TALASALITAAN:
- Lagusan – pinagdaraanan sa pagpások o paglabas sa isang pook; daánan.
- Ruweda – pook kung saan nagaganap ang sabong
- Bulik – may batik-batik na puti’t itim sa pakpak ng manok.
- Pusta – pagtayâ sa anumang uri ng sugal.
- Dehado – pagkadaig; pagkaagrabiyado.
MGA PANGUNAHING TAUHAN SA KABANATA:
- Lucas
- Tarsilio
- Bruno
- Kapitan Tiyago
- Kapitan Basilio
BUOD NG KABANATA 46: Ang Sabungan
Sa anumang bayan na pinamamahalaan ng Espanyol ay hindi mawawala ang sabong. Di nakalagpas dito ang bayan ng San Diego.
Ang sabungan ay nahahati sa tatlong bahagi. Una ay ang papasok na pintuan kung saan nakatayo ang taga-singil sa bawat isang pumapasok sa sabungan.
Ang ikalawang bahagi naman ay ang lagusan kung saan naroon ang daanan ng mga tao at dito rin nakahanay ang mga nagtitinda ng iba’t ibang paninda.
Ang ikatlong bahagi naman ay ang ruweda na siyang pinaggaganapan ng mga sultada. Dito makikita ang mga may matataas na katungkulan at iba pang tinitingala sa lipunan. Ilan lamang sina Kapitan Tiyago at Kapitan Basilio naroon din si Lucas. Nagdala si Kapitan Tiyago ng manok samantalang si Kapitan Basilio naman at isang bulik na manok.
Ang dalawa ay nagkamustahan muna bago magsimula. Nagkasundo sila sa tatlong daang pisong taya habang ang iba rin ay nakisama na sa pusta.
Lumalabas na dehado pula at lamang naman ang puti. Naiinggit ang magkapatid na Tarsilo at Bruno sapagkat wala silang salapi upang makipusta.
Sa kagustuhang makapusta ay lumapit ito kay Lucas. Papahiramin ni lamang ni Lucas ng salapi ang dalawa sa kundisyong sasama sila sa paglusob sa kwartel at kung sila ay makapag-aakay pa ng iba ay mas malaki ang kwartang kanilang makukuha.
Sinabi ni Lucas na hindi maapektuhan ang pera na binigay ni Ibarra sapagkat ito ay utang lamang at babalik naman kung papayag ang dalawa.
Noong una ay hindi pumayag ang magkapatid dahil kilala nila si Ibarra at kadikit nito ang Kapitan Heneral. Ngunit nang makita nila ang pag abot ni Lucas ng pera kay Pablo ay labis itong nasayangan.
Dahil sa tawag ng sugal ay di na nakatiis ang magkapatid lalo pa’t umiinit na ang labanan ng mga oras na iyon.
Pumayag na ang magkapatid. Sinabihan sila ni Lucas na maghanda na at paparating na rin ang mga armas na gagamitin ng mga ito.
ALAM MO BA?
- Si Rizal bilang mangangatha (fictionist) ay sunod sa tradisyon ng Realismo, isang kalakarang pampanitikan noong ika-19 na siglo. (May maliit na titik r ang realismo na hinggil sa teorya o pilosopiya.)
- Inspirado ang pagkasulat ng Noli Me Tangere at El Filibusterismo ng dalawang dakilang manunulat na Pranses at kilalang haligi ng Realismo sa Europa-sina Emil Zola at Victor Hugo (binasa rin niya si Charles Dickens ng Estados Unidos).
- Matagal na panahong tumigil sa Pransya, “naging lohikal para kay Rizal na humango ng mga leksyon sa bayan at paglalarawan ng mga suliraning sosyal at pulitikal sa makabago’t progresibong mga manunulat na nag-aadhika ng demokrasya at higit na kalayaan para sa sangkatauhan” (Aklat ng mga Teoryang Pampanitikan: Tradisyunal at Makabago, 1989). Lumilitaw na napasimulan ni Rizal sa dalawang nobela niya (at ng Ninay ni Pedro Paterno) ang tradisyon ng Realismo sa panitikan ng Pilipinas.
- Pansining si Rizal ay nasa lugar (on site) sa Europa pagkaraang naging malaganap ang (1) bisa sa sangkatauhan ng Rebolusyong Industriyal, (2) ragasa sa mundo ang Liberalismo, (3) pagbilis ng mga pagkatuklas sa larangan ng mga agham, at (4) pag-unlad ng sining at pilosopiya, lampas sa imahinasyon ng tao. Basahin si Rizal sa panahong nasa Europa siya at masusukat kung paano niya inilarawan, inilahad, at isinalaysay ang kalagayan sa Pilipinas sa pamamagitan ng “pagsalamin” sa mga kalagayan at pagbabago sa mga bansang tinigilan niya roon.
MENSAHE AT IMPLIKASYON NG KABANATA 46:
- Dito’y makatotohanan at obhektibo ang paglalarawan at pagsasalaysay ng kapaligiran (setting), ng mga tao (ang mga dukha, mangmang, dayukdok, at ang may katangian ng pangkaraniwang mga tao), ng mga sentido at sensibilidad, impluwensya ng kalikasan at kapaligiran sa pag- unlad ng mga pagbabago sa tao, kasama na ang angkin nitong karunungan.
- Ipinakita rito ang pangunahing libangan ng mga tao noong panahon ng Espanyol. Ang pagsasabong kung saan ang lahat ay maaaring makasali mayaman man o mahirap.
- Hanggang sa kasalukuyan ay marami pang mga Pilipinong nahuhumaling sa pagsasabong. Kung saan dahil sa pagkakalulong sa bisyong ito ay napapabayaan na ang kanilang pamilya, nagkakaroon ng maraming utang at pinakanakalulungkot sa lahat ay napapariwara ang buhay.
- Makikita rito ang sabwatan kung saan idinawit ang pangalan ni Ibarra sa isang kaguluhang magaganap.
- Mahirap madawit sa ganitong sitwasyon, wala kang kaalam-alam na ginagamit na pala ang iyong pangalan sa isang masamang tunguhin o balak.