El Filibusterismo Kabanata 39: Wakas


Mga Pangunahing Tauhan

Padre Florentino – Ang mabuting kura at tiyuhin ni Isagani na nagpatuloy kay Simoun sa kaniyang tahanan; siya ang nakipag-usap, nangaral, at nakinig sa huling pagtatapat ng mag-aalahas bago ito pumanaw.

Simoun / Crisostomo Ibarra – Ang mayamang mag-aalahas na nagtago sa tahanan ni Padre Florentino; uminom siya ng lason upang hindi mahuling buhay ng mga gwardya sibil at ipinagtapat ang kaniyang tunay na pagkatao at mga nagawang kasalanan.

Don Tiburcio de Espadaña – Ang kaibigan ni Padre Florentino na nagtatago sa kaniyang bahay; nagmamadali siyang umalis at nagpalikwad-likwad patungong kagubatan dahil sa maling akalang siya ang tinutukoy sa telegrama na hinahanap ng kaniyang asawang si Donya Victorina.

Donya Victorina – Ang asawa ni Don Tiburcio na patuloy na naghahanap sa kaniyang asawa; ang pagbanggit sa kaniya ang naging dahilan ng pagtakas ni Don Tiburcio mula sa bahay ng kura.

Buod ng Kabanata

Habang tumutugtog ng organo si Padre Florentino, nababagabag siya sa pag-alis ng kaibigang si Don Tiburcio de Espadaña. Umalis si Don Tiburcio dahil sa takot sa natanggap na telegrama mula sa isang nagmamalasakit na tinukoy bilang “Español escondido” (isang Kastilang nagtatago). Akala ni Don Tiburcio ay siya ang hinahanap ng kaniyang asawang si Donya Victorina, ngunit ang totoong tinutukoy sa telegrama na nagtatago ay si Senyor Simoun.

Dumating si Simoun sa tahanan ni Padre Florentino na sugatan at may dalang malaking sisidlan ng kayamanan. Bukas-palad siyang tinanggap ng kura at ipinagamit ang pinakamagandang silid. Sa kabila ng mga nararanasang sugat at lagnat, tumanggi si Simoun na magpagamot sa doktor o gumamit ng anumang gamot.

Nalaman ni Padre Florentino na uminom pala si Simoun ng lason mula sa isang botelya upang hindi siya mahuli nang buhay ng mga gwardya sibil na darating bago mag-alas-ocho.

Habang nag-aagaw-buhay, ipinagtapat ni Simoun ang kaniyang tunay na pagkatao—na siya si Crisostomo Ibarra. Isinalaysay niya kung paano siya nag-aral sa Europa, ang kaniyang pangarap na pakasalan ang kaniyang minamahal, at kung paano siya idinawit sa pag-aalsa 13 taon na ang nakararaan. Sinabi rin niya kung paano siya nagpayaman sa tulong ng kapangyarihan at kung paano niya ginamit ang kaniyang impluwensya at salapi upang hikayatin ang katiwalian at itulak ang bayan sa pagrerebelde.

Ipinaliwanag ni Padre Florentino kay Simoun na hindi itinutulot ng Diyos ang kaniyang mga plano dahil mali ang pamamaraang kaniyang pinili. Binigyang-diin ng kura na ang isang kamalian o krimen ay hindi maitatama ng isa pang krimen, at ang tunay na kalayaan ay nakakamtan sa pamamagitan ng pag-ibig, katarungan, kabutihan, at sakripisyo—hindi sa paghahasik ng galit, paghihiganti, at karahasan.

Pagkatapos ng mahabang pag-uusap at pangaral, pumanaw si Simoun. Sa huli, nanalangin at nag-iwan ng hamon si Padre Florentino sa kabataang Pilipino na ihandog ang kanilang lakas, panahon, at buhay para sa ikabubuti at ikalalaya ng inang bayan.

Mga Mahahalagang Aral

Hindi Maitatama ng Mali ang Isa Pang Mali – Ipinaalala ni Padre Florentino kay Simoun na ang karahasan, paghihiganti, at paghahasik ng poot ay hindi kailanman magdudulot ng tunay na katarungan. Ang maling sistema o krimen ay hindi maitatama sa pamamagitan ng panibagong krimen o masamang pamamaraan.

Ang Tunay na Kalayaan ay Nakakamtan sa Busilak Pamamaraan – Ipinagkaloob man ang kalayaan, ito ay dapat na pinaghihirapan at ipinaglalaban sa pamamagitan ng pag-ibig, sakripisyo, katarungan, at kabutihan. Ang kalayang nakuha sa pamamagitan ng masamang paraan ay walang ibubungang maganda sa lipunan.

Ang Panawagan at Tungkulin ng Kabataan para sa Bayan – Sa huling bahagi ng kabanata, binigyang-diin ang napakalaking papel ng kabataan bilang pag-asa ng bayan. Hinihimok sila na ilaan ang kanilang lakas, karunungan, at malinis na hangarin para sa ikabubuti at ikalalaya ng inang bayan.