HINILAWOD: Pakikipagsapalaran ni Humadapnon (Epiko Mula sa Panay)

Talasalitaan

  • Anak-maharlika – tawag sa isang kinikilalang mahal at mabunying tao o dugong mahal, ginagamit ito noong unang panahon sa mga kaangkan ng mga hari.
  • Biday – isang uri ng sasakyan
  • Rumaragasa – mabilis na pagdaloy o kilos
  • Sinibat – Sandatang mahabà at may tulis sa dulo na ginagámit ng mga táong-gúbat.
  • Ritwal – Anyo o paraan ng seremonyang panrelihiyon.
  • Engkanto –  Mga nilalang na hindi nakikita tulad ng espiritu na may kapangyarihang umengkanto ng tao.
  • Nahalina – Umakit, bumighani, bumalani.
  • Nganga – Binilot na piraso ng hitso o bunga sa dahon ng ikmo na pinahiran ng apog.
  • Yungib – Likás na malaking húkay o silid sa ilalim ng lupa at bundok at may bútas na maaaring daanan at silungan ng tao o hayop.
  • Balatkayo – Pag-iibang anyo upang hindi makilala.

Mga Tauhan

  • Buyong Humadapnon – isang Binatang maghahanap ng binibining mapapangasawa
  • Taghuy at Duwindi – mga kaibigang Espiritu ni Humadapnon
  • Nagmalitong Yawa – binibining hahanapin ni Humadapnon, anak nina Buyong Labaw Donggon at Uwa Matan-ayon.
  • Buyong Dumalapdap – kasama ni Humadapnon sa paglalakbay
  • Malubay Hanginon – pinakabunsong binukot
  • Lubay Hanginon – pinuno ng mga binukot

Sipi ng Akda

Natutulog si Buyong Humadapnon sa kaniyang duyan nang nagpakita  sa kaniyang panaginip sina Taghuy at Duwindi, ang mga kaibigan niyang espiritu. Sinabi ng dalawa na marapat nang hanapin ng datu ang babaeng kaniyang  mapapangasawa, na kapantay niya ang uri. Ibig sabihin, anak-maharlika rin, may kapangyarihan, bulawan ang buhok, may alam sa panggagamot. Ang babae’y si Nagmalitong Yawa, anak nina Buyong Labaw Donggon at Uwa Matan-ayon.

Humiling si Humadapnon ng pahintulot sa kaniyang magulang na maglakbay para hanapin ang kaniyang mapapangasawa. Sa tulong ng mag-anak, pinagsama-sama nila ang kanilang mga dugo mula sa daliri at nakalikha sila ng isang datung kapamilya, si Buyong Dumalapdap. Siya ang makakasama ni Humadapnon sa kaniyang paglalakbay, sakay ng ginintuang biday o barangay na pamana pa ng magulang kay Buyong Humadapnon.

Bilang paghahanda sa gagawing paglalakbay, dumaan muna si Buyong Dumalapdap sa pagsasanay. Anim na ulit siyang sinibat ng kaniyang kapatid at namatay. Muli naman siyang nabuhay hanggang sa sumapit ang ikapitong pagsibat at nakayanan ni Dumalapdap na iwasan ang rumaragasang patalim na kasimbilis ng kidlat.

Sumulong na ang ginintuang biday (balangay o barangay na ginagamit ng mga datu sa paglalakbay) ni Humadapnon. May ritwal muna bago ito isulong sa dagat: pinausukan ng kamanyang at dinasalan para sa maayos na paglalakbay. Pinaalalahanan ang binata ng kaniyang magulang na mag-ingat sa engkantadong isla ng Tarangban. May puwersa itong bumubura sa konsepto ng pinagmulan. Hindi naman natinag si Humadapnon hanggang sa narating nila ito at kaniyang narinig ang paanyaya ng binukot (well-kept maidens). Napakaganda ng mga tinig at nahalina ang binata. Pinigil naman siya ni Dumalapdap at laging pinapaalala sa marapat nilang puntahan.

Ang Tarangban ay isla ng mga binukot. Sa una, ayaw pagbigyan ni Humadapnon ang paanyaya ngunit nang lumitaw ang pinakabunso, pinakabatang binukot na si Malubay Hanginon, naakit ang binata at umibis ng kaniyang sinasakyan. Tinanggap niya ang inaalok na nganga ng binukot.

Doon,  siya’y namalagi kasama ang  mga dalaga. Itinuring ng binata na kalaro at laruan lamang ang mga binukot. Inabot ng pitong taon ang pamamalagi niya sa isla kasama ang mga binukot.

Nang natauhan si Humadapnon at nagtangkang umalis, nagsara ang yungib ng Tarangban. Naging bihag ang binata. Nagluksa naman si Dumalapdap sa kapalaran nilang magkapatid. Hindi sila nagtagumpay sa paghahanap ng tamang binibini at sa pagpapatnubay sa isa’t isa.

