Ano ang Maikling Kuwento at Elemento nito?


Kahulugan ng Maikling Kuwento

Isang masining na anyo ng panitikan na naglalaman ng ng isang maiksing salaysay tungkol sa isang mahalagang pangyayari na kinabibilangan ng isa o ilang tauhan. Nag-iiwan ito ng isang kakintalan sa isip ng mga mambabasa.

Ayon kay Edgar Allan Poe na Ama ng Maikling Kuwento sa Ingles, ang maikling kwento ay isang akdang pampanitikang likha ng guniguni at bungang-isip na hango sa isang tunay na pangyayari sa buhay. Ito ay nababasa sa isang upuan lamang, nakapupukaw ng damdamin, at mabisang nakapagkikintal ng diwa o damdaming may kaisahan.

Tinatalakay ang natatangi at mahahalagang pangyayari sa buhay ng pangunahing tauhan. May kapayakan at kakauntian ng mga tauhan. Nagpapakita ng isang makabuluhang bahagi ng buhay ng tao.

Mga Elemento ng Maikling Kuwento

Simula

Sa bahaging ito ng akda nakapaloob ang mga sumusunod na elemento ng maikling kwento.

Tauhan: Naglalaman kung sinu-sino ang magsisiganap sa kuwento at kung ano ang papel na gaganapan ng bawat isa. Maaaring bida, kontrabida o suportang tauhan.

Tagpuan: Lugar o pook kung saan naganap ang mga pangyayari o insidente ng sa isang akda. Kasama rin dito ang panahon at oras kung kailan naganap ang kilos.

Suliranin: Narito ang problemang kahaharapin ng pangunahing tauhan.

Gitna

Nakapaloob sa gitna ang saglit na kasiglahan, tunggalian, at kasukdulan.

Ang saglit na kasiglahan ang naglalahad ng panandaliang pagtatagpo ng mga tauhang masasangkot sa suliranin.

Ang tunggalian naman ang bahaging kababasahan ng pakikitunggali o pakikipagsapalaran ng pangunahing tauhan laban sa mga suliraning kakaharapin, na minsan ay sa sarili, sa kapwa, o sa kalikasan.

Ang kasukdulan ang pinakamadulang bahagi kung saan makakamtan ng pangunahing tauhan ang katuparan o kasawian ng kanyang ipinaglalaban.

Wakas

Binubuo ang wakas ng kakalasan at katapusan.

Ang kakalasan ang bahaging nagpapakita ng unti-unting pagbaba ng takbo ng kuwento mula sa maigting na pangyayari sa kasukdulan.

Ang katapusan ang bahaging kababasahan ng magiging resolusyon ng kuwento. Maaring masaya o malungkot, pagkatalo o pagkapanalo.