Pabalik na sa bayan si Basilio nang marinig niya ang lagitik ng mga sanga’t kaluskos ng mga dahon sa gubat. Palakas nang palakas ang mga yabag na papalapit sa kanyang kinaroroonan. Kumabog ang kanyang dibdib nang magunita ang matandang alamat tungkol sa lugar na iyon, pinatindi pa iyon ng oras at dilim, ng sipol ng hangin, at ng ilang kwentong katatakutan na narinig niya noong kanyang kabataan.
Huminto ang mga yabag sa kabilang balete at sa siwang ng dalawang ugat na naging puno na rin, nakita niya ang isang lalaki, naglabas ng isang ilawang may malakas na lente at nang ilapag iyon sa lupa, natambad ang suot na mga botang pangabayo. May dinukot ito sa bulsa, ikinama sa dulo ng isang mahabang tungkod-talim ng isang asarol. Naghukay ito.
Namukhaan niya ang lalaki nang maliwanagan ng ilawan ang mukha nito. Nangatal si Basilio. Ito ang lalaking naghukay ng libingan ng kanyang ina. Nag-alis na ito ng salaming asul.
Tumanda na, pumuti ang buhok, at nagkaroon na ng bigote at balbas. Matipuno pa rin ang katawan na may pagkatuyo ngayon, kunot-noo pa rin ito na tanda ng mapait na karanasan. Naisip niya ang alaherong si Simoun na kilalang Indio-Ingles, Portugues, Amerikano, mulato, Itim na Kardinal, at tinatawag na “masamang espiritu” ng Kapitan Heneral. Ito pala ang mahiwagang lalaki na ang paglitaw at pagkawala ay kasabay ng pagkamatay ng tagapagmana ng lupaing kinaroroonan niya ngayon. Ngunit sa dalawang lalaking dumating sa libingan, sino si Ibarra?
Napansin ni Basilio na humihingal na ang lalaki sa paghuhukay. Sandali itong nagpahinga. Nakaupo sa pangungubli si Basilio, kaya tumindig siya at nagwika, “May maitutulong ba ako sa inyo, Senyor?”
Napatuwid at napalundag ang nagulat na lalaki, kumapa sa bulsa ng amerikana at malungkot na tumingin kay Basilio.
“Ginawan ninyo ako ng malaking tulong noon nang ilibing natin ang aking ina at ngayon, ibig kong makapaglingkod sa inyo.”
Inilabas ng lalaki ang rebolber sa bulsa, ikinasa na hindi inaalis ang tingin sa binata. “Sino ba ako sa tingin ninyo?”
Naisip niyang dumating na ang kanyang huling oras, ngunit madamdamin pa ring sumagot si Basilio, “Isang tao na para sa aki’ y banal, isang taong inakala ng lahat na patay na at ipinagdadalamhati ko.”
Pagkaraan ng ilang sandali, hinawakan sa balikat si Basilio ng lalaki.
“Basilio, nalaman ninyo ang isang sikreto na magpapahamak sa akin at makasisira sa aking mga plano. Dapat ay tuluyan ko nang takpan ang inyong bibig dahil ano ba sa akin ang halaga ng buhay ng isang tao kung ikukumpara sa mga hangarin ko? Maganda ang pagkakataon upang gawin ko iyan: walang nakaaalam na naparito ako, may rebolber ako samantalang wala kayo ni anumang sandata, at maaaring sa mga tulisan ibintang ang pagkamatay ninyo. Pero hahayaan kong mabuhay kayo at tiwala akong hindi ko pagsisisihan ang aking pasya. Nagsumikap kayo, nakipaglaban . .. at tulad ko, may sisingilin kayo sa lipunang ito-ang pagkamatay ng inyong kapatid, ang pagkabaliw ng inyong ina, at ang hindi nila pag-usig sa mga kriminal ni sa mga berdugo. Kapwa tayo uhaw sa katarungan, magtulungan tayo….”
Isinalaysay ni Simoun ang paglalagalag nito sa buong mundo, ang pagtatrabaho nang gabi t araw para magkamal ng kayamanan at ngayong nakabalik na, sumumpa ito na mamadaliin ang pagwasak sa sistemang bumiktima rito kahit pa dumanak ng dugo at luha. Nakasisindak ang taginting ng mga salita nito, may tindi ng kalungkutang nagpakatal ng laman ni Basilio.
