Sa tabi ng bukal sa bundok na malapit sa San Diego, sa pampang ng isang sapa ay may kubong tinutukuran ng balu-baluktot na mga tuod. Ginagapangan ang bubong nito ng baging ng kalabasa na may mga bulaklak na’t bunga. Ang kabahayan ng dampa ay nadedekorasyunan ng mga sungay at bungo ng mababangis na baboy ramong napakahahaba ng pangil ng ilan. Bahay ito ng mag-anak na mamamaril at mangangahoy.
Sa lilim ng punongkahoy, ang lolo ay gumagawa ng walis na yari sa sasa. Humuhuni ng awitin ang dalawa niyang apong lalaki habang nagtatahip ng bigas. Isang dalaga naman ang nagsisilid sa basket ng mga itlog, dayap, at mga gulay. Isang batang lalaki at isang batang babae ang naglalaro sa tabi ng isa pang batang matamlay at balisa. Malalaki at nanlalalim ang mga mata ng batang iyon na nakaupo sa nakabuwal na puno. Sa kapayapaan niya ay mapagkikilang siya’y si Basiliong anak ni Sisa at kapatid ni Crispin.
“Pag magaling na ang paa mo’y maglalaro tayo ng kandirit at taguan,” sabi sa kanya ng batang babae.
“At makasasama ka sa pag-akyat sa tuktok ng bundok,” dagdag na wika ng batang lalaki. “Makaiinom ka ro’n ng dugo ng usa na pinigaan ng dayap. Makikita mo’t tataba ka.”
Malungkot na ngumiti si Basilio at tinitigan ang sugat sa kanyang paa. Inilipat ang kanyang paningin sa matinding sikat ng araw.
“Ipagbili moa ng mga walis na ito,” bilin ng lolo sa dalaga. “At, ibili mo ng tsinelas ang iyong mga kapatid. Noche buena na.”
“Rebentador!” sigaw ng batang lalaki. “Gusto ko ng rebentador!”
“Gusto ko ng bagong ulo para sa manika ko!” patiling sabi ng batang babae habang niyuyugyog ang palda ng dalaga.
“Ikaw naman, ano gusto mo para sa Pasko?” tanong ng matandang lalaki.
Nahihirapan tumayo si Basilio at lumapit sa matanda.
“Lolo?” tanong niya, “mahigit na nga po bang isang buwan akong may sakit?”
“Dalawang pagbibilog na ng buwan ang nakaraan mula nang matagpuan ka naming walang malay at sugatan. Akala nami’y mamamatay ka.”
“Diyos na ang bahalang gumanti sa inyo. Mahirap lang kami,” sabi ni Basilio. “Pasko na! Gusto ko pong magpunta sa bayan para Makita ang ina ko’t kapatid. Hinahanap na siguro nila ako.”
“Ngunit, Anak, hindi ka pa masyadong magaling. Malayo rito ang lugar n’yo; hatinggabi ka na makakarating d’on.”
“Hindi po bale, Lolo. Nalilungkot na siguro ang nanay k oat kapatid; magkakasama po kasi kaming lagi pa Pasko. Noon pong isang taon ay isang isda ang pinagpaskuhan naming tatlo. Umiiyak na siguro ang nanay ko sa paghahanap sa akin.”
“Hindi ka makakarating nang buhay sa bayan, Anak! Manok at litsong baboy-ramo ang hahapunanin natin mamayang gabi. Hahanapin ka ng aking mga anak pagdating nilang galing sa bukid.”
“Marami po kayong anak ngunit dadalawa kaming anak ng nanay ko. Akala niya marahil ay patay na ako. Ibig kong lumigaya siya ngayong gabi. Bibigyan ko siya ng aginaldo – isang anak.”
Nangilid ang luha sa mata ng matandang laki, ipinatong niya ang kamay sa ulo ng bata at saka maramdaming nagwika;
“Para kang isang matanda kung magsalita. Lakad na’t hanapin moa ng iyong ina. Ibigay moa ng kanyang aginaldong mula sa Diyos, gaya ng sabi mo. Kung alam ko lang ang bayan n’yo ay nagpunta na sana ako roon nang may sakit ka… Lakad na, Anak. Pagpalain ka nawa ng Diyos at ng Panginoong Hesus. SAsamahan ka ni Lucia hanggang sa susunod na bayan.”
