Opinyon, Katotohanan at Pahiwatig


Paraan ng pagbibigay ng sariling pananaw ng isang tao o pangkat na maaaring totoo ngunit maaari rin namang pasubalian ng iba.

Ang mga ganitong pahayag ay hindi suportado ng mga datos o siyentipikong basehan. Ito ay batay lamang sa mga kuro-kuro o palagay ng tao, pamahiin, opinion page sa pahayagan, at iba pa.

MGA KATAGANG GINAGAMIT SA PAGBIBIGAY NG OPINYON

  • Naniniwala ako…
  • Sa aking palagay…
  • Palagay ko…
  • Ang opinyon ko sa bagay na ito…
  • Baka ang mga pangyayaring…
  • Marahil ang bagay na ito ay…
  • Puwedeng ang mga pangyayari…
  • Sa ganang sarili… sa tingin ko…

Positibong Opinyon – totoo, ganoon nga, talaga, mangyari pa, sadya

Negatibong Opinyon – ngunit, subalit, samantala, habang

MGA HALIMBAWA:

  • Sa palagay ko taon-taon maraming Pilipino ang nais mangibang bansa.
  • Tingin ko hindi ganoon kahusay ang mga OFW na propesyunal sa ibang bansa kaya maliit lamang ang bahagdan para sa trabaho o larangang ito.

KATOTOHANAN

Ito ay mga impormasyon, datos, ideya at pangyayari na napatunayan at tinatanggap ng nakararami. May suportadong datos, pag-aaral,pananaliksik na napatunayang tama at mabisa para sa lahat. Ang ganitong pahayag ay karaniwang may siyentipikong basehan gaya ng agham at siyensya.

MGA KATAGANG GINAGAMIT SA PAGBIBIGAY NG KATOTOHANAN

  • Batay sa pag-aaral totoong…
  • Batay sa datos na aking nakalap, totoong…
  • Ang mga patunay na aking nakalap, tunay na…
  • Ayon sa mga dalubhasa, napatunayan na…
  • Isang mabisang pag-aaral at pagsusuri ang ginawa kaya napatunayang…
  • Napatunayang mabisa ang…
  • Mula sa pagbeberipika ng mga datos at impormasyon, napatunayan ang…
  • pinatunayan ni …
  • tinutukoy sa/ ni/ ng…
  • mula kay…
  • mababasa sa…

MGA HALIMBAWA:

  • Batay sa aking nakalap na impormasyon mula sa datos ng NSO hinggil sa Survey on Overseas Filipinos, totoong nasa higit 30 bahagdan ang mga OFW na nagtatrabaho bilang unskilled workers.
  • Ayon sa datos na inilabas ng DOH, patuloy ang pagtaas ng bilang ng mga Pilipinong nagkakaroon ng sakit na Covid-19.

PAHIWATIG

Ang pahiwatig ay ang pagbibigay sa isa o grupo ng mga salita ng ibang kahulugan, sa halip na totoong kahulugan. Tinatawag din itong alusyon. Ayon kay Maggay (2002), ang pahiwatig ay isang katutubong pamamaraan ng pagpapahayag ng di-tuwirang ipinapaabot ngunit nababatid at nahihiwatigan sa pamamagitan ng matalas na pakiramdam at matunog na pagbasa ng himaton o impormasyon; o ng mga palatandaang kaakibat nito.

PARAAN NG PAGBIBIGAY NG PAHIWATIG

  • Pagkuha ng pangunahing ideya
  • Paghihinuha
  • Pagbibigay ng konklusyon
  • Pagbibigay ng paglalahat
  • Pagkilala sa sanhi at bunga
  • Pagkilala ng pagkakatulad at pagkakaiba