MGA TALASALITAAN
- Katipunero: Miyembro ng lihim na samaháng rebolusyonaryo na tinawag na Katipunan noong panahon ng Español sa Pilipinas.
- pitugo: Punongkahoy na walang sangang katulad ng palma, nagsisiksikan ang dahong hugis-karit sa dulo ng katawan, hugis-itlog na tulis sa magkabiláng dulo ang bungang makinis, karaniwang inaalagaan bílang palamuti, ginagamit ang dahon sa mga seremonyang panrelihiyon. Ang hinog na butó ay nakakain, iniihaw, pinupulbos, inihahalo sa langis ng niyog, at inilalagay sa sugat, bukol, katí, at iba pang sakít sa balát.
- beranda: Bahagi ng bahay pagkaakyat ng hagdan at karaniwang walang tabing sa paligid; balkon.
- nagsusulsi: Pagtahi ng sirà sa damit; pagtutos sa pamamagitan ng kamay sa sirà ng damit.
- muwebles: Kasangkapang pantahanan (gaya ng silya, káma, aparador, atbp.).
- nakakadangal: Karangalan; tagumpay, kapurihan.
- haka: Palagay o kurò-kurò; paghihinala; ang iniisip at ipinalalagay na maaaring mangyari.
- pagkatimawa: SOSYOLOHIYA Tao na nahango mulâ sa pagkaalipin; sinumang dumaranas ng karalitaan o kahirapan.
- Kahahantungan: Sadlakan, himpílan, hanggahan, libingan.
- daratal: Hininihintay o inaasahang tao, panahon, o katulad. Magaganap, mangyayari.
- Kapighatian: Matinding lungkot; dalamhati.
- ipinagkait: Maipagdamot, maitanggi.
- punyal: Patalim na matulis at may talim ang magkabiláng gilid.
- sibat: Sandatang mahabà at may tulis sa dulo na ginagámit ng mga táong-gúbat.
- gulok: Kasangkapang nása isang gilid lámang ang talim at ginagamit na panadtad, panaga, o pamutol; itak; tabák.
- panglaw: Damdamin ng isang nangungulila.
- nagpapakahapis: Damdáming dinaranas ng isang nalulungkot, karaniwang umiiyak, nanlalalim ang mga mata at nag-aanyong humpak ang mga pisngi; pag-iyak ng isang nagdadalamhati.
- hirang: Tawag sa isang kasintahan.
- mawiwindang: Malaking sirà ng káyo o ibá pang kauri nitó.
- tinubuang lupa: Lugar kung saan ipinanganak o kinalakihan.
- magkanlong: Tagóng lugar na masisilungan upang makaiwas at makaligtas sa init o pagkabása, pagkakita ng sinuman, o pagkapinsala.
- Poblasyon: kabayanan
- galugarin: Masusing paghahanap o pananaliksik sa lahat ng dako.
- isuplong: Paghaharap ng sakdal o sumbong.
- Naliligalig: Balisa o pagkabalisa; bagabag o pagkabagabag.
- Susulingan: Paglilibót nang walang tiyak na patutunguhan; paggagalâ.
- magbubulay-bulay: Gunita, isipan ng isang tao; pagdidili-dili, pagmumuni-muni, pagninilay-nilay.
- Pata: Nanlalambot ang katawan dahil sa págod
- Bathin: Pagtanggap ng hirap na maluwag sa kalooban, sinasadya man o hindi; pagtitiis; pagpapaumanhin.
