PUSPUSAN ang paghahanda sa bahay ni Kapitan Tiago. Mahilig siya sa pasiklab at ipinagmamalaki ang pagiging Manilenyo kaya’t gusto niyang malampasan ang karangyaan ng mga taga-probinsya. Ang isa pang dahilan kaya ibig niyang malaluan ang handa ng mayayaman sa pook na iyon ay ang kanyang anak na si Maria Clara, gayon din ang kanyang mamanuganging si Ibarra na lagging paksa ng halos lahat ng usapan.
Isa sa mga iginagalang na pahayagan sa Maynila ang naglathala sa pangmukhang pahina ng artikulo ukol kay Ibarra na may titulong “Tularan Siya!” at tumatalakay sa mga papuri ukol sa binata. Tinagurian siya ng naturang pahayagan na “binatang edukado” at “mayamang negosyante.” Dalawang linya sa ilalim nito ang nagsasaad ng “katangi-tanging pilantropo.” Sa sumunod na talata ay sinasabi naming “ang estudyante ni Minerva” na nagtungo sa Espanya upang dalawin ang tunay na pook ng sining at agham. Tinukoy rin siyang “ang Kastilang Pilipino, at iba’t iba pa.” Sinisikap ni Kapitan Tiago na tularan o malampasan pa si Ibarra. Pangarap naman ng matanda na makagawa ng sarili niyang proyekto, halimbawa ay ng isang kumbento.
Ilang araw bago sumapit ang pista ay may dumating na maraming kargamento sa bahay na tinutuluyan nina Maria Clara at Tiya Isabel; pagkain at mga inumin buhat sa Europa, malalaking salamin, mga guhit na larawan, at isang piyano.
Dumating din si Kapitan Tiago nang bisperas ng pista. Nang magmano sa kanya ang anak na dalaga ay iniabot ng matanda ang isang relikaryong ginto na nahihiyasan ng mga brilyante at Esmeralda. Naglalaman din ito ng isang maliit na pirasong kahoy na galling sa mismong bangkang-pangisda ni San Pedro. Ang bangkang yaon ang sinakyan ng Panginoong Hesus nang punuin niya ng isda ang lambat ng mga apostoles.
Wala nang hihigit pa sa kasiyahan sa pagkikita ni Kapitan Tiago at ng kanyang mamanugangin. Napag-usapan nila ang paaralan na gusto ni Kapitan Tiago na pangalanan ng San Francisco.
“Maniwala ka sa akin,” anang matanda. “Si San Francisco ay isang mabuting pintakasi. Ano ang mapapala mo kung ang ipangangalan mo sa paaralan ay ‘Paaralang
Primarya’? Sino ang primarying paaralang ito?”
Sa pagkakataong ito ay dumating ang ilang kaibigan ni Maria Clara at niyayang mamasyal ang dalaga.
“Huwag kayong magtatagal,” bilin ni Kapitan Tiago sa anak nang magpaalam ito. “Alam mo namang dumating na si Padre Damaso at ditto siya kakain ng hapunan.” Nilinga ng matanda si Ibarra na waring may iniisip noon.
“Bakit hindi ka makisalo sa amin?” ani Kapitan Tiago. “Nag-iisa ka ring lang sa iyong bahay.”
“Gusto ko nga po sana,” tugon ng binate na pinipilit iiwas ang tingin sa dalaga.
“Pero kailangan ko pong tumigil sa bahay at baka may dumating na bisita.”
“Isama mo na rin ditto ang mga kaibigan mo,” dugtong naman agad ni
Kapitan Tiago. “Sobra-sobra ang handa natin…at saka, gusto ko ring magkasundo kayo ni Padre Damaso.
“A… may iba pong panahon para riyan,” sagot ni Ibarra na halatang pilit ang ngiti. Humanda na rin ang binate na samahan sa pamamasyal ang mga dalaga.
Nanaog na sila. Si Maria Clara ay nasa gitna nina Victoria at Iday. Nasa hulihan si Tiya Isabel.
Sa lansangan, humanga ang lahat sa kagandahan ni Maria Clara. Wala na ang kanyang pamumutla. Bagaman waring may bahid lungkot ang kanyang mga mata, ang kanyang labi naman ay tila laging may nakabiting mga ngiti. Lahat ng masalubong na kababata ay binabati ni Maria Clara. Sa loob ng wala pang labinlimang araw ay nagbalik ang kanyang dating pagtitiwala sa sarili, ang katabilan na waring nalimutan niya sa loob ng kumbento. Tulad ng isang paruparong matapos lumabas sa kanyang cocoon o supot ay muling makikipagtalik sa mga bulaklak. Sapat na ang ilang sandal ng paglipad-lipad at masikatan ng araw upang mawala ang paninigas ng bagong sipot na paruparong ito mula sa kanyang supot. Tulad ni Maria Clara na nagkaroon ng bagong pananaw sa buhay. Bawat masdan ay marilag para sa kanyang pananaw.
May ilaw na ang bawat tahanan at ang mga lansangan ay naliligo sa musika.
