Kahulugan ng Panitikan
Ang panitikan ay kalipunan ng mga sulatin at mga akdang maituturing ding mga likhang sining. Ito ay nagpapahayag ng mga diwa, karanasan, kaisipan, damdamin at karanasang ng mga tao o manunulat. Ang salitang panitikan ay mula sa salitang “titik” kung saan dinagdagan lamang ng unlaping pang- at hulaping -an na naging pangtitikan at ‘di kalaunan ay naging panitikan. Sa Ingles ito ay literature mula sa salitang Latin na littera na ang ibigsabihin ay letters o letra. Ang bawat literatura o panitikan ay sumasalamin sa panahon at kultura kung kailan ito naisulat. Nasasalaysay din dito ang lipunan, pamumuhay, pananampalataya at maging ang mga emosyon ng mga tao tulad ng pag-ibig, kaligayahan, kalungkutan, pag-asa, pagkapoot, paghihiganti, pagkasuklam, sindak, pangamba at iba pa.
Uri ng Panitikan ayon sa Nilalaman
Piksyon
- Ito ay mga akdang mula sa masining at malikhaing pag-iisip ng manunulat. Karamihan sa mga pangyayari sa akdang ito ay hango si hindi makatotohanang pangyayari.
- Halimbawa: alamat, pabula, mitolohiya
Di-Piksyon
- Ito ay mga akdang batay lamang sa mga makatotohanang impormasyon o pangyayari.
- Halimbawa: kasaysayan, pananaliksik, talambuhay
Uri ng Panitikan ayon sa Anyo
Patula
- Mga akdang nasa anyong tula may tugma at nakasulat ng pasaknong.
- Halimbawa: awit, korido, epiko, soneto, elehiya, awiting bayan, dalit, pastoral, oda, senakulo, moro-moro, sarswela, tibag, panuluyan, salubong, karagatan, duplo, balagtasan.
Tuluyan o Prosa
- Mga akdang nasa anyong patalata na binubuo ng mga pangungusap na nagpapahayag.
- Halimbawa: alamat, anekdota, maikling kwento, sanaysay,
Paraan ng Paglaganap
- Pasalingdila
Ito ay mga panitikang lumaganap sa pamamagitang ng oral tradition o pasalingdila na paraan ng pagkukwento. Ipinamana ng ating mga ninuno patungo sa susunod na henerasyon.
- Pasulat
Nang matuto na ang mga tao na sumulat naitala na nang mga manunulat ang kanilang mga akdang pampanitikan na kalaunan ay nailimbag sa mga publikasyon. Hanggang sa kasalukuyan ay patuloy pa rin itong lumalaganap.
- Pasalintroniko
Dahil ang panahon ay umuunlad ganoon din ang panitikan. Ito ay umaayon sa mga pagbabagong nagaganap sa lipunan kaya naman sa kasalukuyan marami ng mga artikulo o mga akdang nakalimbag sa mga website at iba pang mga social media platforms.