Ano ang Elehiya?
Ang Elehiya ay isang tulang liriko na naglalarawan ng pagbubulay-bulay o guniguni na nagpapakita ng masidhing damdamin patungkol sa alaala ng isang mahal sa buhay. Ito’y tula ng pagnanangis, pag-alaala at pagpaparangal sa mahal sa buhay na ang himig ay matimpi at mapagmuni-muni at ‘di masintahin.
Elemento ng Elehiya
- Tema- ito ang pangkabuuang kaisipan ng elehiya. Ito ay kadalasang kongkretong kaisipan at maaaring pagbatayan ang karanasan.
- Kaugalian sa tradisyon- mga partikular na kaugalian ng isang pangkat ng tao sa lipunan na nasasalamin sa tula.
- Wikang Ginamit
- Pormal- naaayon sa pamantayan ang mga salitang ginamit.
- Impormal- salitang madalas gamitin sa pang-araw-araw na pakikipag-usap.
Talasalitaan:
- isinugo :pag-uutos sa isang tao bilang kinatawan o tagapaghatid ng mensahe
- ipagbunyi: nagpapamalas ng dignidad at pagiging kagalang- galang sa kilos at anyo
- masaklap: damdamin ng isang nabigô
- pighati: matinding sakit na nadarama ng isip at katawan
- immortal: tao na nananatiling bantog; walang kamatayan
- nagluksa: pagpapahayag ng dalamhati lalo na sa namatay
- unos: malakas at mahanging buhos ng ulan
Sipi ng Akda
I
Hindi napapanahon!
Sa edad na dalawpu’t isa, isinugo ang buhay
Ang kanyang malungkot na paglalakbay na hindi na matanaw
Una sa dami ng aking kilala taglay ang ‘di mabigkas na pangarap
Di maipakitang pagmamahal
At kahit pagkaraan ng maraming pagsubok
Sa gitna ng nagaganap na usok sa umaga
Maniwala’t dili panghihina at pagbagsak!
II
Ano ang naiwan!
Mga naikuwadrong larawang guhit, poster at larawan,
Aklat, talaarawan at iba pa.
Wala nang dapat ipagbunyi
Ang masaklap na pangyayari, nagwakas na
Sa pamamagitan ng luha naglandas ang hangganan, gaya ng paggunita
Ang maamong mukha, ang matamis na tinig, ang halakhak
At ang ligayang di- malilimutan.
III
Walang katapusang pagdarasal
Kasama ng lungkot, luha at pighati
Bilang paggalang sa kanyang kinahinatnan
Mula sa maraming taon ng paghihirap Sa pag-aaral at paghahanap ng magpapaaral
Mga mata’y nawalan ng luha, ang lakas ay nawala
O’ ano ang naganap,
Ang buhay ay saglit na Nawala
IV
Pema, ang immortal na pangalan
Mula sa nilisang tahanan
Walang imahe, walang anino at walang katawan
Ang lahat ay nagluksa, ang burol ay bumaba, ang bukid ay nadaanan ng unos
Malungkot na lumisan ang tag-araw
Kasama ang pagmamahal na inialay
Ang isang anak ng aking ina ay hindi na makikita
Ang masayang panahon ng pangarap.
Maikling Panunuri sa Mensahe at Nilalaman ng Akda
• Ito ay nagpapaalala sa atin na ang buhay natin sa mundo ay hindi natin alam kung hanggang kailan. Kaya naman mahalaga na sa bawat araw na magdaang kasama natin ang ating mga mahal sa buhay, ipaalala at iparamdam natin sa kanila ang ating pagmamahal at pagpapahalaga. Para kung dumating man ang panahon na sila ay bumalik na sa Dakilang Lumikha ay wala tayong pagsisisihan.
• Maikli lamang ang buhay kaya naman piliin na lamang nating maging mabuti sa mga taong nakapaligid sa atin.
• Ano ang naiwan!! mga naikuwadrong larawang.guhit, poster at larawan.” – Minsan ang mga larawan at gamit ng mga mahal natin sa buhay na yumao ang magpapaalala sa atin ng mga panahong nakasama natin sila.
• “Wala nang dapat ipagbunyi, ang masaklap na pangyayari ay. nagwakas na.”- Lahat ng kamatayan o pagkawala ay masakit, nagdadala ito ng matinding kalungkutan sa mga taong naiwan nila.
“Sa pamamagitan ng luha naglandas ang hangganan, gaya ng paggunita. Ang maamong mukha, ang matamis na tinig, ang halakhak at ang ligayang di- malilimutan.”- Gaano man kasakit ang pagkawala ng ating minamahal mahalaga pa ring alalahanin natin ang mga masasayang panahon na nakasama natin sila.
• “Mula sa maraming taon ng paghihirap, Sa pagpapa-aaral at paghahanap ng magpapaaral. Mga mata’y nawalan ng luha, ang lakas ay nawala. O’ ano ang naganap, ang buhay ay saglit na nawala”– Ano man ang ating narating sa buhay mataas man ito o mababa ang katapusan natin ay palaging sa huling hantungan, kamatayan.
• “Pema ang immortal na pangalan. Mula sa iisang tahanan. Walang imahe, walang anino, walang katawan. Ang lahat ay nagluksa ang burol ay bumaba, ang bukid ay nadaanan.” Dahil sa kamatayan ni Pema naging maingay ang kaniyang pangalan na parang walang katapusan. Marami ang nanghinayang. Nagluksa ang mga kaibigan, kaiskwela at kapamilya dahil sa sinapit niya.