Ang SANAYSAY ayon kay Alejandro G. Abadilla, ay ang “nakasulat na karanasan ng isang sanay sa pagsasalaysay. Ang sanaysay ay nagmula sa dalawang salita, ang sanay at pagsasalaysay. Ito ay panitikang tuluyan na naglalahad ng kuru-kuro, damdamin, kaisipan, saloobin, reaksyon at iba pa ng manunulat hinggil sa isang makabuluhan, mahalaga at napapanahong paksa o isyu.
Ang sanaysay ay isang uri ng panitikang maibibilang ang mga sulating pampahayagan gaya ng artikulo, natatanging pitak o lathalain, at tudling; ang mga akdang pang dalub-aral gaya ng tesis, disertasyon, at diskurso; gayun din ang mga panunuring pampanitikan at mga akdang pampananaliksik.
Mahalaga ang pagsusulat at pagbabasa ng sanaysay sapagkat natututo ang mambabasa mula sa inilalahad na kaalaman at kaisipang taglay ng isang manunulat. nakikilala rin ng mga mambabasa ang manunulat dahil sa paraan ng pagkasulat nito, sa paggamit ng salita at sa lawak ng kaalaman sa paksa.
12 Tiyak na Uri ng Sanaysay
1. Pasalaysay
Ang sanaysay na ito ay katulad din ng pormal na sanaysay dahil ito ay gumagamit ng mga salitang pormal. Ang pasalaysay ay ang uri ng paglalahad na may pagkakasunod sunod ng pangyayari. Maaring ito’y base sa totoong pangyayari o gawa-gawa lamang.
2. Naglalarawan
Ito ay nagpapahayag ng mga pangyayari sa buhay, inilalarawan dito ang lahat ng detalye. May paraan ng paglalahad ng kilos, pisikal na katangian ng isang bagay, tao o pangalan.
3. Mapang-isip o Mapagdili-dili
Ito’y naghahayag ng mga salita na nagbibigay sa mga mambabasa na mapag-isipan ang kanilang binabasang sanaysay. Ito ay ang pag-iisip sa mga bagay-bagay bago gumawa ng isang desisyon.
4. Kritikal o Mapanuri
Ito’y nangangailangan ng malalim na pag-aaral sa paksa at inilalantad nito ang malakas at mahina tampok. Iyon ay kung bakit ang may-akda ay hindi kinakailangang pumuna. Ang kanyang gawain ay ang suriin ang paksa ng pag-aaral at magpasya kung pumupuna ito o sinusuporta. Ito ay ang paraan ng pag-susuri o paglalahad sa isang bagay at binabase sa mga bagay o pangyayari na may batayan.
5. Didaktiko o Nangangaral
Ito ay nagpapahayag ng kanyang sariling karanasan na nagbibigay pangaral o inspirasyon sa mga mambabasa. Nagmula ang salitang didactism sa Griyegong salitang didaktikos na ang ibig sabihin ay “may kinalaman sa edukasyon at pagtuturo”.
6. Nagpapaalala
Ang sanaysay na ito ay nagpapahayag ng kanyang sariling opinyon upang makapagpaalala sa mga mambabasa ng kanyang mga naiisip. Naglalaman ng mga impormasyong mahalaga sa bumabasa. Kalimitan ay ganitong uri ang gamit ng sangay ng gobyerno upang maghatid ng impormasyong may kinalaman sa kalusugan, krimen at kalamidad na maaring dumating.
7. Editoryal
Ang sanaysay na ito ay ginagamit sa mga balita at may mga paksa tungkol sa mga nangyayari na trahedya sa kapaigiran. Ito ay sanaysay na kalimitan ay makikita sa mga pahayagan o newspaper. Ito ay naglalaman ng kuro-kuro sa kasalukuyang pamahalaan o nangangasiwa ng isang organisasyon.
8. Maka-siyentipiko o maka-agham
Naglalaman ng mga maka-agham na mga pangyayari o naglalahad ng tungkol sa kalusugan. Naglalaman rin ng mga kaisipang hango sa siyensya. Ang mga salitang madalas gamitin dito ay teknikal.
9. Sosyo-politikal o sosyo-historikal
Nagpapatungkol sa mga politika na gawain tulad ng paksa sa mga tauhan ng gobyerno o kaya naman ay naglalahad ng mga pangyayari sa loob ng politika. May pinaghalong bahagi ng dalawang bahagi ng lipunan. Ito ay ang politikal at ang sosyal na kalimitan ay tumatalakay sa buhay ng pamayanan.
10. Sanaysay na pangkalikasan
Ang sanaysay na ito ay tungkol sa mga kalikasan, pumapaksa sa kapaligiran tulad ng paksa patungkol sa kagubatan. Tumutukoy sa isyung pang kapaligiran tulad ng kalamidad at iba pa.
11. Sanaysay na bumabalangkas sa isang tauhan
Sanaysay na nakapokus lamang sa isang tauhan, inilalahad nito ang paksa tungkol sa tauhang ito. Naglalaman ng pinakamahahalagang kaisipan lamang na ayon sa paksa, tao, o bagay na tinatalakay.
12. Mapangdilidili o replektibo
Isang masining na pagsulat na may kauganayan sa pansariling pananaw at damdamin sa isang partikular na pangyayari.