Ang Ibat-Ibang Pagkalimbag ng Florante at Laura
Isa sa mga basihan sa kasikatan ng anumang aklat ang dami ng pagkakalimbag nito.
Kung aanalisahin, kakaunti pa lamang ang mga palimbagan mula 1800 hanggang 1900, subalit marami-rami na rin ang naglimbag ng Florante at Laura ni Balagtas.
Ayon kay Buenaventura Medina Jr., propesor ng literatura sa Pamantasan ng De La Salle, si Gabriel Bernardo, propesor ng Unibersidad ng Pilipinas ay nagpapatunay na, “may labing isang edisyon ng tula buhat noong 1853 hanggang 1901:1853, 1861, 1863, 1865 (dalawa), 1875 (dalawa), 1879, 1889, 1893, 1894 at 1901.”.
Sa isang lathalain ni Anacleto Dizon, propesor ng literatura sa Unibersidad ng Silangan, isinulat niyang, “Ang unang edisyon ng Florante at Laura ay lumabas noong 1838 at nilimbag ng Imprenta ng Unibersad ng Santo Tomas. Mula noon hanggang ngayon ay nagkaroon nang daan-daang pagkapalimlimbag ito.”
Binigyang diin naman ni Medina na, “Ayon sa pananaliksik nina Hermenigildo Cruz at Epifanio de los Santos, mga mananalaysay, na unang nalimbag ang Florante at Laura “noong 1838. Subalit walang anumang katibayang mapanghahawakan ngayon para patunayan ang ganyang petsa.”
Kung edisyong 1853 ang pag-uusapan, mismong si Epifanio de los Santos Cristobal na nagsalin ng Florante at Laura sa Kastila ang nagpapatunay na ibinatay niya ang kaniyang salin sa orihinal na edisyong 1853.Nanghihinayang ang mananalaysay na di niya aaisama ang teksto ng nabanggit na edisyon sa pinaglathalaan niyang Revista Filipina noong 1916.
Ang edisyong 1861 ay pumasakamay kay Carlos Ronquillo, isa pa ring mananalaysay. Ang nasabing limbag, ayon kay Ronquillo ay inimprenta sa papel de China ng Imprenta de Ramirez y Giraudier. Binanggit din niyang si T.H. Pardo de Tavera, isa ring mananalaysay ay nag-iingat naman ng edisyon 1870 na nilimbag ng Imprenta de B. Gonzalez Mora sa Binundok. Mapapansing ang nasabing taon ng pagkalimbag ay hindi kasama sa data ni Medina.
Si Patricia Melendrez-Cruz, propesora ng literatura sa Unibersidad ng Pilipinas ang nagbigay linaw sa dalawa pang pagkalimbag. Ang una, ayon sa kaniya ay inilabas noong 1875 ng Imprenta de M. Perez at noong 1901 ng Libreria Tagala. Ang nabanggit na mga palimbagan ay parehong nasa Binondo.
Sa kasalukuyan, humigit kumulang sa sampung pagkalimbag ng Florante at Laura ang nadagdag sa mga nangaunang edisyon. Kabilang dito ang pinamatnugutan o pinatnubayan ng mga sumusunod: Rosario Bella Gana (1947), Pedro Villanueva (1949) Fernando Monleon (1969), Ligaya Buenaventura (1974), Rufino Alejandro (1975), Ponciano B.P. Pineda (1982), Vivencio Espino (1983), Carolina Rionda (1987), Aurora Batnag at Gregorio Rodillo (1988), Corazon Magbaleta (1988) at Tomas Ongoco (1991).
Saan at Kailan Isinulat ang Florante at Laura?
Walang makatitiyak kung saan at kailan isinulat ang awit. May ilang dalub-aral ang nagsasabing maaaring isinulat ni Balagtas ang Florante at Laura sa bilangguan ng Pandacan sa pagitan ng 1835 at 1838 nang ipakulong siya ni Mariano Kapule, mayaman at makapangyarihan niyang karibal sa pangingibig kay Maria Asuncion Rivera. May ilan namang naghahaka haka na maaaring isinulat ang awit sa mga bilangguan ng Balanga at Maynila sa pagitan ng 1856 at 1860 nang ipapiit siya ng katulong na babae ni Alferes Lucas ng Bataan sa sumbong na pamumutol ng buhok.
Sapagkat wala namang nagpapatunay kung saan at kailan nga sinulat ng makata ang awit, makatarungang suriin ang awit batay sa teksto ng akda at sa buhay na pinagdaanan ni Balagtas.
