Fil. 7 Unang Markahan: Si Samgulang at si Nga Datu To Sabeng Kuwentong-bayan ng Tribo ng Blaan

Talasalitaan:

  • agong – Nakabiting gong, may bilóg na umbok sa gitna, malapad ang gilid, at pinapalò ng patpat upang tumunog.
  • Lemlunay – anyong tubig, isang lawa
  • tinanan – Pag-alis ng sinuman nang lingid sa kaalaman ng kasamahán.
  • pananggalang – Anumang ginagamit na panangga upang hindi masaktan, masugatan, mapinsalaan, mapahamak, o tablan ng bisa.
  • magtutuos – Paghaharap upang lutasin ang suliranin o hindi pagkakaunawaan.

Mga Pangunahing Tauhan

  • Samgulang – asawa ni Salo Minum
  • Nga Datu To Sabeng – Ang nagtanan kay Samgulang
  • Salo Minum –  Asawa ni Samgulang
  • Knaban – Kapatid ni Samgulang

NILALAMAN NG AKDA:

Isang gabi habang natutulog si Samgulang sa loob ng kaniyang kulambo ay napanaginipan niya ang kaniyang asawa na tinanan at dinala sa lugar ni Nga Datu To Sabeng.

Nabigla si Samgulang na sa kaniyang pagbangon ay wala na ang kaniyang asawa. Mabilis na nanghilamos at saka hinampas ang agong.

Narinig ng mga kapatid niyang babae ang tunog ng agong. “Narinig ba ninyo ang tawag ni Samgulang? Lahat tayo ay kailangang pumunta sa Lemlunay para kumustahin siya!,” sabi ni Knaban sa mga kapatid.

Agad namang naghanda ang walong magkakapatid. Sumakay sila sa kani-kanilang kabayo papuntang Lemlunay.

Agad sinalubong ni Samgulang ang mga kapatid at sinabi, “Halina mga kapatid babawiin ko ang aking asawang si Salo Minum. Inagaw siya ni Nga Datu To Sabeng.”

“Sasama ako sa iyo kapatid ko. Ano man ang mangyari sa iyo basta nasa likuran mo lang ako,” sabi ng kapatid na si Knaban.

Agad umalis sina Samgulang at Knaban patungong Mahin Lgiling. Pagdating nila, agad nagpatayo ng kubong pansamantalang titirhan sa pakikipagdigma.

Sa umpisa ng labanan nina Samgulang at Nga Datu To Sabeng. Inutusan ni Knaban ang kapatid na gumawa ng lindol. Hindi natakot si Nga Datu sa ginawang lindol ni Samgulang.

Dahil dito lalong nagalit si Samgulang. Inutusan niyang bumaba si Nga Datu upang sila ay magtuos. Agad namang binigyang proteksyon ni Nga Datu si Salo Minum gamit ang kaniyang pananggalang. Nabigla sila nang may nahulog na kumikinang na tungkod sa kanilang pagitan at narinig nila ang boses ng matandang lalaking nagsasabing, “Tigilan ninyo ang pag- aaway. Kayo ay magkapamilya.” Inagaw ni Nga Datu si Salo Minum dahil hindi pa siya makalakad, mahina pa ang kaniyang tuhod, kailangan pa niyang sumuso sa kaniyang ina.

Biglang lumuha si Samgulang dahil ang narinig niya ay boses ng kanyang lolo. Tumayo siya at binuhat si Nga Datu paakyat sa bahay. Umupo sila sa tabi ni Salo Minum. Nagyakapan ang tatlong magkapamilya.

Sanggunian: Digu, Maricel S. Kuwentong Bayan: Si Samgulang at si Nga Datu To Sabeng. Flalok Project, Conrado & Ladislawa Alcantara Foundation, Inc. & Blaan Indigenous Cultural Communities

Mahalagang Mensahe sa Akda
  • Masasalamin sa akda ang pagtutulungan ng isang pamilya lalo na ang mga magkakapatid.
  • Ang nakatatanda ay kailangang igalang at pahalagahan ang kanilang mga payo.
  • Mahalagang salik ng lipunan ang pamilya kaya naman kinakailangang ito ay buo at masaya.
  • Sa isang pamilya hindi maiiwasan ang hindi pagkakaunawaan ngunit sa kabila nito kailangang solusyunan ang mga alitan.
  • Ang ama o ina ng tahanan ay handang ipagtanggol ang kanilang mga supling sa ano mang uri ng kapahamakan.