Si Tandang Selo ay isang mangangahoy na nakatira sa pusod ng gubat. Puti na ang kanyang buhok, ngunit napanatiling malusog ang pangangatawan. Hindi na siya nangangaso o namumutol ng mga kahoy dahil sa bumuti na ang kanyang kabuhayan. Gumagawa na lamang siya ngayon ng walis. Kasamá sa lupain ng kapitalista ang anak niyang si Telesforo, kilalang Tales na nang lumaon ay nagkaroon ng dalawang kalabaw at ilang daang piso kaya minabuting magsarili, sa tulong ng ama, asawa, at tatlong anak.
Naghawan ng ilang bahagi ng makapal na gubat sa dulo ng bayan, isang sukat ng lupaing inakala niyang walang nagmamay-ari at tinamnan iyon. Sa panahong binubungkal at nililinang niya ang lupa, sunud-sunod na nilagnat ang buong pamilya, yumao ang ina, kasunod ang panganay na anak na si Lucia. Ganti ng mga espiritu sa gubat, sabi ni Tales sa sarili at umasang mapalulubag ang kalooban ng mga iyon. Ngunit nang aanihin na nila ang bunga ng unang tanim, inangkin ng isang relihiyosong korporasyon ang lupaing iyon, saklaw raw ng hangganan ng kanilang lupain na pinatunayan ng paglalagay ng mga muhon. Pumayag na si Tales na magbayad ng maliit na buwis taun-taon, mga dalawampu o tatlumpung piso sa administrador ng korporasyon.
Umiwas si Tales na isalpok ang palayok sa isang kawali: siya ang palayok, kawali ang korporasyon. Mahiligin sa kapayapaan, nagpailalim siya sa mga prayleng nag-isip na di siya marunong ng Espanyol at walang pambayad sa abogado.
“Pasensya na lang,” sabi ni Tandang Selo, “higit na magastos ang pag-aasunto kaysa magbayad nang makasampu sa mga prayleng puti. Tatapatan naman siguro iyon ng mga misa.
Ipagpalagay mo na lang na natalo sa sugal o nahulog sa tubig at kinain ng buwaya ang salaping ibinayad mo!”
Naipagbili sa mataas na halaga ang masaganang ani nang taong iyon at inisip ni Tales na magpatayo ng bahay sa baryo ng Sagpang sa bayan ng Tiani na kalapit ng San Diego. Datapwat, nang naging mabuti rin ang ani nang sumunod na taon, itinaas ng mga prayle ang buwis sa lupa nang limampung piso at binayaran iyon ni Tales upang makaiwas sa gulo.
“Ipagpalagay mo na lamang na lumaki ang buwaya,” sabi ni Tandang Selo sa anak.
Natupad ang pagpapatayo ni Tales ng bahay sa baryo Sagpang at inisip niyang pag-aralin ang dalawang anak, lalo na si Juli na kinikilalang kaaya-aya at maganda. Katulad ito ng binatilyong si Basilio na nag-aaral na sa Maynila at galing sa dukhang pinagmulan. Ngunit waring hindi ito matutupad.
Nang makitang unti-unti nang umuunlad ang pamilya, hinirang si Tales na kabesa ng barangay, katulong ang pinakamasipag na kasapi ng pamilya, si Tano, ang lalabing-apat na taong gulang niyang anak. Tinawag na Kabesang Tales, kinailangan niyang magpatahi ng tsaketa at bumili ng sumbrerong pyeltro at humanda sa gastos, tulad ng pag-aabono sa kulang sa siningi! na mga buwis.
“Pasensya na, ipagpalagay mo na lang na dumating ang mga kamag-anak ng buwaya!” sabi ni Tandang Selo na payapa ang tono ng mga salita.
“Sa isang taon, magdadamit ka ng de-kola at mag-aaral ka sa Maynila tulad ng mga senyorita sa bayan,” sabi ni Kabesang Tales sa anak na si Juli na laging nagbabalita ng tungkol sa patuloy na pag-unlad ng kababatang si Basilio.
