Kinabukasan, ipinagtaka ng buong baryo ang paghing ni Simoun ng permiso upang makituloy sa bahay ni Kabesang Tales. Kasama nito ang dalawang utusang may dala ng ilang maletang nababalutan ng lona. Nais nitong paraanin ang buong maghapon sa bahay ng kabesa na nasa pagitan ng San Diego at Tiani sa pag-asang manggagaling doon ang maraming mamimili. Nag-alala ang kabesa na wala man lamang gaanong maidudulot siya sa panauhin.
Nag-usisa si Simoun tungkol sa kalagayan ng mga daan at tinanong si Kabesang Tales kung sapat nang pananggalang ang kanyang rebolber laban sa mga tulisan. Nang mabatid na ang mga tulisan ay may mga baril na malayo ang abot, pinaputukan ng baon nitong rebolber ang mga bungang-kahoy sa mga punong may dalawandaang hakbang ang layo.
Nagdatingan naman ang mga pamilyang naakit sa napabalitang mga alahas ni Simoun. Bibili lamang ang mga ito ng mumurahing alahas; gayunman, ang tunay nilang pakay ay makipagmabutihan sa dayuhan dahil kaibigan ito ng Kapitan Heneral. Kabilang dito sina Kapitan Basilio, kasama ang asawa at si Sinang, na handang gumastos ng tatlong libong piso. Si Hermana Penchang naman ay bibili ng isang singsing na naipangako para sa Birhen ng Antipolo. Iniwan nito si Juli na pinagsasaulo ng libreto ng dasal, na umano’y makalimampung ulit nang binasa ng dalaga, ngunit walang natandaan.
Pagkatapos maisaayos sa mesa ang dalawang maleta ng mga alahas at abubot mula sa Europa, hinarap ng alahero ang anak ni Kapitan Basilio. “Hindi mumurahing alahas o huwad na mga hiyas ang kailangan ninyo, Senora, kundi mga brilyante …”
Natutuwang sumagot si Sinang, “Siya nga po, Senyor, mga brilyante, mga antigong brilyante. Magbabayad po ang Papa basta’t mga bagay na antigo!”
Inalis ni Simoun sa isang kahang bakal ang balot na lona. “May kwintas ako ni Cleopatra, galing sa piramide; singsing ng mga Romanong senador at kabalyero na nahukay sa guho ng Cartago.”
Sumabad naman ang maraming nabasang libro na si Kapitan Basilio, ”yon marahil ang ipinadala ni Hanibal pagkatapos ng digmaan sa Cannes!”
Ngunit dahil walang museo sa Pilipinas, hindi nakakikita ng ano mang antigong bagay ang kapitan. Lalo namang pinili ni Simoun na ipakita ang mga hikaw ng mga senyorang Romano na nahukay sa Pompey. Binuksan pa nito ang isang kaban at natambad sa mga mamimili ang kamangha-manghang mga hiyas na isa-isang kinuha sa tatlong kumpartamento. Hinalu-halo pa ng mga hugis-kandilang daliring alahero ang yamang bumighani sa napakaraming paningin Pumikit si Kabesang Tales pagkaraang makitingin-tingin at iglap na lumayo na parang itinataboy ang masamang naiisip. Dinudusta wari ng napakalaking kayamanan ang kanyang kasawian, ang kawalan ng salapi at padrino na ang kahulugan ay iwan na niya ang bahay na itinayo ng kanyang mga kamay. Iginawi niya ang paningin sa dako ng bukirin at naisip na sa isang brilyanteng pinakamaliit doon ay mananatiling kanya ang bahay at malilinang na niya ang kanyang bukirin.
Nahulaan wari ni Simoun ang iniisip ng kabesa at nagparangya pa ito ng maririkit na alahas sa mga naroon. “Tingnan ninyo, sa isa lamang sa mga batong asul na ito, dalisay na tulad ng mga talsik ng liwanag mula sa langit, panregalo sa panahong ito, maipatatapon ng isang tao ang kanyang kaaway-isang ama ng tahanan na binansagang nanggugulo sa bayan-at sa isa pang batong ito, mapulang tulad ng dugong nagmula sa pusong nag-aapoy sa paghihiganti at sinlinaw ng luha ng isang ulila, mabibigyan ng kalayaan ang taong ito, makababalik sa kanyang tahanan, asawa’t mga anak; at siguro’ y maililigtas ng buong pamilya sa isang dayukdok na hinaharap.”
At hindi pa nagkasya sa mga sinabi, idinagdag nito sa mataas na boses, “Mayroon ako rito na tulad ng estutse ng isang doktor, buhay at kamatayan, lason at gamot, at sa isang dakot ng mga alahas na ito, maaari kong lunurin sa luha ang lahat ng tao sa kapuluang ito!”
Sindak na napatingin kay Simoun ang mga naroon. Batid ng mga ito na tama ang alahero. Kakaiba ang tono ng boses, nakatatakot din ang talsik ng liwanag na parang naglalagos sa asul na salamin nito. Gayunman, waring pinalis agad nito ang sindak ng lahat. Umanyo itong maglalabas pa ng pinakamahal na mga alahas at inaasahan ng lahat na malalantad ang mga karbungko-mga batong hiyas na nagtitilamsik ng apoy at nagniningning sa karimlan. Wari’y nasa bungad ng kawalang-hanggan si Kapitan Basilio: makikita nito ang totoo, ang tunay, ang anyong kapanga-pangarap.
