Noli Me Tangere Buong Kabanata 61: Tugisan sa Lawa

“MAKINIG kayo,” nag-iisip na wika ni Elias habang patungo sila sa San Gabriel. “Naisip kong doon muna kayo magtago sa bahay ng kaibigan ko sa Mandaluyong. Dadalhin ko roon ang lahat ninyong salapi. Nailigtas ko iyon sa sunog at ibinaon sa paanan ng punong balite, sa may puntod ng inyong lolo. Lisanin ninyo ang bayan…’’

          ‘’Mangibang-bansa?” putol na tanong ni Ibarra.

          ‘’Upang mabuhay nang tahimik sa nalalabi pa ninyong mga araw. May mga ibigan kayo sa Espanya; mayaman kayo; makahihingi kayo ng patawad. Kung bagay ay mas mabuting manirahan sa ibang bansa kaysa atin.

          Hindi sumagot si Ibarra na nag-iisip nang malalim.

          Papasok na sila sa llog Pasig at sumasalunga ang bangka sa agos. Isang nakakabayo ang nagdaan sa tulay ng Espanya, at isang nakatutulig na silbato ang pumailanlang.

          “Elias,” wika naman ni Ibarra. “Pamilya ko ang naging dahilan ng iyong mga kasawian. Makalawang ulit mo akong nailigtas. Hindi lamang kita dapat pasalamatan kundi dapat ko ring ibalik ang iyong kayamanan. Ipinapayo mong manirahan ako sa ibang bansa; sumama ka sa akin at mamuhay tayong magkasama bilang magkapatid. Dito`y isa ka ring sawimpalad.”

          Malungkot na umiling si Elias at nagwika:

“Imposible.Totoong hindi ako maaaring umibig at lumigaya sa aking bayan ngunit maaari akong magtiis at mamatay rito, siguro’y mamatay rin nang dahil sa kanya. Lagi itong makabuluhan. Bayaang angkinin ko ang kanyang kasawian habang ang mga kababayan natin ay hindi pa nabibigkis ng dakilang layunin habang hindi nagkakaisa ang tibok ng ating mga puso, kahit man lamang ang magkakatulad naming kalungkutan ay bumigkis sa amin. Itatangis namin ang aming mga kalungkutan at bayaang sikilin ang aming mga puso ng iisang kasawian.”

          “Kung gayo’y bakit mo ako pinayuhang umalis?”

          “Sapagkat maaari kayong lumigaya sa ibang lugar, pagkat hindi kayo ipinanganak para magtiis, pagkat susumpain ninyo ang inyong bayan sa araw na itakwil kayo nang dahil sa kanya. Ang sumpain ang sariling bayan ay siva nang pinakamatinding dagok ng kapalaran.”

          “Mali naman ang pagkakakilala mo sa akin,” may kapaitang tutol ni Ibarra

          “Nalimot mong pagdating na pagdating ko’y hinarap ko agad ang ikabubuti ng bayan.”

          “Huwag ninyong akalaing sinisisi ko kayo. Sana nga’y matularan kayo ng lahat. Pero, ayokong hingan kayo ng imposibleng gawain, at huwag kayong masasaktan kung sabihin kong dinaraya kayo ng inyong puso. Iniibig ninyo ang inyong bayan dahil iyon ang itinuro ng inyong amang gawin ninyo. Mahal ninyo siya dahil sa inyong pag-ibig, kayamanan, kabataan, at magandang kapalaran dito. Hindi naging malupit ang inyong bayan sa inyo, kaya mahal n’yo siya gaya ng pagmamahal natin sa anumang nagdudulot sa atin ng kaligayahan. Subalit sa araw na matagpuan ninyo ang sariling naghihirap, nagugutom, inuusig, at ipinagkanulo ng mismong mga kababayan nang dahil sa salapi; sa araw na iyan ay itatakwil ninyo ang sarili, ang inyong bayan, pati pagiging makatao.”

          “Masakit kang magsalita, kaibigan,” tumututol na wika ni Ibarra.

          Saglit na yumuko si Elias bago sumagot.