“Nagbalatkayo akong mangangalakal, naglibot sa mga bayan-bayan, at ginamit ang aking yaman upang mapasok ang mga lugar ng kasumpa-sumpang anyo ng kasakiman na kung minsan ay nakabalatkayo o kaya y lantad na lantad o ganid sa pagpapasasa sa nabubulon ito Katawan ng sambayanan. Hindi ko man mabigyan ng lakas ang bayan para makipaglaban ito sa mga nagpapahirap sa kanya, magagawa ko namang sang-ayunan ang kasakiman ng mga makapangyarihan, patindihin ang kawalang-katarungan, at sulsulan ang ligalig at pamamaslang.
Hinahadlangan ko ang malayang pangangalakal para wala nang katakutan ang bayan sakaling ito’y maghirap at lalong maging kahabag-habag. Mabilis ko na sanang mapabubulok pa ang. sistema para mag-alsa na ang bayan, pero dumating kayong nagsipag-aral, sumisigaw ng papuri sa Hispanismo, umaawit ng tiwala sa pamahalaan, iniaalay ang sariling init at buhay, dalisay na kabataan, mayabong na sikdo ng dugo at ng kasiglahang tulad sa isang sariwang pagkain.
“A, kayong kabataang mapangarapin at kulang sa karanasan,” madamdaming patuloy ni
Simoun, “nagsama-sama kayo sa Europa para maging bahagi ng Espanya ang inyong bayan, pero sa halip na makagawa kayo ng kwintas na rosas, ang pinapanday ninyo y kadenang matigas pa sa brilyante! Humihingi kayo ng pantay na mga karapatan, ng pagsasa-Espanyol ng inyong mga kaugalian, pero hindi ninyo nakita na binubura niny ang inyong pagkakakilanlan at ang pagkakaroon ng kabansaan. Nagbibigay-katwiran pa kayo sa mga pagsasamantala sa ating mga kabuhayan. Ano kayo sa kinabukasan? sang bayang walang pagkatao, isang bansang walang kalayaan at hiram ang lahat ng mga katangian, pati na ang kapintasan.”
Inilarawan ni Simoun ang maaaring maging kapalaran ng kapuluan: bayan ng batas militar, ng digmaang sibil, ng mga magnanakaw at matulad sa ilang walang-kasiyahang republika sa timog ng Amerika.
Tinuligsa ni Simoun ang kahilingan ng kabataang maturuan ng Espanyol, na mabilis namang ipinagtanggol ni Basilio. “Kung napagkaisa ng Espanyol ang ating pamahalaan, mapagkakaisa nito ang ating mga pulo!”
“Hindi kailanman magiging wikang panlahat ng bayan ang Espanyol,” giit ni Simoun.
“Walang mga salita ang wikang iyan na maitutumbas sa mga katawagan ng ating pag-iisip at damdamin. May kanya-kanyang sarili ang bawat bayan, tulad ng paraan nito ng pagpapahayag ng damdamin. Ano ang makukuha ninyo sa wikang Espanyol? Patayin ang inyong kakayahan, ipailalim ang sariling kaisipan sa isip ng iba para sa halip na maging malaya, kayo y maging tunay na alipin? Magsalita kayo ng wikang iyan at mapapabayaan ninyo ang inyong wika; ni hindi ninyo maisusulat o maiintindihan ito at marami ang magkukunwari lamang na alam ang mga salitang ito. Malaya ang isang bayan habang may sarili itong wika, gaya rin ng tao na taglay ang sariling opinyon habang nagsasarili. Ang wika ang pag-iisip ng bayan!”
Napayuko si Basilio sa tindi ng pangangatwiran ni Simoun. “Nakita ko ang simula ng kilusang ito, pero ilang gabing naghirap ang kalooban ko. Nag-aalala ako dahil kasama rito ang ilang kabataang nagsasakripisyong kanilang pambihirang talino at katapatan sa inaakala nilang magandang layunin, pero sa totoo’y nakasasama pa yon sa bayan. Makailang tinangka ko na lumapit sa inyo; naisip ko lamang na baka hindi nino maintindihan ang payo ko at maging laban pa sa inisip ko. Makailang tinangka ko na lumapit sa inyong Macaraig, sa inyong Isagani …naisip ko rin na sila’ y patayin, lipulin!”