Pagkaraang mailabas na lahat ni Simoun ang ipinagbibiling mga alahas, nagpilian na ang mga naroon. Namalit din ito ng mga lumang alahas na hindi na ginagamit ng mga matipid na ina. Bumaling ito kay Kabesang Tales, ” At kayo, wala ba kayong ipagbibili?
Sinabi ni Kabesang Tales na naipagbili nang lahat ni Juli ang lahat ng mga alahas nito at wala nang gaanong halaga ang natitira. Si Sinang ang bumanggit ng agnos na may brilyante at esmeralda.
“Siya nga!” bulalas ni Simoun na nagniningning ang mga mata.
Kumilos si Kabesang Tales: binuksan ang mga kahon ng anak at sa isa sa mga ito’y natagpuan ang agnos. Nakilala ito ni Simoun: ang agnos na suot ni Maria Clara na sa bugso ng awa’ y ipinagkaloob ito sa isang ketongin.
Samantala, nangatal naman ang mga kamay ni Kabesang Tales. Maililigtas sila ng agnos na iyon. Maganda ring pagkakataong iyon. Hihingi siya ng mataas na halaga.
“Kung papayag kayo, sasangguniin ko muna ang aking anak,” sabi ni Kabesang Tales na dali-daling nanaog.
Sa labas ng nayon, natanaw niya sa daang patungo sa gubat ang prayle at isa pang lalaki na namukhaan niyang siyang kumuha ng kanyang lupain. Pakiwari niya’y nagtatawa ang dalawa, parang kinukutya ang kanyang kahinaan. Naisip niya ang kanyang pasumpang sinabi: ibibigay lamang niya ang kanyang lupain sa isang magdidilig ng dugo roon at maglilibing sa asawa’t anak nito!
Umugong ang tainga ni Kabesang Tales. Parang nilatigo siya sa sentido. Sa paglitaw ng pulang ulap sa kanyang paningin, nakita na naman niya ang bangkay ng kanyang asawa’t anak, katabi ang nagtatawang lalaki at ang prayle. Tinalunton niya ang landas na dinaanan ng mga iyon, patungo iyon sa kanyang lupain.
Naghintay si Simoun nang gabing iyon. Hindi dumating si Kabesang Tales.
Kinaumagahan, napansin nitong wala ang rebolber na ipinakita sa Kabesa; sa katad na suksukan ng baril, isang sulat ang nakasilid:
“Ipaspatawad ninyo, Senyor, napagnakawan ko kayo ng isang bagay sa aking tahanan pa naman. Pero pinilit ako ng pagkakataon na kunin ang inyong rebolber at iwan sa inyo ang agnos na pinakamimithi ninyo. Kailangan ko ng sandata dahil sasama ako sa mga tulisan.
Ipinapayo ko sa inyo na huwag na kayong manatili rito. Hindi ko na kayo panauhin at kung mahulog kayo sa aming mga kamay, hihingi kami sa inyo ng malaking pantubos.” Telesforo San Juan
“Natagpuan ko na ang taong aking hinahanap!” pabuntung-hiningang nawika ni Simoun.
Lalong nasiyahan ang alahero nang dumating ang apat na gwardya sibil upang dakpin si Kabesang Tales, ngunit ang dinala’y si Tandang Selo. Pagkaraang iutos sa mga utusan na dalhin ang malaking maleta, saka ito nagtungo sa Los Baños.
Tatlo ang napatay nang gabing iyon: ang prayle at ang bagong kasamá sa lupain ni Kabesang Tales; basag ang bungo at may pasak na lupa sa bibig; gayundin ang asawa ng kasama, puno rin ng lupa sa bibig at putol ang leeg. Sa tabi nito, may isang papel na sinulatan ng daliring isinawsaw sa dugo: Tales.
Alam mo ba?
Mapapansin na ilang beses na inulit ang salitang antigo sa pagbebenta ni Simoun ng mga alahas. At batid natin na ito ay tumutukoy sa isang bagay na may matagal nang taon ang eksistensya. Isang halimbawa nito ay ang mga kasangkapang minana pa ng ating mga ninuno sa kanilang mga magulang. Ang mga ganitong uri ng kasangkapan ay karaniwang makikita sa mga museo. At mayroon din namang mga pilantropo na nagbibigay ng kanilang mga antigong kasangkapan sa mga museo.
Sa kabilang dako, ang antigo ay hango sa salitang Espanyol na antiguo o antigua. Ang nauuna ay binibigkas nang/antigo/samantalang ang bigkas ng pangalawa ay:/antigwa/.
Kabilang pa rin sa mga terminong hango sa wikang Espanyol na ginamit sa kabanata ay ang mga salitang alahas at karbungko. Ang nauuna ay hango sa alhajas, ang maramihang anyo ng alhaja. Ang isang piraso ng alahas ay tinatawag na alhaja, at kung marami ang mga ito, ang anyo nito ay nagging alhajas. Kaya lang, ang inangkin ng wikang Tagalog at Filipino ay ang maramihang anyo ng salita, at naging alahas, isa man o marami. At kung maaalaala ang isang nakaraang leksyon sa asignaturang Filipino sa ikalawang taon, sa Florante at Laura, may mga salitang kahalintulad ng alahas, na ang ginamit sa ating wika ay ang maramihang anyo, gaya ng beses (veces), boses (voces), tsinelas (chinelas), at sapatos (zapatos). Ang isahang anyo ng mga binanggit na halimbawa ay: voz, vez, chinela, at zapato.
Samantala, ang karbungko ay isang uri ng alahas na may matingkad na pulang kulay. Hango ang terminong ito sa salitang carbunco mula sa wikang Espanyol.
Pinaghanguan: El Filibusterismo Efren R. Abueg at Magdalena C. Sayas