“Ano? Aalis ka ba?” tanong ng batang lalaki. “May mga sundalo at tulisan doom. Ayaw mo bang marinig ang putok ng rebentador ko?”
“Ayaw mo bang maglaro ng taguan?” tanong naman ng batang babae. “Talagang wala nang sasaya pa sa pagtatago!”
Ngumiti si Basilio. Kinuha ang kanyang tungkod at naluluhang nagpaalam:
“Babalik ako agad. Isasama ko ang aking kapatid para may kalaro kayo. Kasinggulang n’yo siya.”
“Pilay rin ba siya?” usisa ng batang babae. “Di… hindi siya maaaring maglaro.”
“Huwag kang makalilimot,” bilin ng matandang lalaki. “Heto, dalhan mo ng tapang baboy-ramo ang nanay mo.”
“Dadalawin ka naming pagbaba naming sa bayan,” wika ng dalawang batang lalaki nagtatahip ng bigas.
Sinamahan siya ng mga bata hanggang sa tulay na kawayan sa ibabaw ng maingay na sapa.
Inakbayan siya ni Lucia at kumapit siya sa braso niyon. Ilang sandali pa’t hindi na matanaw ang dalawa. Mabilis ang lakad ni Basilio kahit nabebendahan ang paa.
Humuhugong ang hanging habagat kaya’t nangangatog sa ginaw ang mga taga-San Diego.
Noche Buena na subalit malungkot ang bayan. Ni isa mang parol ay walang nakasabit sa mga bintana. Walang marinig na sigla ng paghahanda sa mga tahanan na di tulad ng pagsasata nang mga nakaraang taon.
Nasa unang palapag ng bahay sina Kapitan Basilio at Don Filipo. (Naging magkaibigan ang dalawa dahil sa sinapit na kasawian ng Don.) Naguusap sila sa tabi ng narerehasang bintana. Nakapamintana sa isa pa si Sinang, ang pinsan niyang si Victoria, at ang magandang si Iday. Tinatanaw nila ang lansangan.
Nagsisimula nang magsabog ng liwanag sa kalangitan ang papaliit na buwan. Tinatanglawan nito ang mga ulap, punongkahoy, at mga bahay kaya’t nakalilikha ang mga ito ng mahahaba at kaakit-akit na mga anino.
“Talagang masuwerte kayo! Biro n’yong mapawalang-sala kayo sa mga panahon pa namang ito?” wika ni Kapitan Basilio kay Don Filipo. “Sinunog nga nila ang mga aklat ninyo, pero higit pa sa roon ang nawala sa iba.”
Isang babae ang lumapit sa bintana at tumanaw sa loob. Kumikislap ang kanyang mga mata, hapis ang mukha, at nakasabog ang buhok. Kakaiba ang kanyang anyo sa liwanag ng buwan.
“Sisa!” gulat na gulat na nasabi ni Don Filipo. Sa paglayo ng baliw ay hinarap niya si Kapitan basilio at nagtanong:
“Hindi ba’t ginagamot siya ng doctor?” Hindi pa ba siya magaling?” Mapait ang ngiti ni Kapitan Basilio.
“Natakot and doctor na mapagbintangang kaibigan ni Don Crisostomo, kaya’t pinalayas niya si Sisa sa kanyang bahay. Palaboy-laboy siyang muli, kumakanta, baliw parin. Pero, hindi na siya nananakit. Sa gubat siya nakatira.”
“Ano pa ang nangyari sa baying ito mula nang kani’y umalis? Alam kong may bago na tayong kura at bagong tenyente ng guardia civil.”
“Teribleng talaga! Ang mga tao’y pasama nang pasama,” bulong ni Kapitan Basilio na ginugunita ang nakaraan. “tingnan natin. Nang sumunod na araw pagkatapos kayong hulihin ay natagpuang patay na nakabitin ang sakristang mayor sa kisame ng bahay niyon. Ang nakapagtataka ay lumalabas na nilason yaong tulad ni Lucas ayon sa medico-legal. Dinamdam na mabuti ni Padre Salvi ang nangyari kaya’t nagbalot na ng lahat niyang papeles. Siyanga pala, namatay na rin ang pantas na si Tasyo. Inilibing siya sa sementeryo ng mga Intsik.”
