May mga pahayag na ginagamit sa pagpapatunay ng katotohanan ng isang bagay. Makatutulong ang mga pahayag na ito upang táyo ay makapagpatunay at ang ating paliwanag ay maging katanggap-tanggap o kapani-paniwala sa mga tagapakinig. Karaniwang ang mga pahayag na ito ay dinurugtungan na rin ng datos o ebidensiya na lalo pang makapagpapatunay sa katotohanan ng inilalahad.
Narito ang ilang mga pahayag na ginagamit sa pagbibigay ng patunay:
- May dokumentaryong ebidensiya- ang mga ebidensiyang magpapatunay na maaaring nakasulat, larawan, o video.
Halimbawa: Ayon sa inilabas na ulat ng GMA News, patuloy ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin sa merkado.
- Kapani-paniwala- ipinakikita ng salitang ito na ang mga ebidensiya, patunay, at kalakip na ebidensiya ay kapani-paniwala at maaaring makapagpatunay.
Halimbawa: Ang mataas na markang nakuha ni Mira sa pagsusulit ay tunay namang kapani-paniwala sapagkat makikitang siya ay nagsisikap at nagsusumikap sa kanyang pag-aaral.
- Taglay ang matibay na kongklusyon- isang katunayang pinalalakas ng ebidensiya, pruweba, o impormasyon na totoo ang pinatutunayan.
Halimbawa: Matapos ang mahabang pag-iisip-isip kung ipagpapatuloy pa ni Albert ang kanyang pag-aaral humantong siya sa kongklusyon na ipagpatuloy ito upang magkaroon sila ng mas magandang kinabukasan.
- Nagpapahiwatig- hindi direktang makikita, maririnig, o mahihipo ang ebidensiya subalit sa pamamagitan ng pahiwatig ay masasalamin ang katotohanan.
Halimbawa: Sa pamamagitan ng donasyon na ibinigay ng pamahalaan, indibidwal at pribadong kompanya ay muling nakabangon mula sa malupit na bagyo ang mga mamamayang apektado nito.
- Nagpapakita – salitang nagsasaad na ang isang bagay na pinatutunayan ay totoo o tunay.
Halimbawa: Ang ginawang katapangan ng mga bombero upang maapula ang sunog sa Barangay Pag-asa ay nagpapakita ng kanilang dedikasyon at katapangan sa kanilang larangan.
- Nagpapatunay/katunayan- salitang nagsasabi o nagsa-saad ng pananalig o paniniwala sa ipinahahayag.
Halimbawa: Nagpapatunay lamang na kung ang bawat isa ay magkakaisa maaaring makamit ang isang mithiin.
- Pinatutunayan ng mga detalye – makikita mula sa mga detalye ang patunay sa isang pahayag. Mahalagang masuri ang mga detalye para makita ang katotohanan sa pahayag.
Halimbawa: Pinatutunayan lamang ng mga detalyeng nabanggit na karapatdapat hiranging isang bayani si Andres Bonifacio.
Sanggunian: Baisa-Julian, Ailene G. Pinagyamang Pluma 7 Pheonix Publishing House