mula sa Antolohiya ng mga Mito sa Pilipinas ni Damiana L. Eugenio
Ayon sa kwentong bayan ng Maranao, ang mundo ay nilikha ng isang dakilang Nilalang. Gayunpaman, hindi alam kung sino talaga ang dakilang Nilalang na ito. O ilang araw ang inabot niya para likhain ang mundong.
Ang mundong ito ay nahahati sa pito. Ang lupa ay mayroon ding pitong pagkakahati-hati. Ang bawat hati ay pinaninirahan ng iba’t ibang uri ng nilalang. Ang pinakaitaas na bahagi, halimbawa, ay ang lugar na ating tinitirhan. Ang pangalawang hati ay pinaninirahan ng mga duwende. Ang mga duwendeng ito ay maikli, mataba at mahaba ang buhok at kilala sa Maranao na Karibanga. Ang Karibanga ay sinasabing nagtataglay ng mahiwagang kapangyarihan. Karaniwan silang hindi nakikita ng mga tao. Ang ikatlong hati ng lupa na matatagpuan sa ilalim ng dagat o lawa ay pinaninirahan ng mga nymph. Ang mga nymph na ito ay nagtataglay din ng mahiwagang kapangyarihan. Ayon sa kwento ni Rajah Indarapatra nakilala niya ang prinsesa ng mga nymph at nahulog ang kanyang loob dito at ‘di kalaunan sila’y biniyayaan ng supling.
Ang langit ay nahahati rin sa pito. Ang bawat hati ay binabantayan araw at gabi ng malalaking mahiwagang ibon na tinatawag na garoda. Ang upuan ng langit ang ikapitong hati. Ang bawat hati sa langit ay pinamamahayan ng mga anghel. Naniniwala ang mga Maranao na hindi kailangan ng mga anghel ng pagkain. Lahat sila ay may mga pakpak at kakayahang makalipad.
Sa ikapitong bahagi ng langit napupunta ang kaluluwa ng mga mabubuting tao matapos pumanaw. Mayroong mga Santong nakatalaga sa bawat taong naririto. Ang kaluluwang hindi nakarating sa ikapitong bahagi ng langit ay nakakulong sa pinakamamabang bahagi ng kalangitan.
Sa kalangitan matatagpuan ang puno ng buhay. Sa bawat dahon nito nakasulat ang pangalan ng mga taong namumuhay sa mundo. Kapag ang dahon ay nalanta o natuyot na, ang pangalan ng taong may taglay nito ay mamatay o papanaw na rin.
Ang kaluluwa ng bawat tao sa kalangitan ay nakalagay sa isang garapong may takip. Ang bahaging ito ng kalangitan ay mahigpit na binabantayan ng mga guwardyang tila halimaw na mayroong libo-libong mga mata, ito’y nagngangalang Walo. Ito ay mayroon ding walang ulo. Ang epiko ng Darangan ay tungkol kay Madale, kapatid ni Bantugan at Mabaning asawa ni Lawanen. Nagtungo sila sa bahagi ng langit kung saan kukunin nila ang kaluluwa ni Bantugan.