Nang mapatapat ang pangkat nina Maria Clara sa bahay ni Kapitan Basilio ay natanaw sila agad ng nasisiyahang si Sinang. Bumaba ito ng bahay at nagmamadaling sumalubong.
“Pumanhik muna kayo. Magbibihis lamang ako. Inip na inip na nga ako sa pakikiharap sa mga nariritong hindi ko kilala at walang paksa ng usapan kundi manok at baraha.”
Umakyat sila. Marami ngang bisita sa bahay. Humanga ang lahat ng naroroon sa kagandahan ni Maria Clara. Hindi nakatiis ang ilang matatandang babae na hindi magparinig ng papuri. “Kamukha siya ng Birhen!” anila. Hindi nakatanggi ang pangkat sa anyayang uminom muna sila ng tsokolate.
Naging matalik na kaibigan at tagapagtanggol ni Ibarra si Kapitan Basilio mula pa nang idaos ang piknik. Nalaman din ng matanda mula sa telegrama na naging premyo ni Sinang na pabor kay Ibarra ang pasiya ng husgado. At sapagkat napagpasiyahan na ng kanilang labanan sa chess ang matandang usapin nila sa lupa ng yumaong Don Rafael Ibarra kaya’t iminungkahi ni Kapitan Basilio na ang salaping magugugol sana sa husgado ay isuweldo na lamang sa mga guro.
Matapos makainom ng tsokolate ay nakinig ang kabataan sa pagtugtog ng piyano ng organista ng bayan.
“Kung naririnig kong tumugtog iyan ng organo sa simbahan ay parang ibig kong sumayaw,” anang palabirong si Sinang. “Ngayon namang piyano ang tinutugtog niya ay parang ibig kong magdasal. Iyan ang dahilan kaya ako sasama sa inyo.”
“Gustomo bang makipaglaro sa amin ngayong gabi?” bulong ni Kapitan Basilio kay Ibarra habang papaalis na ang grupo. “Si Padre Damaso ang bangka.”
Ngumiti lamang si Ibarra at ikinilos ang ulo na hindi matiyak kung oo o hindi ang ibig sabihin.
“Sino ‘yon?” tanong ni Maria Clara kay Victoria at sinulyapan ang isang binatang sumusunod sa kanila.
“Pinsan ko,” tugon ni Victoria na parang balisa.
“At ang isang ‘yon?”
“Hindi ko pinsan ‘iyan,” ani Sinang. “Anak siya ng tiyahin ko.”
Napadaan sila sa tapat ng kumbento. Namangha si Sinang nang makitang nagliliwanag ang loob at may sindi ang mga ilawang dati ay ayaw pasindihan ni Padre Salvi para makatipid sa langis. Maririnig sa loob ang malalakas na hiyawan at tawanan. Makikita rin ang mga pari na palakadlakad at may malalaking tabako sa bibig. Ang ibang naroroon ay nagsusumikap na gayahin ang kilos ng mga pari. Sa suot nilang damitEuropeo ay mahuhulaan agad na mga opisyal sila o empleyado ng gobyerno.
“Masama ang loob ni Padre Salvi!” wika ni Sinang nang Makita ang pari. “Naiisip siguro niya ang laki ng gastos dahil sa dami ng kanyang panauhin. Pero makikita ninyo’t hindi siya ang magbabayad kundi ang kanyang mga sakristan.” “Tama na, Sinang!” saway ni Victoria.
“Hindi ko siya mapapatawad sa ginawa niyang pagsira sa Gulong ng Palad.
Ngayon ay hindi na ako nangungumpisal sa kanya.”
Nang mapadaan sila sa isang kanto sa plasa ay nakita nila ang isang ketongin na inaawit ang buhay ng mga isda sa saliw ng kanyang gitara. Nakasalakot siya nang malapad at gula-gulanit ang damit. May katangkaran ang lalaki at bagaman nakakanlungan ng salakot ang mukha ay mapapansin namang medyo bata pa siya. Inilapag niya ang isang basket sa harap at saka lumayong bubulong-bulong. Para siyang nangingilag sa mga taong nagdaraan. Nagsisilapit naman ang ilang babae at naglalagay ng mga limos na prutas, isda, bigas, at iba pa sa nasabing basket. Kapag napansin ng pulubi na wala nang lumalapit ay kukunin niya ang bakol at ililipat sa ibang lugar na matao.
Itinanong ni Maria Clara kung sino ang taong iyon.
“May sakit siyang ketong!” tugon ni Iday. “Matagal na niyang nakuha ang sakit na iyon. Ayon sa iba ay nahawa siya sa kanyang ina na inaalagaan niya noon. Sabi naman ng iba ay nagkaketong siya dahil sa tagal ng pagkakakulong. Sa bukid siya naninirahan… sa malapit sa sementeryo ng mga Intsik. Wala siyang kakilala. Nilalayuan siya ng lahat dahil sa takot na mahawa. At ang kanyang bahay, labas-masok ang hangin, ulan, at sikat ng araw. Parang karayom na tumutusok sa damit.