Nakikinig si Basilio sa sinasabi ni Simoun: nafiba taw siya kaysa karamihan dahil batid niya ang mga kaapihang dinanas ng mag-aalahas at hindi niya ito tinitingnan bilang isang manlolokong ginagamit ang mga maykapangyarihan para bilhan ng alahas ang mga naaapi; bagkus, ito raw ang hukom na magpaparusa sa mga namamahala na ang sandata ay sariling kasamaan ng mga taong iyon.
Humingi ng tulong si Simoun kay Basilio: mang-akit ng kabataang kokontra sa mga may gusto ng Hispanisasyon, asimilasyon, at pantay na mga kaparatan na ang ibubunga lamang ay pagiging mga pekeng Espanyol na may mababang pagkatao! Aasa lamang daw sa wala ang mga tao at tuturuan pang lalong paapi sa mga mapagsamantala.
“Ayaw nila kayong maging Espanyol! Mabuti’t makakikilos kayo nang lalong litaw ang inyong mga katangian! Ilatag ninyo ang pundasyon ng pagkakaroon ng isang bansa. Dahil walang maaasahan sa kanila, ang asahan ninyo’y ang inyong sarili. Magkaroon man kayo ng representasyon sa cortes ng Espanya, malulunod lamang kayo roon sa boses ng maraming Espanyol at mapapabilang pa sa pagpapatibay ng mga batas na lalong magpapatindi sa pang-aapi at pagsasamantala nila sa ating kapuluan!
“Hayaang mabuhay nang halos walang karapatan ang mga Indio,” sabi pa ni Simoun,” para mabilis na alisin nito sa leeg ang pakaw ng pagkaalipin at gantihan ng kasamaan ang kasamaan ng mga Espanyol.”
“Kung ayaw kayong turuan ng Espanyol, ang wika ninyo ang inyong paunlarin at palaganapin para makapag-isip kayo sa sarili. Kahit sa karapatan, kaugalian, at wika, hindi panginoon o bahagi ng kapuluang ito ang mga dayuhang iyan. Hindi magtatagal, magiging malaya’t makapagsasarili na kayo!”
Gumaan ang kalooban ni Basilio pagkasabi ni Simoun ng mga dahilan kung bakit hahayaan na nitong mabhay ang binata. Itinugon niyang hindi naman siya pulitiko at pumirma lamang siya sa petisyon ng kabataan na ipaturo ang Espanyol sa lahat dahil ipinalagay niyang makabubuti
¡yon para sa edukasyon ng mga Pilipino. “Iba ang hangarin ko: ang lunasan ang mga sakit ng mga kababayan ko!”
Sinagot agad ito ni Simoun: “Ano na ang mga sakit ng katawan kung ikukumpara sa mga sakit ng kalooban? Ano na ang kamatayan ng isang tao kung ikukumpara sa kamatayan ng isang lipunan? Hindi ba’t ang mahalaga ay mabigyang-buhay ang anemikong bayang ito? Ano na ang ginawa ninyo sa bayang ito na nagbigay sa inyong karunungan at pagkatao? Ang buhay na hindi inuukol sa isang dakilang layunin ay walang halaga, isang pakalat-kalat na bato sa daan na walang kabuluhan kung hindi magging bahagi ng isang gusali.”
“Hindi po, Senyor!” tutol ni Basilio. “Nangangarap din po kami ng isang sambayanang nagkakaisa. Kaya lamang po, sa harap ng ganitong napakalaking gawaing panlipunan, dapat po’y paghati-hatiin ang mga dapat gawin at napili ko ang gawaing ukol sa siyensya.”
Nagpalitan ng katwiran sina Simoun at Basilio. Iginiit ng alahero na hindi siyensya ang huling layon ng tao. Sinabi ni Basilio na ang tinutungo ng higit na mauunlad na mga bansa ay syensya dahil ito’y panghabambuhay, pandaigdigan, at higit na makatao.
