Talasalitaan
- Guryon – malakíng saranggola na may sumba
- Patpat – maliit na tilad ng kawayan
- Solo’t paulo – bahagi ng isang saranggola o guryon
- Mag-ikit – pag-í·kit pagkilos pabilog at papalapit túngo sa sentro, paikot-ikot
- Sumimoy – hindi kalakasang ihip ng hangin
- Pisi – isang manipis na panali
- Dagitin – bigla at mabilis na pagtangay mula sa itaas o hábang lumilipad
- Pusong marangal – pusong mabuti at kagalang-galang
- Mapatid – mapigtas
- Sumubsob – marahas na pagtama ng mukha sa sahig o sa anumang mababàng rabaw
Sipi ng Akda: Ang Guryon
Tanggapin mo, anak, itong munting guryon
na yari sa patpat at papel de Hapon;
magandang laruang pula, puti, asul,
na may pangalan mong sa gitna naroon.
Ang hiling ko lamang, bago paliparin
ang guryon mong ito ay pakatimbangin;
ang solo’t paulo’y sukating magaling
nang hindi mag-ikit o kaya’y magkiling.
Saka pag sumimoy ang hangin, ilabas
at sa papawiri’y bayaang lumipad;
datapwa’t ang pisi’y tibayan mo, anak,
at baka lagutin ng hanging malakas.
Ibigin mo’t hindi, balang araw ikaw
ay mapapabuyong makipagdagitan;
makipaglaban ka, subali’t tandaan
na ang nagwawagi’y ang pusong marangal.
At kung ang guryon mo’y sakaling madaig,
matangay ng iba o kaya’y mapatid;
kung saka-sakaling di na mapabalik,
maawaing kamay nawa ang magkamit!
Ang buhay ay guryon: marupok, malikot,
dagiti’t dumagit, saanman sumuot…
O, paliparin mo’t ihalik sa Diyos,
bago pa tuluyang sa lupa’y sumubsob!
Panunuri:
- Ito ay isang uri ng tulang tradisyunal sapagkat ito ay may magkakatulad na sukat sa bawat taludturan at mayroong tugmaan.
- Ang sukat nito ay lalabindalawahin sapagkat mayroong labing dalawang pantig sa bawat taludtod.
- Simple man ang mga salitang ginamit, ito ay kakikitaan pa rin ng maraming simbolismo.
- Ito ay maaaring magpakahulugan rin sa isang amang nagbigay buhay sa kanyang anak.
- Ang buhay ay inahalintulad sa isang guryon at pagpapalipad ng isang guryon. May mga panahon na mahihirapan ka, mabibigo, ‘di makalilipad ng mataas. Ngunit may mga panahon naman sa ating buhay na tayo ay nasa itaas at matayog ang lipad, titingalain at hahangaan. Ang mahalaga ay kailangan mong maging matatag at matibay. Magtiwala sa sariling kakayahan na balang araw ang iyong mga pangarap ay maaaring maisakatuparan. At ang pinakamahalaga sa lahat upang magtagumpay ay kailangang manalig at manampalatay sa Panginoon.
- Ang pagpapalipad ng guryon ay tulad din ng pagbalanse sa ating buhay. Sa ating buhay ay maraming pakikipagsapalaran simula nang tayo ay isilang. At sa bawat pakikipagsapalarang ito kailangang lagi tayong nakahanda sa daluyong ng malakas na hangin.