Noli Me Tangere Buong Kabanata 62: Nagpaliwanag si Padre Damaso

Nawalan ng halaga ang patong-patong na mamahaling mga regalo sa kasal sa ibabaw ng mesa. Hindi rin pansin ni Maria Clara ang mga brilyante sa asul at pelus na kahita o ang binurdahang sinamay at kahit na ang piyesa ng telang-sala. Nakatitig nang walang nakikita o nababasa ang dalaga sa pahayagang nagbabalita ng kamatayan ni Ibarra, ang pagkalunod niyon sa lawa.

          Bigla niyang naramdaman ang dalawang kamay na tumakip sa kanyang mga mata at mabilis siyang hinawakan. Narinig niya ang nagbibirong tinig ni Padre Damaso na nagtanong:

          “Sino ako? Hulaan mo kung sino ako!”

          Napalukso si Maria Clara mula sa silyang kinauupuan at takot na tumingin kay Padre Damaso.

          “Natakot ka, ano, bata ka? Hindi moa ko inaasahan. Buweno, nanggaling ako sa mga probinsya para dumalo sa kasal mo.”

          Masaya siyang nakangiti nang lumapit na muli sa dalaga. Iniabot ang kanyang kamay upang pahalikan. Nanginginig na itinaas ni Maria Clara ang kamay at magalang na dinampian ng kanyang labi.

          “Ano ang nangyayari sa iyo, Maria?”, tanong ng Pransiskano na napawi ang masayang ngiti at nabalisa. “Parang yelo ang iyong kamay; namumutla ka. May sakit ka ba, anak?”

          Kinabig siya nang buong lambing ni Padre Damaso na hindi niyon dating ginagawa, ginagap ang dalawa niyang palad, at nag-uusisa ang mga matang itinitig sa kanya.

          “Wala ka na bang tiwala sa iyong ninong?”, nanunumbat niyang tanong. “Halika, maupo ka rito at sabihin mo sa akin ang iyong dinaramdam, tulad ng ginagawa mon ang bata ka pa at ibig mong makakuha ng mga tulo ng kandila para gawin mong manika. Alam mong lagi kitang mahal…kalian ma’y hindi kita kinagalitan.”

          Malumanay at magiliw ang tinig ni Padre Damaso. Napaiyak si Maria Clara.

          “Bakit ka umiiyak, anak? Nakipaggalit ka ba kay Linares?”

          Nagtakip ng dalawang tainga si Maria Clara.

          “Huwag ninyo siyang banggitin sa akin! Huwag ngayon!”, himutok niya.

          Nagtatakang tiningnan siya ni Padre Damaso.

          “Ibig mo bang magtapat sa akin? Hindi ba’t sinikap kong mapagbigyan ang bawat magustuhan mo?”

          Itinaas ng dalaga ang luhaang mata sa kaharap at muling humagulgol ng iyak.

          “Huwag kang umiyak nang ganyan, anak. Nasasaktan akong Makita kang umiiyak. Magtapat ka’t makikita mo kung gaano ka kamahal ng iyong ninong.”

          Lumuhod si Maria Clara sa kanyang paanan, nag-angat ng luhaang mukha, bumulong nang halos di-maunawaan:

          “Mahal n’yo pa ba ako?”

          “Anak?”

          “Kung gayo’y iligtas ninyo ang aking ama, ngunit huwag nang ituloy ang aking kasal. Kung hindi’y isinusumpa ko sa alaala ng aking ina na magpapatiwakal ako.”

          Hindi makapaniwala si Padre Damaso sa kanyang narinig.

          “Habang buhay si Crisostomo,”, patuloy niya, “maaari akong magtiis, umasa, at magtiwala. Nais kong mabuhay upang makabalita ng tungkol sa kanya. Ngunit ngayong pinatay nila siya ay wala nang dahilang mabuhay ako nang walang kaligayahan.”

          Sinabi niya iyon nang hindi lumuluha, pabulong, at payapa.

          “Pero, loka, hindi ba’t makalibong beses na Mabuti si Linares kaysa kay…”

          “Kung buhay siya, makapagpapakasal ako. Binalak kong magtanan at hanapin siya pagkatapos ng kasal… Nais lamang naman ng ama ko ang mabubuting koneksiyon. Ngayong patay na siya, magpapakamatay na muna ako bago pakasal sa iba. Kung buhay pa siya ay makapagtitiis ako. Maaliw ako ng kaalamang buhay pa siya at maaring ginugunita niya ako. Ngayong patay na siya, nanaisin ko pang magmongha o mamatay na rin.”