Nagpaliwanag si Basilio: “Sa ilang dantaon pa, kapag natuto na’t natubos ang sangkatauhan, kapag wala na ang mga lahi at mamamayan na ng mundo ang lahat ng tao, kapag malaya na ang lahat ng lupain at wala na ang mga alipin at nang-aalipin, kapag naghahari na ang katarungan; tanging ang pagpapasulong ng siyensya ang matitirang gawain at ang patriotismo y magiging lipunan.” panatisismo na lamang-sila’ y ituturing na may malubhang sakit at banta sa kaayusan ng lipunan.”
Malungkot na napailing si Simoun. “Tama ka, pero upang marating ang kalagayang ganap nang malaya ang lahat ng bayan, makapupunta kahit saan ang tao, at nirerespeto ang mga karapatang pantao ng bawat isa; kailangan ang pagdanak ng dugo, ang mga paglalaban.
Magagapi lamang ang matandang paniniwalang gumagapos sa budhi ng tao kapag marami ang mamamatay sa apoy para pagkatapos manghilakbot, ipahahayag ng lipunang bago, na malaya na ang budhi ng bawat isa. Ang patriotismo y mananatiling mabuting katangian ng isang aping sambayanan dahil sa lahat ng panahon, ang kahulugan nito y pag-ibig sa katarungan, kalayaan at dangal sa sarili.”
Ngunit napatigil si Simoun nang mapansing wari’y di-napukaw na kalooban ni Basilio, saka nanumbat ang alahero. “Para sa yumao ninyong ina at kapatid, sapat na ba ang ginagawa ninyong pagparito taun-taon upang manangis na parang babae sa ibabaw ng isang puntod?”
Galit na sumagot ang binata, “Ano ang gusto ninyong gawin ko? Akong walang kakayahan, akong balewala sa sosyedad na ito, paano ko magagawang parusahan ang mga berdugo ng aking ina? ng aking kapatid?”
“Kung tutulungan ko kayo?”
Umiling si Basilio. “Hindi na mabubuhay uli kahit isang buhok ng aking ina, kahit isang ngiti ng aking kapatid ng anumang paghingi ng katarungan at paghihiganti sa ganitong kahuli nang panahon. Ano ba ang pakinabang ko kung ako y maghihiganti?”
“Maiiwasan ng iba ang inyong mga tiniis,” mabilis na sagot ng alahero. “Hindi laging mabuting katangian ang pagpapaubaya kundi isa pa nga itong krimen: pinatitindi nito ang paniniil! Sabi nga, ‘walang nang-aapi sa bayang walang alipin. At isa pa, binabantayan nila kayo sa araw at gabi, pinagsususpetsahan ang inyong pag-aaral at pagmamahal sa karunungan, pati ang inyong pananahimik ay itinuturing nilang nakakubling matinding hangad na makapaghiganti. Dati y tulad ninyo akong palaisip at alam na ninyo ang sinapit ko. Gayundin ang gagawin nila sa inyo; hindi nila kayo papayagang mapalago ang inyong sarili dahil natatakot at napopoot sila sa inyo.”
Nagtaka si Basilio. Siya pang biktima ng kasamaan ang kinapopootan?
“Natural sa tao ang mapoot sa mga inapi nito,” ani Simoun na napahalakhak. “Gusto ninyong sukatin ang kasamaan o kabutihang ginawa ng isang bayan sa ibang bayan? Tingnan na lamang kung minamahal o kinapopootan ang bayang ginawan ng kabutihan o kasamaan. Ganyan ang kaso ng ating bayan na nililibak at inaalipusta ng matataas na opisyal na dito y nagpayaman sa tungkulin nang magsibalik sa Pensinsula!”
Nangatwiran si Basilio, “Kung maluwang ang mundo, kung hahayaan silang tamasahin ang kapangyarihan, kung hangad ko lamang ang makapagtrabaho at bayaan akong mabuhay,” ngunit hinadlangan agad siya ni Simoun.
“At magpalaki ng mga anak na aalipinin din, na mabubuhay lamang sa kahihiyan at pahirap. Ganyan bang kinabukasan ang inihahanda ninyo para sa kanila? Hangad ninyo ang isang munting tahanang may kaunting ginhawa, isang asawa at isang dakot na bigas-itanghal ang isang ulirang tao sa Pilipinas. Mapalad kayo kapag ipinagkaloob ito sa inyo.”