Kung susuriin ang ika-18 saknong ng Kay Celia, kapansin-pansin ang ipinahayag ng makata na ang awit daw ay”… unang bukal ng bait kong kutad. “Ang nasabing unang bukal ng mga payak na kaisipan ay ang kabuuan ng aklat na nalimbag noong 1838. Mapapansing ang 1838 ay saklaw ng unang pagkabilanggo ng makata. Hindi ng ikalawang pagkabilanggo niya na naganap mula 1856 hanggang 1860. Sa dalawang pagkabilanggo niya, masasabing ang una ay sa ngalan ng pag-ibig at ang huli ay sa ngalan katarungan. Sapagkat ang Florante at Laura ay punung-puno ng pag-iibigan ng magkasintahan, mahihinuhang maaaring naisulat ni Balagtas ang awit habang naiisip ang unang pag-ibig sa piitan. At sa dahilang una siyang nakulong sa sobrang pagmamahal, maaaring hinabi niya ang awit habang dinadama ang malungkot na karanasan sa mga mapaniil na mga kamay ni Mariano Kapule at sa di pantay na timbangan ng hustisya sosyal. May ilang katoliko naman ang nagsasabi na hindi lamang pag-ibig sa kasintahan ang inilalarawan sa awit. Higit sa lahat, nakapanlinlang daw ang Florante at Laura sa napakahigpit na Comision Permanente de Censura. Bagamat isang awit ang panlabas na anyo ng akda, ang Florante at Laura ni Francisco Baltazar ay pailalim na naglarawan ng kawalang katarungan sa panahong ang mga Kastila ang namumuno sa Pamahalaan at Simbahan.
Florante at Laura
Ang layunin ni Balagtas sa pagsulat ng Florante at Laura ay upang isiwalat ang kanyang himagsik laban sa mga kastila. Naglalaman ito ng mga kalupitan at korupsyon ng pamahalaan. Sa kabila nito, ang dahilan ng pagkakasulat ng Florante at Laura ay ang labis na sakit, kabiguan, kaapihan, at kawalang – katarungang naranasan niya sa lipunan.
Apat na Himagsik ni Balagtas:
- himagsik laban sa hidwaang pananampalataya layong mahiwalay ang estado at simbahan
- himagsik laban sa malupit na pamahalaan: pamahalaan bunga ng hindi pantay na karapatan sa pagitan ng Pilipino at Kastila.
- himagsik laban sa maling kaugalian: tulad ng inggit, panghahamak, paghihiganti, pagbibigay – layaw sa mga anak, at pang – aagaw.
- himagsik laban sa mababang uri ng panitikan: na nakatuon sa pananampalataya.
Alin ang Tamang Baybay: Florante o Plorante?
Batay sa pagsusuri ni Gabriel Bernardo, propesor ng Unibersidad ng Pilipinas sa kaniyang artikulong ” Francisco Balagtas and His Plorante at Laura”, na nalathala sa The City Gazette ng Maynila noong Marso 6, 1943, ang salitang Plorante ay mula sa mga salitang Latin na PLORO, PLORARE na nangangahulugang lumuha at angkop na angkop sa saknong 180 na nagsasabing “Ito ang ngalan ko, mulang pagkabata/Nagisnan sa ama’t inang nag-andukha,/Pamagat na ambil sa lumuha-luha/At kayakap-yakap ng madlang dalita.”
Bagamat may punto si Propesor Gabriel, may kakaibang pananaw naman si Rufino Alejandro, dating Tagapamahalang Tagapagpaganap ng Kagawaran ng Edukasyon. Naniniwala siyang Florante na ang tanggapin nating baybay sa halip na Plorante at Laura na limbag (daw) sa Imprenta ng Unibersidad ng Santo Tomas bagamat gumagamit ng PLORANTE sa pahina ng pamagat ay pinagdududahang orihinal na sulat kamay ni Balagtas, Ikalawa, ang photostat ng mga limbag 1870 at 1785 ay gumamit ng Florante sa halip na Plorante.
Pabor si Jaime C. de Veyra, mananalaysay at naglilingkod sa Aklatang Pambansa na panatiliin munang Florante ang baybay ng pangunahing tauhan ng awit sapagkat ito rin ang baybay na alam ng mga kapwa niya mananalaysay na kinabibilangan nina Epifanio de los Santos at T. H. Pardo de Tavera. Maaari lang daw palitan ang Florante at gawing Plorante kung mapagpapasiyahan ng mga dalubhasa sa linggwistika o dalubwika.