Ang Reynang Matapat (Maikling Kwento mula sa Cotabato)

Talasalitaan:

  • Mangangalakal – Táong namumuhunan ng salapi sa pag-angkat at pagpapaangkat ng mga bagay-bagay na ukol sa kabuhayan at sa pamumuhay; negosyante o komersiyante.
  • Sagana – Maraming-marami, labis-labis.
  • Patakaran – Mga tuntúning sinusunod sa pagsasagawa ng anuman; alituntunin.
  • Súpot – Sisidlang yarì sa papel o plastik na ginagámit o pinaglalagyan ng mga pinamili at mga bagay-bagay.
  • Datnan – Abutan sa pagdating; sapitin ng anuman o sinuman.

Mga Pangunahing Tauhan

  • Reyna Sima – mabuti at matapat na pinuno ng Kutang-bato

Sipi ng Akda

Bago pa man dumating ang mga Espanyol sa ating kapuluan ay dinarayo na ng mga mangangalakal na Arabe, Tsino at Hindu ang kaharian ng Kutang-bato na pinamumunuan ni Reyna Sima. Si Reyna Sima ay isa sa mga reynang namuno ng isang kaharian sa kapuluan ng Mindanao. Nakilala siya dahil sa kaniyang katalinuhan, katapatan at sa mahigpit at maayos na pamamalakad sa panunungkulan. Ang Kutang-bato ang Cotabato ngayon na isa sa pinakamalaking lalawigan sa Mindanao.

Sa pamumuno ni Reyna Sima, umunlad at namuhay nang tahimik at sagana ang mga taga Kutang-bato. Mahigpit niyang ipinasunod ang mga batas, at ang sinumang lumabag sa ipinag-uutos niya ay pinarurusahan. Kabilang sa patakaran na mahigpit na ipinatutupad ng reyna ay ang paggalang, paggawa at katapatan ng kaniyang mga tauhan.

Patuloy na dumarating at umaalis ang mga negosyanteng Tsino sa Kaharian ng Kutang-bato. Napabalita ito dahil sa maunlad na kalakalan sa kaharian ni Reyna Sima, at sa katapatan ng kaniyang mga tauhan. Walang kaguluhan at walang nawawalang bagay sa sinumang mangangalakal habang sila ay nasa kaharian ng Kutang-bato.

Minsan, isang negosyanteng Tsinong nakipagkalakalan sa kaharian ni Reyna Sima ang nakaiwan ng supot ng ginto sa isang mesa sa palasyo. Hindi ipinagalaw ni Reyna Sima ang supot ng ginto sa mesa. Ipinagbiling mahigpit ni Reyna Sima sa kaniyang nasasakupan na walang gagalaw ng nasabing supot ng ginto. Ganito kahigpit ang utos ni Reyna Sima sa kaniyang nasasakupan nang sa gayon ay muling datnan ng may-ari sa lugar na kaniyang pinag-iwanan ang supot ng ginto.

Mula noon, lalong nakilala ang kaharian ni Reyna Sima dahil sa kahigpitan nito sa pagpapatupad ng kautusan tungkol sa katapatan.

Pinaghanguan: Rubin, Ligaya T. et.al. Panitikan ng Pilipinas. 1985. Rex Book Store, Claro M. Recto, Manila

Karagdagang Kaalaman:

  • Ang Cotabato ay isang lalawigan sa Pilipinas na matatagpuan sa rehiyon ng SOCCSKSARGEN (Rehiyon 12) na sumasakop sa timog-gitnang bahagi ng Mindanao.
  • Ang kabisera nito ay ang Lungsod ng Kidapawan.
  • Ang lalawigan ay may sukat na 9,317.30 kilometro kuwadrado o 3,597.43 milya kuwadrado. Ang populasyon nito ayon sa 2020 Census ay 1,490,618.
  • Ito ay kumakatawan sa 30.41% ng kabuuang populasyon ng rehiyon ng SOCCSKSARGEN, 5.68% ng kabuuang populasyon ng pangkat ng isla ng Mindanao, o 1.37% ng buong populasyon ng Pilipinas.
  • Batay sa mga figure na ito, ang densidad ng populasyon ay kinukuwenta sa 160 na naninirahan kada kilometro kuwadrado o 414 na naninirahan kada kilometro kuwadrado.
  • Ang bayan ng Cotabato ay nagmula sa Maguindanao na salitang “Kuta Wato” na ang  kuta na gawa sa bato.
  • Ang kasalukuyang Mayor (2023) ng Cotabato ay si Mohammad Ali Matabalao.