Sanay si Basilio sa pagsunod at pagtitiis sa mga kapritso’t temperamentong ito ni Kapitan Tiago. Gapi na siya ng katwiran ni Simoun kaya nagpaliwanag na wala siyang kakayahan at hilig sa pulitika, walang opinyon sa mga sinasabi ng alahero bunga ng di-pag-aaral ng mga iyon.
Gayunman, para sa kaliwanagan ng bayan, nakahanda siyang maglingkod sa oras na kailanganin iyon.
“Binata, hindi ko hinihinging itago ninyo ang sikreto ko dahil alam ko namang maingat kayo, pero kahit na gustuhin ninyong ipahamak ako, alalahanin ninyong kaibigan ako ng maykapangyarihan at ng Simbahan na lagi nang paniniwalaan kaysa estudyanteng si Basilio na pinagsususpetsahang filibustero. Pero kahit na iba ang inyong palagay sa mga sinabi ko, sa araw na magbagong-isip kayo, puntahan ninyo ako sa bahay ko sa Escolta.”
Nagtatanong si Simoun sa sarili nang makaalis na si Basilio. Baka may balak na maghiganti ang binata ngunit pinakalilihim lamang kahit na sa kanya? O, tuluyan nang napawing mga taon ang lahat ng damdaming makatao sa estudyante at naging parang hayop na ito na ang hangad na lamang ay mabuhay at magkaanak? Sa kawalang-pag-asa y nasabi nitong muli sa sarili na kailangan na nga ng patayan at pabayaan na lamang masawi ang mahihina’t mabuhay ang higit na malalakas!
Alam Mo ba?
- Gumamit muli ang may-akda ng terminong Espanyol, at ito ay ang Cortes. Sa wikang Espanyol, ang terminong ito ay tumutukoy sa senado at kongreso ng bansang Espanya. Hinango rin sa terminong ito ang ating salitang korte, halimbawa, Korte Suprema.
- Maaaring naobserbahan mo na ang nobelang ating tinatalakay ay pagpapatuloy ng Noli Me Tangere. Ang ganitong pagbuo ng mga akda na nauugnay sa isa’t isa ay matutukoy rin sa Rosales Saga ni F. Sionil Jose. Kung nabasa mo na ang akdang ito, maaalaala mo na ito ay binubuo ng limang nobela, ang: Po-on, Tree, My Brother, My Executioner, The Pretenders, at Mass. Ang limang nobelang ito ay nakatuon sa mga naganap sa pamilya ni Eustaquio Salvador, na nagsimula sa panahon ng pananakop ng mga Espanyol at natapos sa ikalawang bahaging siglo 20. Sa pang-apat na nobela, ang pangunahing tauhan ay si Tony Samson, isa sa mga apo ni Istak (Eustaquio), samantalang sa pinakahuli, ang pangunahing tauhan ay si Pepe, anak ni Tony Samson, at kung gayon, apo sa tuhod ni Istak.
- Maaaring isipin ng sinumang hindi pa nakababasa ng mga binanggit na akda na magkaiba ang apelyido nina Istak at mga apo nito. Ito ay dahil sa ginawang pagpapalit ni Istak ng kanyang apelyido nang tumakas siya sa kanilang bayan, kasama ang kanyang mga magulang, kapatid, at mga kamag-anak nang palayasin sila roon ng kura-paroko na si Padre Zarraga.
- Inisip ni Istak na sa pagpapalit ng kanilang apelyido, maaaring hindi na sila matunton ng mga gwardya sibil. At dahil Salvador ang kanyang apelyido, inisip niyang palitan ito ng isang apelyidong nagsisimula rin sa titik S.
- Samantala, hindi na ilalahad sa seksyong ito ang buod ng bawat isa sa limang nobela ni F. Sionil Jose. Bagkus, isa lamang pantakaw ng interes ng mambabasa ang inilahad dito, para basahin nila ang buong Rosales Saga ng nabanggit na manunulat.
Pinaghanguan: El Filibusterismo Efren R. Abueg at Magdalena C. Sayas