          Napakatatag ng tinig ng dalaga kaya’t nawalan ng sigla si Padre Damaso at nag-isip nang malalim.

          “Mahal na mahal mo ba siya?”, bulong niya.

          Hindi sumagot si Maria Clara. Nagpakayuko-yuko si Padre Damaso at nanahimik.

          “Anak ko,”, paputol-putol niyang wika. “Patawarin moa ko sa hindi ko sinasadyang pagdudulot sa iyo ng kalungkutan. Iniisip ko lamang ang iyong kinabukasan, gusto kitang lumigaya. Mapapayagan ba kitang makasal sa isang Pilipino, at makitang namimighati kang asawa at sawimpalad na ina? Pero, hindi ko mapigil ang iyong pag-ibig. Tinutulan ko iyon nang buong lakas, ginamit ko ang lahat ng aking kapangyarihan para sa iyong kapakanan, para sa iyo lang. Kung nagin asawa ka niya, luluha ka pagkatapos dahil makikita mong hindi makapagtatanggol ang iyong asawa sa ano mang uri ng pag-uusig sa kanya. Kung ikaw nama’y ina, itatangis mo ang kapalaran ng iyong mga anak, pagkat kapag sila’y iyong pinapag-aral ay inihahanda mo lamang sila para sa isang malagim na kinabukasan. Magiging kaaway sila ng simbahan, at makikita mo silang ibinilanggo o ipinatapon. Kung papanatilihin mo naman silang ignorante ay makikita mo silang inaalipin at hinahamak. Kaya’t inihanap kita ng asawang makapagpapaligaya sa iyo bilang ina ng mga anak ng mag-uutos at hindi siyang uutusan; na may kapangyarihang magparusa at hindi paparusahan. Batid kong mabait ang iyong kababata. Mahal ko siya tulad ng pagmamahal ko sa kanyang ama; subalit kinasuklaman ko sila nang araw na mapansin kong magiging dahilan sila ng iyong kalungkutan. Mahal kita, sinasamba, at minamahal na para kong tunay na anak. Wala akong ibang mahal kundi ikaw. Nakita ko ang iyong paglaki; walang oras na hindi kita naiisip. Napapangarap kita; ikaw ang tangi kong kaligayahan.”

          Parang batang umiyak si Padre Damaso.

          “Kung gayon, kung mahal ninyo ako, huwag n’yong bayaang malungkot ako sa habang-buhay ko. Wala na siya. Ibig kong magmongha.”

          Sinapo ng matandang pari ang kanyang noo.

          “Magmongha, magmongha!”, ulit niyang wika. “Anak, hindi mo nalalaman ang buhay, ang mga misteryong ikinukubli ng mga bakod ng monasteryo. Hindi moa lam. Makalibong beses na nanaisin kong makita kang malungkot sa mundong ito kaysa sa loob ng monasteryo. Dito’y mapakikinggan ang iyong mga himutok; doo’y tanging mga dingding ang makikinig sa iyo. Maganda ka, napakaganda, hindi ka ipinanganak para sa kanya, para maging kabiyak ni Kristo. Maniwala ka, anak, paghihilumin ng panahon ang lahat. Malilimot mo rin si Crisostomo at matututuhan mong mahalin ang iyong asawa, si Linares.”

          “Ang monasteryo o ang kamatayan.”, wika ni Maria Clara.

          “Ang monasteryo, ang monasteryo o ang kamatayan!”, bulalas ni Padre Damaso. “Matanda na ako, Maria. Hindi na magtatagal ang buhay ko para pangalagaan ka at ang iyong kaligayahan…Humiling ka na ng iba. Umibig ka kahit kanino, sa ibang binate, kahit na sino siya. Huwag lamang ang monasteryo.”

          “Ang monasteryo o ang kamatayan.”

          “Diyos ko, Diyos ko!”, hagulgol ng pari na tinatakpan ang mukha ng kanyang mga kamay. “Parusahan ninyo ako’t tatanggapin ko. Subalit iligtas ninyo ang aking anak!” Pagkatapos ay hinarap ang dalaga: “Talaga bang gusto mong magmongha? Sige. Hindi ako makapapayag na mamatay ka.”

          Lumuhod si Maria Clara, hinawakan ang mga kamay ng pari, pinisil, at hinagkan.

          “Ninong, ninong!”

          Hindi nagtagal at umalis na si Padre Damaso nalulungkot, matamlay, at nagbubuntung-hininga: “O, Panginoon, sadya kayong nagpaparusa, ngunit ako ang inyong paghigantihan; huwag ang walang-malay kong anak!”

Exit mobile version