“Kaawa-awang Don Anastacio,” buntong hininga ni Don Filipo. “Pa’no ang kanyang mga aklat?”
“Sinunog ng mga banal sa pag-aakalang makasisiya iyon sa Diyos. Wala akong nailigtas, kahit na kay Cicero. Hindi iyon pinigil ng alkalde.”
Pareho silang nawalan ng kibo.
Mauulinigan ang malungkot at nakapamamanglaw na awit ng baliw.
“Alam mo ba kung kalian ikakasal si Maria Calara” tanong ni iday kay Sinang.
“Hindi,” sagot niyon. “May sulat siya sa akin, ngunit hindi ko makuhang buksan. Mabuti nang hindi ko malaman. Kaawa-awang Crisostomo!”
“Kung hindi nga raw kay Linares ay malamang na nabilanggo si Kapitan Tiago. Ano pa nga ba ang magagawa ni Maria Clara?” puna ni Victoria.
Papilay-pilay na nagdaan si Basilio. Tumakbo siyang patungo sa plasa na pinagbubuhatan ng awit ni Sisa. Nadatnan niyang walang tao at giba ang bahay ng kanyang ina. Sa pagtatanong-tanong ay nalaman niyang nabaliw ang kanyang ina at nagpapagala-gala yaon sa bayan. Wala siyang nabalitaan tungkol kay Crispin.
Nilunok ni Basilio ang kanyang luha, tinimpi ang nadarama at hinanap ang kanyang ina nang walang pahinga. Kararating niya sa kabayanan at kasalukuyang ipinagtatanong ang kanyang ina nang marinig niya ang awit niyon mula sa malayo. Pinigil ng kaawa-awang bata ang panginginig ng kanyang mga tuhod at hinabol ang ina upang yakapin.
Umalis na ang baliw sa plasa at nagtungo sa bahay ng bagong tenyente ng guardia civil. Gaya nang dati ay may bantay sa pinto, may nakasungaw na ulo ng babae sa bintana, ngunit hindi yaon kay Medusa kundi sa isang babaeng bata pa. Hindi naman lahat ng pinuno ng military ay bigo sa kanilang pag-aasawa.
Nagsimulang umawit si Sisa sa harap ng bahay. Nakatitig siya sa buwang buong pagmamalaking nagsasayaw sa bughaw na langit na nasasabugan ng ginintuang mga ulap. Natatanaw ni Basilio ang kanyang ina, ngunit nag-aalaala siyang lumapit. Hinihintay na lamang niyang umalis doon ang kanyang ina. Nagpalakad-lakad siya pero iniwasang mapalapit sa kuwartel ng guardia civil.
Nang makita ni Sisa ang papalapit na sundalo at marinig ang boses niyon ay natatakot siyang tumakbong papalayo. Diyos lamang ang nakaaalam kung gaano kabilis tumakbo ang baliw. Hinabol siya ni Basilio at sa pangambang makalayong muli ang ina at nalimutan ang masakit niyang paa.
“Tignan ninyo’t hinahabol ng bata ‘yong baliw,” sigaw ng nagagalit na katulong na noo’y nasa lansangan.
Nang makita ang patuloy niyong paghabol kay Sisa ay pumulot ng bato at binato ang bata.
“Yan ang mabuti sa’yo! Pasalamat ka’t nakatali an gaming aso.”
Naramdaman ni Basiliong tinamaan siya ng bato sa ulo, ngunit nagpatuloy siya sa pagtakbo. Tinahulan siya ng mga aso at kumakak ang mga gansa. Nagbukas ang ilang bintana ang mauusisa. Ang iba’y nagsara sa takot na ito’y isa na namang gabi ng ligalig.
Nang makarating na sila sa labas ng kabayanan ay bumagal ang pagtakbo ni Sisa, ngunit Malaki parin ang agwat nila ni Basilio gaanuman ang tulin ng pagtakbo niyon.