          ‘’Ibig kong mamulat ang inyong mga mata, ginoo, at iligtas sa mga kabiguan sa hinaharap. Natatandaan ba ninyo nang kausapin ko kayo sa bangka ring ito, sa tanglaw ng buwan ding ito, mag-iisang buwan na ang nakararaan? Maligaya kayo noon. Hindi ninyo nadama ang daing ng mga naaapi. Tinanggihan ninyong pakinggan ang daing nila pagkat karaingan iyon ng mga kriminal. Higit ninyong pinakinggan ang kanilang mga kaaway. Sa likod ng mga paliwanag ko’t pakiusap ay pinanigan ninyo ang mga nang-aapi sa kanila. Noo’y nakasalalay sa inyong mga kamay ang pagiging kriminal ko rin o ang aking kamatayan upang matupad ang isang banal na pangako. Hindi ito pinahintulutan ng Diyos; namatay ang matandang kumander ng mga taga-labas. Isang buwan na ang nakararaan, at ngayo’y iba na ang inyong palagay.”

          “Tama ka, Elias, ngunit ang tao ay likha ng pagkakataon. Bulag ako noon, nasusulasok ewan kung ano talaga. Ngayo’y inalis ng kasawian ang piring sa aking mga mata. Nakikita ko ngayon ang nakasusuklam na kanser na ngumangatngat sa ating lipunan, nananalasa sa bayan, kaya’t kailangang sugpuin. Iminulat nila ako sa kanser ng ating lipunan. Pinilit nila akong maging kriminal. At kung iyan ang ibig nila ay mamumuno ako sa kilusan, ngunit magiging tunay akong subersibo. Mananawagan ako sa mga naaapi, sa lahat ng tinitibukan pa ng puso sa kanilang dibdib, sa lahat ng nagsugo sa iyo sa akin. Hindi! Hindi ito krimen. Kailanma’y hindi isang krimen ang makipaglaban para sa kapakanan ng sariling bayan. Kung tutuusin ..! Sa loob ng tatlong siglo ay tinanggap natin sila; humiling tayo ng pagmamahal at ninais na tawagin silang kapatid. Ano ang itinugon nila? Paghamak, panunuya, at ang itatwang tayo’y mga tao rin! Ngunit, gaya ng sinabi mo’y di tayo pababayaan ng Diyos. Tinutulungan Niyang lahat ng taong nakikipaglaban para sa kanilang kalayaan.”

          Nag-aalab ang damdamin ni Ibarra; nanginginig ang buo niyang katawan.

          Nagdaraan na sila sa harap ng palasyo ng gobernador-heneral, at napansin nila ang kakaibang kilos at pagkakagulo ng mga sundalo.

          “Baka kaya natuklasan na ang pagtakas ninyo,” bulong ni Elias. “Humiga kayo’t tatakpan ko kayo ng damo. Padaan na tayo sa sentring may machine gun at magiging kapuna-puna sa kanila kung dalawa tayo rito sa bangka.”

          Halos tinatangay lamang ng agos ang magaan at parihabang bangka.

          Gaya ng nakikini-kinita ni Elias ay pinahinto siya at tinanong kung saan siya galing.

          ‘’Sa Maynila po, nagdadala ako ng damo sa mga huwes at pari,” sagot niyang ginagagad ang punto ng mga magdadamo sa Pandacan.

          Lumabas ang isang sarhento upang malaman ang nangyayari.

          “Puwede ka nang umalis,” utos niya kay Elias. “Pero, binabalaan kita na huwag magsasakay kahit sino. Katatakas lamang ng isang bilanggo. Pag nahuli mo siya ay dalhin mo rito at bibigyan kita ng malaking pabuya.”

          “Maaasahan n’yo, ginoo. Ano po ba ang hitsura niya?”

          “Naka-amerikana at nagsasalita ng Kastila. Talasan mo ang iyong mga mata!”

          Lumayo na ang bangka. Lumingon si Elias at natanaw ang bantay na nakatayo pa rin sa pampang ng ilog.

          “Maaabala tayo kaunti,” bulong niya. “Kailangan nating magdaan sa Ilog Beata para palabasing taga-Peñafrancia ako. Makikita ninyo ang ilog na tinula ni Francisco Baltazar.”

          Nahihimbing ang kabayanan sa liwanag ng buwan.Bumangon si Crisostomo upang lasapin ang kapayapaan ng kalikasan. Makipot ang ilog, umaagos sa pagitan ng mga talahib.

          Inihagis ni Elias ang kanyang mga dala-dala sa pampang, kumuha ng isang mahabang kawayan, at inabot ang ilang sakong walang laman sa ilalim ng damo. Nagpatuloy sila.

