(Ikatlong salaysay ng Darangan, Isang Epiko)
Mga Talasalitaan:
- Hinahangaan – Damdámin ng kasiyahan at pagtataka sa nakikitang kagandahan o anumang katangian.
- Sumuway – Pagtutol sa ipinagagawa o iniuutos; hindi pagsunod sa isang nakatataas.
- Sumangguni – Paglapit, pagdulog, o paghingi ng payo sa isang ipinalalagay na marunong.
- Konseho – lupong tagapangasiwa ng negosyo o tagapamahala ng isang gawain
- Magiting – Matapang; may lakás-ng-loob sa pakikipaglaban.
- Nilusob – Pagsalakay; paglaban sa katunggali.
- Iginapos – Pagkakatali ng kamay, paa, o katawan sa pamamagitan ng anumang nakapalupot dito.
Mga Pangunahing Tauhan:
- Bantugan – Kapatid ni Haring Madali
- Haring Madali – Kapatid ni Bantugan na may inggit sa kanya
- Prinsesa Datimbang – Nakakita sa katawan ni Bantugan
- Loro – Tagapagbalita sa kaharian
- Haring Miskoyaw – Kalaban ng Kaharian ng Bumbaran
Sipi ng Akda:
Magkapatid sina Bantugan at Haring Madali ng kaharian ng Bumbaran. Labis ang inggit ni Haring Madali sa kapatid sapagkat hindi lamang ang kakaibang katapangan ang totoong hinahangaan sa kaniya, kundi maging ang paghanga at pagkakagusto ng maraming dalaga dito. Kaya, bilang hari, ipinag-utos niya na walang makikipag-usap kay Prinsipe Bantugan, at sinuman ang sumuway ay parurusahan niya ng kamatayan.
Naging dahilan ito ng pangingibang-bayan ni Prinsipe Bantugan. Nang nilisan niya ang Bumbaran ay kung saan-saan siya nakarating. Isang araw, dahil sa matinding pagod, nagkasakit at namatay siya sa lupaing nasa pagitan ng dalawang dagat.
Natagpuan si Prinsipe Bantugan ni Prinsesa Datimbang at ng kapatid nitong hari. Hindi nila nakilala si Prinsipe Bantugan kaya sumangguni sila sa konseho kung ano ang dapat nilang gawin. Habang nagpupulong, isang loro ang dumating at sinabing ang bangkay ay ang magiting na Prinsipe Bantugan ng kahariang Bumbaran.
Samantala, bumalik ang loro sa Bumbaran upang ibalita kay Haring Madali ang nangyari sa kaniyang kapatid. Kaagad lumipad sa langit ang hari upang bawiin ang kaluluwa ni Prinsipe Bantugan. Nang mga oras na iyon ay papunta rin sina Prinsipe Datimbang sa Bumbaran upang dalhin ang bangkay ni Prinsipe Bantugan kaya hindi na ito inabutan ni Haring Madali. Bumalik ang hari sa Bumbaran at pilit niyang ibinalik ang kaluluwa ng kapatid. Muling nabuhay ang prinsipe at nagsaya ang lahat. Nagbago na rin si Haring Madali.
Nabalitaan ni Haring Miskoyaw na kaaway ni Haring Madali ang pagkamatay ni Prinsipe Bantugan. Kasama ang maraming kawal, nilusob nila ang kaharian ng Bumbaran.
Sa pagdating ng pangkat ni Haring Miskoyaw sa Bumbaran, hindi niya alam na muling nabuhay si Prinsipe Bantugan. Dahil kabubuhay pa lamang at napakarami ng kalaban, madaling nanghina ang prinsipe. Nabihag siya at iginapos, muling lumakas at nakawala siya sa pagkakagapos. Sa laki ng galit sa mga kalaban, lalo siyang lumakas at nagawa niyang mapuksa ang mga ito.
Nang matapos ang labanan, pinasyalan ni Prinsipe Bantugan ang buong Bumbaran. Lahat ng kaniyang kasintahan ay pinakasalan niya at sila ay dinala niya sa kanilang kaharian.
Pagdating sa kaharian, masaya silang sinalubong ni Haring Madali. Masaya nang namuhay si Prinsipe Bantugan sa piling ng pinakasalang mga babae.
Dagdag Kaalaman
Ang Darangan ng mga Muslim ay tulang pasalaysay tungkol sa kabayanihan ng mga taga-Maguindanao, mga gawaing kahanga-hanga at di sukat mapaniwalaang kabayanihan at kagitingan ng mga mandirigmang Muslim? Maituturing itong pinakamahabang epiko sa Pilipinas. Binubuo ito ng apat na bolyum na naglalaman ng labintatlong awit o epiko na kapupulutan ng katutubong pananaw ng mga Muslim. Kabilang na rito ang Prinsipe Bantugan.
Aral sa Akda
Walang magandang maidudulot sa isang relasyon ang pagkakaroon ng inggit. Ito ay maaari lamang makasira ng samahan.