“Inay!” tawag ni Basilio nang matanaw ang ina.
Muling tumakbo nang papalayo ang baliw nang marinig ang tinig.
“Inay, si Basilio ako!” sigaw ng nanlulumong bata.
Tila walang narinig si Sisa kaya hinabol siyang muli ng humihingal nang si Basilio. Naraanan na nila ang mga bukirin at papalapit na sila sa gubat. Kapwa sila nahahadlangan sa pagtakbo ng dikit-dikit na mga halaman, matatalas na talahib, at ng nangakausling ugat ng mga puno. Tinunton ni Basilio ang anino ni Sisa na nililikha ng liwanag ng buwang naglalagos sa mga sanga ng punongkahoy. Ito ang mahiwagang gubat na pag-aari ng mga Ibarra.
Natitisod ang bata at ilang ulit nang nadapa, subalit tumayo siyang muli nang walang nararamdamang sakit. Nakatutok ang kanyang mga paningin sa kaanyuan ng minamahal na ina.
Tumawid sila sa umaawit na sapa. Natinik ang nakapaang si Basilio sa nagkalat na kawayan sa maputik na pampang. Hindi man lamang siya huminto sa pagtakbo upang bunutin ang tinik sa kanyang paa.
Nagulat siya nang matanaw na pumapasok sa kaloob-looban ng gubat ang kanyang ina. Nang marating niyon ang libingan ng matandang Kastila sa may puno ng balite ay binuksan ang pinto at pumasok.
Tinangka ni Basiliong buksan din ang pinto ngunit nakasusi na iyon. Ayaw siyang papasukin ng babaeng baliw. Buong lakas na nakatukod sa pinto ang mga yayat niyong bisig at ang ulong natatakpan ng nakasabog na buhok.
“Inay, si Basilio ako, ang inyong anak,” sigaw ng nanghihinang si Basilio habang unti-unting napapalugmok sa lupa.
Patuloy na sinasagkahan ni Sisa ang pinto. Matatag ang kanyang tayo kaya’t malakas niyang nasusuhayan ang pinto.
Itinuktok ni Basilio ang kanyang kamao at ulong nagdurugo sa pinto. Umiyak siya ngunit walang nangyari. Nahihirapan siyang tumindig. Minalas ang bakod na nakapaligid sa libingan. Binalak niyang akyatin pero wala siyang makitang makakapitan. Lumigid siya at nakakita ng isang sanga ng baliteng nanunulay sa sanga ng isa pang puno. Umakyat siya. Ang naghahari sa kanyang pagmamahal sa ina ay naghimala upang makapaglipat-lipat siya sa mga sanga hanggang sa makalambitin sa sanga ng punong balite. Nakita niyang nakatukod pa rin ang ulo ng ina sa pinto.
Tatakbo na naman sana si Sisa nang magpatihulog si Basilio. Niyakap niya ang ina at pinupog ng halik bago nawalan ng malay-tao.
Nakita ni Sisa ang nagdurugong noo ng bata. Yumuko siya at nanlalaki ang mga matang tinitigan ang mukha niyon. Ang maputlang anyo ni Basilio ay gumising sa nahihimbing niyang diwa. isang tila kislap ng liwanag ang bumundol sa kanyang isip hanggang sa makilala niya ang anak. Bigla siyang napatili at napalugmok habang niyayapos at hinahalikan ang walang malay na bata.
Mahabang oras na namalaging walang kakilos-kilos ang mag-ina. Nang matauhan si Basilio ay nakita niyang walang malay-tao ang kanyang ina. Niyugyog niya iyon at masuyong tinawag. Nang mapunang hindi pa rin kumikilos ni humihinga ay tumayo siya’t nagtungo sa batis. Kumuha siya ng tubig na inilagay sa balinsunsong na dahoon ng saging at iniwisik sa namumutlang mukha ng ina. Bahagya man ay hindi iyon kumilos at nanatiling nakapikit.
Nahihintakutang tinignan siya ni Basilio. Idiniit ang kanyang tainga sa nanlalamig na dibdib at napansing hindi na tumitibok ang puso niyon. Hinalikan niya sa labi at naramdamang hindi humihinga. Niyakap ng kahabag-habag na bata ang kanyang bangkay at buong kapaitang nanangis.
