 7 Suyuan sa Asotea

Talasalitaan

  • Alumpihit – di mapalagay
  • Mag-ulayaw mag-usap
  • Nagpapasikdo – nagpapatibok
  • Nakatatalos – nakaalam
  • Napatda – natigilan

Pangunahing Tauhan sa Kabanata

Crisostomo at Maria Clara

Buod ng Kabanata

Maaga nagsimba si Maria Clara at Tiya Isabel. Nagpatuloy sila sa kanilang gawain matapos mag-almusal. Si Tiya Isabel ay naglinis ng mga kalat sa nakaraang handaan. Samantalang si Kapitan Tiyago ay binuksan ang mga sulat habang si Maria Clara ay nanahi habang kausap niya ang Kapitan upang makalma sapagkat nitong araw ding ito ang muling pagkikita nila ni Ibarra, hindi siya mapakali dahil sa pananabik.

Nalalapit na ang pista ng San Diego kaya dito sila nagbakasyon. Nang dumatal na si Ibarra ay halata sa hitsura ni Maria Clara ang pagkataranta at pagkabalisa.

Pumasok sa silid si Maria Clara na siya namang tinulungan ni Tiya Isabel upang ayusin ang kaniyang pustura. Nang siya ay lumabas ay nagkita sila ni Crisostomo sa bulwagan. Nang magkatitigan ay kita ang ligayang bumalot sa kanilang mukha.

Nagtungo ang dalawa sa asotea upang makapag sarili at upang maiwasan din ang alikabok sa paglilinis ni Tiya isabel. Masaya silang nag-usap ng nararamdaman nila para sa isa’t-sa at pinagkwentuhan ang mga pangyayari dati, ang kanilang mga tampuhan na mabilis ding nagkapatawaran.

Kapwa din nilang naitago ang mga bagay na kanilang binigay sa isa’t isa tulad ng dahon na inilagay ni Maria Clara sa sumbrero ni Crisostomo Ibarra para hindi ito gaanong mainitan, at ang sulat na bigay ni Crisostomo kay Maria Clara bago ito lumisan pa Europa.

Binasa naman ng dalaga kay Kapitan Tiyago ang naturang sulat. Naglalaman ang sulat ng impormasyon tungkol sa balak ni Don Rafael na pag-aralin si Crisostomo sa ibang lugar na malayo upang makapaglingkod ng mataas sa kaniyang pinagmulan, upang maibigay nito ang nais niya para sa bayang sinilangan ay handa raw siya na magtiis na mawalay sa anak.

Naputol ang kanilang kwentuhan nang maalala ni Ibarra na bukas ay undas at madami siyang kailangang asikasuhin. Nagpaalam na siya na binilinan ng Kapitan na sabihan ang kaniyang katiwala na sila ay magbabakasyon doon.

Hindi napigilan ni Maria Clara na tumangis sa pag-alis ni Ibarra. Sinabihan na lamang siya ng kaniyang ama na magtirik ng dalawang kandila at magdasal sa santo ng manlalakbay.

Mensahe at Implikasyon

  • Kahanga-hanga ang uri ng pag-ibig na namagitan kina Crisostomo Ibarra at Maria Clara. Sa kabila ng mahabang panahon ng kanilang pagkakalayo ay napanatili nilang maalab ang kanilang pagtitinginan sa isa’t isa.
  • Gaya ng isinasaad ng “Awit ng mga Awit ni Solomon” ay maituturing na dalisay ang pagibig na iniukol na binata sa dalaga. Sa katunayan, ito naman talaga ang plano ng Diyos sa isang lalaki at babaeng totoong nagmamahalan. Kagaya ni Eba at Adan ay pinagpala sila ng Diyos nang sabihin ni Yahweh sa kanilang “Magpakarami kayo para mangalat ang mga lahi ninyo sa buong mundo.”
  • Dito ay makikita nating ang pagsasama ng isang lalaki at babae sa kapangyarihan ng basbas ng Diyos ang siyang naging daan upang dumami ang tao sa sanlibutan. Sinasabi rin sa Bibliya na ang pinagsama ng Diyos ay hindi puwedeng paghiwalayin ng tao.
  • Sa kasalukuyan, isa ang Pilipinas sa dadalawang bansa na lang sa mundo na walang batas na nagbibigay-daan sa diborsyo (ang isa pa ay ang Estado ng Vatican). Isa ito sa mga kontrobersiyal na paksang pinag-uusapan at pinagdedebatehan sapagkat tutol ang simbahan sa pagkakaroon ng ganitong batas na sa tingin nila’y makasisira sa sakramento ng kasal at nakabubuwag ng pamilya samantalang maraming sektor ng lipunan ang pumapanig naman sa pagkakaroon ng batas na magbibigay-kalayaan sa pagsasamang tila wala ng pag-asang mabuo.
  • Ipinakita rin sa kabanata ang apat na mukha ng pag-ibig; pagmamahal sa bayan, pagmamahal sa magulang, pagmamahal sa pamilya at pagmamahal sa taong tinatangi.
Exit mobile version