Bumalik sa kanilang tahanan si Dumalapdap. Ipinaalam niya ito sa kaniyang magulang. Nangako naman ang magulang na gagawin ang kanilang makakaya. Hindi nagtagumpay ang mag-anak. Nangako sila ng pabuyang kayamanan (para sa lalaking tagapagligtas) at kasal (para sa babae). Hindi nagtagumpay ang kalalakihan, gayundin ang mga dalagang Babaylan.

Nanangis sa harap ng Tarangban si Dumalapdap hanggang sa makaisip ang kaniyang mga kaibigang espiritung sina Duwindi, Taghuy, at Hangin na pakiusapan ang binibining talaga naman nilang pakay sa paglalakbay. Mangyari, siya lamang ang maaaring makapagligtas sa nakulong na binata dahil magkasinlakas sila. Sa paanyaya, pang-uudyok, at pananakot ng mga espiritu, napapayag na rin si Nagmalitong Yawa. Una, sinabi nilang kapatid ang nakulong. Ngunit ipinagtapat nilang iyon ang binatang ang diwata ang pakay. Nagbalatkayo si Nagmalitong Yawa bilang lalaki (buyong, datu). Ang hindi lamang niya maitago ay ang kaniyang matamis na amoy ng isang binukot.

Pagdating nila sa Tarangban, naakit muli ang mga binukot. Binuksan nila ang Tarangban sa galak na makakitang muli ng makisig na binata.

Bilang nagbabalatkayong lalaki, nagsamandirigma si Buyong Sunmasakay. Pinaslang niyang lahat ang mga binukot sa isla, maging ang pinakapinunong si Lubay Hanginon ay kaniyang sinaksak. Lumabas naman si Humadapnon na naengkanto. Wala na ito sa kaniyang sarili. Sa tulong ni Buyong Sunmasakay at ng mga kaibigang espiritu, ibinalik nila ang buhay (tubig buhat sa ikapitong antas ng langit) at katinuan ng nabihag na bayani. Hindi naman nagpakilala si Nagmalitong Yawa bilang tagapagligtas ng lalaki.

Jocano F. Lano, et.al. Epic of Labaw Donggon. University of the Philippines 1965

Karagdagang Kaalaman

  • Sa pagbabasa ng epiko, agad na makikita ang kakaibang katangian ng pangunahing tauhan. Mauuri sa alinman sa sumusunod ang kaniyang katangian: pisikal, sosyal, supernatural, gayundin ang intelektuwal at moral na katangian. Katulad ng alamat at ibang uri ng akdang pasalaysay, binubuo ng tauhan, tagpuan at banghay ang elemento ng epiko.
  • Nabanggit sa akda ang salitang binukot Binukot. Ilan sa mga payak na kahulugan ng binukot ay kinumutan, tinakpan, o binalutan. Ang salitang binukot ay hango sa salitang-ugat na “bukot”. Ang ibig sabihin ng bukot ay ikubli o itago. Ginagamit ang salitang binukot pantukoy sa babaeng ikinukubli sa bahay at itinatago mula sa ibang tao maliban sa kanyang kapamilya. Ang binukot ay isang tradisyon na ginagawa ng tribong Panay-Bukidnon na nakatira sa Visayas.
  • Ang babaylan ay isang salitang katawagan para sa mga katutubong Pilipinong manggagamot (karamihan ay mga kababaihan) at pinuno ng pamayanan. Sa tradisyon ng mga Pilipino, isang taong may kakayahang gumamot ng kaluluwa at katawan ang mga babaylan; isang babaeng nagsisilbi sa pamayanan sa pamamagitan ng pagiging isang tagahilom ng mga mamamayan, tagapagtanggol ng karunungan at bilang pilosopo; isang babaeng nagbibigay ng katatagan sa istrukturang panlipunan ng komunidad; isang babaeng maaaring pumasok sa mundo ng mga espiritu o iba pang katayuan ng diwa at paglabas-masok ng walang sagabal sa mga mundong ito; isang babaeng may malawak na kaalaman sa pagpapagaling mga sakit
  • Ang pangunahing tauhan sa akda ay hindi naging matagumpay sa kanyang unang layunin sa paglalakabay sapagkat siya ay nalinlang ng mga binukot. At dahil doon Nawala siya sa kanyang sarili at kailangang iligtas ni Nagmalitong Yawa upang bumalik sa kanyang katinuan.
  • May pagkakataon sa buhay ng isang tao na tulad ng pangunahing tauhan siya ay nawawala rin sa direksyon. Kaya naman mahalagang mayroong mga kapamilya o kaibigan tayong handa umagapay o tumulong upang muli tayong ibalik sa tamang landasin na dapat tahakin.