Makaharing naglalakbay ang buwan sa kalangitan. Nanghahaplos ang dapyo ng hanging-amihan at humuhuni ang mga kuliglig sa damuhan.
Ito ang gabi ng mga pailaw at pagsasaya para sa maraming batang kasama ang pamilya sa pagdiriwang ng araw na higit na ginugunita pagkat siyang tanda ng pagibig ng langit sa mundo.
Gabi itong ang mabubuting pamilyang Kristyano ay kumakain, umiinom, sumasayaw, umaawit, humahalakhak, naglalaro, nagmamahalan at naghaha-likan.
Ito ang gabing totoong mahimala para sa mga bata sa mga bansang may malamig na klima gawa ng naiilawang mga puno ng pino, mga manika, hamon at makikislap na mga tinsel na nakasisilaw sa mga mata ng walang malay.
Ang tanging inihatid kay Basilio ng gabing ito ay ang kamatayan ng kanyang ina. Marahil, kahit na sa bahay ng hindi palakibong si Padre Salvi ay naglalaro at umaawit ang ibang bata ng lumang awiting pamasko ng mga Kastila:
La noche Buena se viene
La noche Buena se va –
Nang magtaas ng ulo si Basilio ay nakita niya ang isang lalaking nakatayo sa kanyang harap. Tahimik siyang pinagmamasdan niyon. Lumapit pa iyon at tinanong siya nang pabulong:
“Ikaw ba ang anak niya?”
Tumango ang bata.
“Ano ang binabalak mong gawin?”
“Ilibing siya.”
“sa sementeryo?”
“Wala po akong pera, saka hindi ako papayagan ng kura.”
“Kung gayo’y – ?”
“Kung matutulungan po ninyo ako…”
“Mahinang-mahina na ako,” sagot ng di-kilalang tao na dahan-dahang nabubuwal hanggang sa itukod na niyon ang dalawang kamay sa lupa. “Sugatan ako. Dalawang araw na akong hindi kumakain ni natutulog. May naparito ba ngayong gabi?”
Nag-iisip na minamasdan ng lalaki ang nakatatawag-pansing mukha ng bata.
“Makinig ka,” patuloy niyang wika na nanghihina ang tinig. “Mamamatay na rin ako bago mag-umaga. Dalawampung hakbang mula rito, sa kabilang pampang ng sapa, ay may malaking bunton ng panggatong. Ibunton mo rito at ipatong moa ng aming mga katawan. Takpan mo kami at sunugin hanggang kami’y maging abo.”
Nakikinig si Basilio.
“Saka, kung walang ibang darating ay humukay ka rito. Marami kang gintong matatagpuan. Iyo nang lahat iyon. Mag-aral ka!”
Pahina nang pahina ang tinig ng di-kilalang tao.
“Lumakad ka na’t hanapin moa ng mga kahoy. Gusto kitang tulungan.”
Umalis na si Basilio. Ibinaling ng di-kilala ang kanyang mukha sa silangan at bumulong na parang nagdarasal.
“Walang malalabi sa akin… mamamatay akong hindi mamamalas ang pagsikat ng araw sa aking bayan. Kayong makakita sa pagbubukang-liwayway, malugod ninyo siyang tanggapin, at inyong gunitain ang mga nabuwal sa dilim ng gabi!”
Tumingala siya sa langit. Kumibot ang mga labing wari’y nagdarasal, yumuko, at dahan-dahang nalugmok.
Nakaraan ang dalawang oras, nasa may bintana sa kusina si Sister Rufa at naghihilamos bago magsimba. Natanaw niya sa dako ng kagubatan ang pumapaitaas na makapal na usok. Nangunot ang kanyang noo at buong kabanalang nagwika nang pagalit:
“Sino kayang erehe ‘yong naghahawan ng gubat sa araw ng pangilin? Kaya maraming nangyayaring kasawian! Iligtas nawa kayo ng Diyos sa purgatoryo, mga barbaro. Hindi kayo hahanguin doon ng mga indulhensiya ko.”