- Paniniil: Panggigipit sa kapuwa. Marahas na pamimilit
- picadors o sacadores: tawag sa mga sundalong Espanyol
mGA PANGUNAHING TAUHAN
- Patria o Pat: Isang binibini at kasintahan ni Felipe
- Felipe o Fel: Isang makabayang binatang piniling mamundok upang ipaglaban ang kalayaan ng Pilipinas. Kasintahan ni Patria
- Damon o Dam: Isa sa mga katipunerong maghihimagsik
- Heneral: Pinakapinunong namamahala sa mga sundalong maghihimagsik
Buod ng Sarsuwela:
Ito ay naganap noong pnahon ng pananakop ng mga Kastila sa Pilipinas. Kung saan ang mga Pilipino ay nagkaisa na upang lumaban sa makapangyarihang sundalong Kastila. Si Patria ay isang binibining may kasintahan at ito ay si Felipe. Hinihikayat niyang huwag na lamang mamundok ang kanyang kasintahan at umanib sa mga katipunero. Ngunit dahil sa maalab ang pagmamahal ni Felipe sa kanyang bayang tinubuan ay hindi siya sumang-ayon sa kanyang kasintahan. Namundok pa rin siya at doon nya nakilala si Damon at ang Heneral ng mga Pilipinong sundalo.
Dahil sa madalas na paglusob at pagnanakaw sa kabayanan napilitang umanib rin si Patria sa mga katipunero. Buo ang kanyang loob na siya rin ay sasabak sa digmaan. Isang masamang balita ang nakarating kay Felipe mula kay Damon na si Patria ay namatay sa bakbakan. Ito ang naging dahilan upang siya ay mawalan ng malay. Habang walang malay ay siya namang pagdating ni Patria at nagmadali niyang tinungo ang hinimatay niyang kasintahan. ‘Di nagtagal ay nahimasmasan ito ay nasilayang muli ang magandang mukha ng kanyang kasintahan.
Basahin ang Buong Sarsuwela
Karagdagang Kaalaman:
- Ang Cebu ay isa lamang sa bumubuo sa Rehiyon VII ng Gitnang Visayas. Maburol at bulubundukin ang Gitnang Visayas. Matatagpuan din sa Gitnang Visayas ang Bundok Kanlaon at Bundok Mandalagan. Bago dumating ang mga Espanyol, tinatawag na Sugbo ang Cebu. Ito ay pinamunuan noon ni Raha Humabon. Dito unang lumunsad at nanirahan ang mga Espanyol nang sila ay dumating sa Pilipinas noong 1521.
- Iba’t ibang uri ng panitikang tuluyan ang namayani sa Visayas noong panahon ng mga Espanyol. Isa sa pinakalaganap ang dula.
- Ang salitang dula ay nagmula sa salitang Cebuano na ang kahulugan ay libangan na katumbas naman sa Tagalog ay dula rin. (Hinango sa Lorenzo, C.S. -et.al Literatura ng Iba’t Ibang Rehiyon ng Pilipinas.2001.Grandwater Publications and Research Corporation, Makati City.)
- Dahil sa kakulangan ng teatrong pagtatanghalan ng mga dula noon, ito ay karaniwang itinatanghal sa mga plasa, sabungan, imbakan at maluluwang na mga bakuran.
- Ang sumulat ng dulang “Patria Amanda.” ay si Amando Osorio na mula sa katutubong bayan ng Dumaguete City.
- Ipinanganak noong ika-6 Pebrero, 1890 at anak nina Ricardo Osorio at Filomena Navarrete.
- Nag-aral siya sa Cebu High School at sa School of Arts and Trades kung saan nakuha niya ang sertipiko ng kasanayan kaugnay ng pag-aaral.
- Nagpatuloy siya sa kaniyang pag-aaral sa San Carlos College, Liceo de Manila, at sa Colegia Mercantil kung saan niya tinapos ang kursong A.B. Ang dulang “Patria Amanda” ay inialay ng may akda sa kaniyang magulang.
- Itinanghal ito noong ika-9 ng Pebrero, 1916 sa unang Carnival Fair sa Dumaguete na idinirehe mismo ni G. Osorio. Ito ay lubos na pinanabikan ng mga manonood kaya muling itinanghal nang sumunod na taon nang magdiwang ng pista ang nasabing bayan.
- Ang dulang ito ay itinanghal din sa panulukang Escolta at kalye Sandalo, Maynila noong Setyembre 19, 1921 nang ipagbunyi ang pista ng Birhen ng Consolacion, ang pangalawang patron ng bayan ng may akda.
(Hinango sa: www. cebuano studies center.com.ph 7-14-2015)