Pinagbabawalan siyang humipo ng ano mang pag-aari ng iba. Isang araw ay may isang munting batang nahulog sa kanal. Hindi naman kalaliman ang kanal. Nagkataong nagdaraan noon ang ketongin at tinulungan niyang makaahon ang bata. Nabalitaan ito ng ama ng bata at nagsumbong sa alkalde. Nilatigo nang anim na beses ang ketongin sa gitna ng kalye, pagkatapos ay sinunog ang latigo. Kahindik-hindik iyon! Tumatakbo ang ketongin at hinahagad naman siya ng palo ng taga-latigo. ‘Dapat maging aral sa iyo ito!’ sigaw ng alcalde. ‘Mabuti pang nalunod ang bata kaysa sa mahawahan ng sakit mo!’”
“Totoo?” bulong naman ni Maria Clara.
Parang hindi alam ang ginagawa, mabilis na tinungo ni Maria Clara ang basket ng ketongin at inihulog sa loob ang relikaryong kabibigay pa lamang ng kanyang ama.
“Ano ang ginawa mong iyan?” sigawan ng nagtatakang mga kaibigan.
“Wala akong ibang maililimos,” tugon ng dalaga na pinipilit ikubli sa ngiti ang kanyang luha.
“Pero ano ang mapapakinabang niya sa iyong kuwintas?” tanong ni Victoria. “Minsan ay binigyan siya ng salapi ngunit iyon ay itinulak niya ng patpat. Bakit siya mangangailangan ng pera? Wala naming tatanggap ng galing sa kanya. Kung makakain sana ang kuwintas mo!”
May pagkainggit na tiningnan ni Maria Clara ang mga babaing nagtitinda ng mga prutas, at pagkatapos ay nagkibit ng balikat.
Ngunit nilapitan ng ketongin ang kanyang basket. Kinuha ang kumikislap na alahas. Lumuhod at hinagkan ito. Pagkatapos ay inalis ang takip sa mukha at siniil ng halik ang lupang niyapakan ni Maria Clara.
Itinakip ni Maria Clara ang abaniko sa kanyang mukha at itinaas ang kanyang panyolito.
Samantala, isang babae ang lumapit sa pulubi na waring nagdarasal. Nakalugay ang gusot na buhok ng babae. Sa tulong ng sinag ng mga ilawan ay makikilalang siya si Sisa, ang baliw. Nang madama ng lalaki ang hipo ni Sisa ay napalukso ang ketongin. Ngunit nahawakan siya sa kamay ng baliw sa gitna ng panghihilakbot ng lahat.
“Magdasal tayo! Magdasal tayo! Ito ang araw ng mga patay! Ang mga liwanag na iyon ay mga buhay ng tao! Ipagdasal natin ang aking mga anak!”
“Paghiwalayin ninyo sila! Mahahawa siya!” sigawan ng mga naroroon. Ngunit walang naglakas-loob na lumapit.
“Nakikita ba n’yo ang liwanag na iyon sa tore? Iyon ang anak kong si Basilio na nagpapadausdos sa lubid, Nakikita ba n’yo ang isa pang liwanag sa kumbento? Iyon ang anak kong si Crispin. Pero hindi ko sila malalapitan sapagkat may sakit ang pari. Marami siyang mga gintong salapi ay untiunting nawawala ang mga salaping gintong iyon. Magdasal tayo! Magdasal tayo! Magdasal tayo para sa kaluluwa ng pari! Nang dalhan ko siya ng mga prutas ay maraming bulaklak ang hardin ko; at may dalawa akong anak. May hardin ako ng mga bulaklak. May dalawa akong anak!”
Binitawan ni Sisa ang ketonging lalaki at umalis na umaawit ng “May hardin ako ng bulaklak. May mga anak ako at hardin ng mga bulaklak!”
“Ano na ang nagawa mo para sa babaing iyon?” tanong ni Maria Clara kay Ibarra.
“Wala pa. Hindi siya matagpuan nang nakaraang mga araw,” sagot ng binate na may himig pagkapahiya. “At saka, abalang-abala ako. Pero huwag kang mag-alala. Nangako sa akin ang pari na tutulungan ako bagaman palihim. Posibleng may kinalaman ang mga guardia civil. Interesado ang pari sa babaing iyon.”
“Hindi ba sabi ng tenyente ay iuutos niya ang paghahanap sa dalawang bata?”
“Oo… Pero nang ipangako niya iyon ay medyo siya… lasing!”
Kasasabi pa lamang niya ito nang Makita nilang kala-kaladkad ng isang guardia civil ang baliw na babae.
“Bakit mo siya inaresto? Ano ang kasalanan niya?” tanong ni Ibarra.
“Ano? Hindi ba ninyo nakikitang nanggugulo siya?” sagot ng tinanong.
Nagmadaling dinampot ng ketongin ang kanyang basket at mabilis na lumayo.
Nagyaya nang umuwi si Maria Clara. Biglang nawala ang kanyang sigla.
Lalong naragdagan ang lungkot ng dalaga nang pagsapit nila sa kanilang bahay ay tumangging umakyat si Ibarra. Para kay Maria Clara, lubhang kabagot-bagot ang pista kung nananatili sa bahay ang isang tao upang maghintay sa pagdating ng hindi inaasahang bisita.