          “Hari kayo ng inyong sarili, ginoo, at kayo ang dapat na magpasiya ng inyong kinabukasan,” wika niya kay Crisostomo na nananatiling walang kibo. “Ngunit kung ipahihintulot ninyo’y sasabihin ko ang aking palagay na kailangang pag-isipan ninyong mabuti ang inyong gagawin. Sisimulan ninyo ang isang pakikidigma, sapagkat mayaman kayo at matalino. Madali kayong makatatagpo ng tutulong sa inyo, pagkat maraming diskontento. Ngunit sa sisimulan ninyong labanan, ang mahihina at walang malay ang higit na mapipinsala.

          “Ang mga damdamin noong nakaraang buwan ay dahilan ng paghiling ko sainyo ng pagbabago at siya ring nagtutulak sa akin ngayon na ipakiusap na mag-isip-isip pa kayo, Hindi ninanais humiwalay ng ating bayan sa Inang Espanya Wala siyang hangad kundi kaunting kalayaan, katarungan, at pagmamahal.Ang mga diskontento, kriminal, at desperado ay makapapanig sa inyo, subalit ang taong-bayan ay hindi Hindi rin ako makapapanig sa inyo. Ayaw kong gumamit ng marahas na paraan habang may nakikita pa akong kaunting pag-asa sa tao.’’

          “Kung gayo’y magpapatuloy ako nang hindi ka kasama,” matatag na tugon ni Crisostomo.

          “Iyan na ba ang huli ninyong pasiya?”

          “Ang matatag at nag-iisa kong desisyon. Saksi ko ang Diyos at ang aking ama. Hindi ko mapapayagang agawan na lamang ako at sukat ng katahimikan at kaligayahan. Ang tanging hinangad ko’y kabutihan. Iginalang ko at pinagtiisan ang lahat dahil sa pagtingin ko sa relihiyon at pagmamahal sa bayan. Ano ang iginanti nila sa akin? Ang isadlak ako sa mabahong bilangguan at hamakin ano magiging kabiyak ko? Isang krimen ang hindi ko ipaghiganti; aakit ito sa mga kaaway kong gumawa ng panibagong mga kasamaan. Dapat nang matapos ang mga karuwagan, kahinaan, pagbubuntong-hininga, at pagluha habang may dumadaloy na dugo at buhay, hangga’t kakambal ng mga halakhak ang mga panunuya at paghamon. Mananawagan ako sa kawalang-muwang ng mga tao; ipamamalas ko ang kanilang kaapihan. Maiisip nilang walang kapatiran; may mga lobo lamang na nagsisilaan. Sasabihin kong walang hanggang karapatan  ng taong lumaya ay nagbabangon at lumalaban sa paniniil.”

          Nagtungo ng ulo si Elias na nagbubuntong-hininga.

          “Maihahatid mo ba ako sa bundok?”

          “Hanggang sa ligtas na kayo,” sagot ni Elias.

          Lumabas silang muli sa llog Pasig. Paminsan-minsa’y nag-uusap sila ukol sa di-gaanong mahahalagang bagay.

          “Santa Ana!” bulong ni Ibarra. “Alam mo ba kung anong bahay iyan?”

          Napapatapat sila sa bahay-bakasyunan ng mga Heswita.

          “Doon ko pinalipas ang masasayang araw ko,”ani Elias. “Noon ay pumupunta kami roon nang minsan sa isang buwan. Katulad din ako ng iba:mayaman. May pamilya. May mga pangarap at hinaharap. Dinadalaw ko nang mga araw na iyon ang kapatid kong dalaga sa kalapit na kolehiyo. May kaibigan siya, isang magandang dalaga. Tapos na ang lahat na tila isang pangarap”

          Hindi na sila nag-usap hanggang sa makarating sa Malapad-na-Bato. Ang mga isipin nila‎‎’y batid ng sinumang nakapamangka na sa Ilog Pasig, sa nakahahalinang mga gabi sa Pilipinas, kapag ang buwan ay nasasabog ng tulain mula sa napakabugjaw na langit, kapag ikinukubli niyon ang kaabahan ng tao at ang tinig nila’y pinipipi ng katahimikan ang nangungusap.

Inaantok ang guwardiya sa Malapad-na-Bato. Pagkakitang walang laman ang bangka at walang makukumpiska tulad nang nakagawian ng kanilang pangkat ay pinaraan na sila.

          Ang guardia civil sa Pasig ay hindi rin naghinala kaya hindi sila inabala.

          Magmamadaling araw nang marating nila ang lawang payapa at panatag na tulad ng malahiganteng salamin. Namumutla ang buwan at namumula naman ang Silangan. Mula sa malayo ay nabanaagan nila ang isang malabong kabuoang unti-unting papalapit.

          Dumarating ang lantsa ng patrulya,” bulong ni Elias. “Humiga kayo at tatabunan ko kayo ng mga sako.’’

          Nalalapit at lumilinaw ang kabuoan ng lantsa.

          ‘’Humaharang sila sa pampang puna ng nababalisang si Elias.

          Unti-unti siyang nagbago ng direksiyon. Sumagwan siyang patungong Binangonan. Nanghilakbot siya nang makitang sinusundan sila ng patrulya.

          Isang tinig ang nagpapahinto sa kanila.

          Huminto si Elias upang mag-isip. Malayo pa ang pampang at ilang sandal at nakatutok na sa kanila ang mga riple ng patrulya. Inisip niyang bumalik sa Pasig. Higit namang mabilis ang bangka nila kaysa sa lantsa ng patrulya. Pero, minamalas silang talaga. Isa pang bangka ang patungo sa gawi nila. Lulan nito ang mga guardia civil na nangingintab ang helmet at bayoneta.

          ‘’Nahuli tayo,” bulong niyang namumutla.

          Minasdan niya ang maskulado niyang mga bisig, at sinimulan ang pagsagwan nang buong bilis patungo sa Pulo ng Talim. Sumisikat na noon ang araw.

          Mabilis ang takbo ng bangka. Nakita ni Elias ang ilang taong nakatayo sa lantsa ng patrulya na sumesenyas sa kanya.

          “Marunong ba kayong mamangka?” tanong niya kay Ibarra.

          “Oo, bakit?”

          “Pagkat wala na tayong pag-asang makaligtas kundi ako tatalon para iligaw sila. Hahabulin nila ako, ngunit mahusay akong lumangoy at sumisid. Ilalavo ko sila sa inyo. Sikapin na ninyong iligtas ang inyong sarili.

          “Huwag, dumito ka’t lumaban tayo!”

          “Sayang lang. Wala tayong armas at babariling-ibon lamang tayo sa kanila.’’

          Noon din ay may sumagitsit na bala sa tubig na sinundan agad ng isang putok.

          “Kita n’yo na,” wika ni Elias na inilalapag ang sagwan sa bangka. “Magkikita tayo sa Noche Buena sa tabi ng puntod ng inyong lolo. Iligtas n’yo ang invong sarili.

          “Ikaw?”

          “Iniligtas na ako ng Diyos sa lalong malaking panganib.”

          Hinubad ni Elias ang kanyang kamiseta. Inagaw iyon ng bala sa kanyang kamay na sinundan ng dalawa pang putok. Walang pagkabahalang ginagap ang kamay ni Ibarra na nakahiga pa sa bangka. Tumayo siya’t tumalon sa lawa itinulak ng kanyang paa ang bangka.

          Umalingawngaw ang sigawan. Ilang sandali pa’y lumitaw si Elias para huminga. Lumitaw na muli sa malayo at biglang nawala.

          “Hayun, hayun siya!” sigawang sabay-sabay at humaging na muli ang sunod-sunod na mga bala.

          Humabol ang lantsa ng patrulya at ang bangka ng mga guardia civil. Papalayo nang papalayo sa bangka ni Ibarra ang nalilikhang hawi sa tubig ni Elias. Lumulutang ang tila inulilang bangka. Pinapuputukan ng mga sundalo ang lumalangoy tuwing lilitaw para makahinga. Tumagal ang tugisan. Malayo na ang bangka ni Ibarra. Limampung dipa na lamang ang layo ng lumalangoy sa pampang. Pagod na ang mga humahabol gayundin si Elias na malimit nang lumitaw sa iba-ibang direksiyon para malito ang mga sundalo. Hindi na tuloy siya maipagkanulo ng nalilikha niyang hawi sa tubig. Huli siyang nakita nang sampung dipa na lamang ang layo niya sa pampang. Pinaputukan siya. Maraming sandali ang nakaraan ngunit wala nanglumitaw sa nananahimik na lawa.

          Makalipas ang kalahating oras ay ibinalita ng isa sa mga bangkero navnakakita siya ng ilang patak ng dugo sa may pampang pero nagdududang umiling lamang ang kanyang mga kasama.

Exit mobile version