Nagkaroon ng isa pang pagtaas ng buwis sa dumating na taon na nagpakunot-noo at ipinagkamot ng ulo ni Kabesang Tales. Nang umabot na sa dalawandaang piso ang buwis, hindi na nagkamot ng ulo ang kabesa, nagbuntong-hininga ito, bumulung-bulong na tumututol.
Sinabihan siya ng prayleng administrador na ipagagawa sa iba ang lupa kung hindi niya kayang bayaran ang buwis. Akala niya’ y nagbibiro ang administrador, ngunit itinuro nito ang kasamang alila na handang kumuha ng lupa. Noon namutla ang kabesa, umugong ang tainga, hinarangan ng maputing ulap ang paningin at nakita niya roon ang asawa’t anak na babae, mapuputla, nangangayayat, nagdedeliryong biktima ng paulit-ulit na lagnat. At naguniguni niya na naging bukid ang makapal na gubat, nadilig ng pawis ang mga unang tanim dito at nakita niya ang sarili, nag-aararo sa init ng araw, nagkakasugat-sugat ang mga paa sa mga bato’t ugat, samantalang ang dayuhang ito, nang dumating sa kanyang lupain ay hindi man lamang nagdala ng isang dakot na alikabok! Ano ang karapatan nito sa lupang kanyang sinasaka? Naghimagsik si Kabesang Tales, tumangging magbayad ng buwis at nabubulagan na, sumumpang isusuko lamang ang pinaghirapang lupa sa unang tao na makapagdidilig dito ng sariling dugo. Hindi na binanggit uli ni Tandang Selo ang mga buwaya, ngunit ipinagunita sa anak ang tungkol sa palayok na yari sa luad at pamumulubi ng isang nanalo sa asunto.
Nag-asunto nga si Kabesang Tales dahil walang maipakitang papeles ang mga prayle at tinanggap niyang iilan lamang ang nagmamahal sa katarungan at gumagalang sa mga batas.
“Naglingkod ako sa Hari ng maraming taon na ang puhunan ay pagod at salapi. Ngayon, hinihingi ko na ibigay niya sa akin ang katarungan at kailangang ibigay niya sa akin ito.”
Noon lamang nakita ang gayong labanan sa Pilipinas: isang kaawa-awang mangmang at walang kaibigang nananalig sa kanyang karapatan at halaga ng kanyang usapin laban sa makapangyarihang korporasyong sinasaluduhanng katarungan. Luad na palayok na sumasalpok sa mga kawali-kahanga-hanga sa taglay na kadakilaan ng kawalang-pag-asa. Nang lumaon, naglibot na ang kabesa sa kanyang lupain, dala ang kanyang eskopeta, binabaril ang mga ibon at prutas, pati mga paruparo, sinasabing may mga tulisang kailangang hadlangan na siya’ y mahulog sa mga kamay ng mga ito. Hindi na makapunta sa baryo Sagpang ang prayleng administrador nang walang kasamang mga gwardya sibil; samantala, tinatanaw na lamang ng alila buhat sa malayo ang nakasisindak na anyo ng kabesa na naglilibot sa kanyang lupain na parang isang tanod!
Hindi mabigyan ng katwiran ng mga hues de pas si Kabesang Tales sa takot na matanggal sa pwesto. Hindi naman masasama ang mga ito: mahuhusay na ama ng pamilya, mababait na anak, at higit nitong alam na pahalagahan ang kalagayan ng kaawa-awang si Tales. Alam din ng mga ito na walang papeles ang mga prayle at ayon sa batas, hindi makapag-aangkin ng mga lupain.
Ngunit galing ang mga ito sa malayong lupain, may pamilyang nangangailangang tustusan tulad ng isang inang kailangang padalhan ng magagastos. May babanal pa ba sa isang taong nagpapakain sa kanyang ina? Naniniwala rin ang mga huwes na ginagawa ng mga ito ang lahat ng magagawa sa pagbibigay-payo para sa isang areglo: bayaran na ni Kabesang Tales ang mga hinihingi sa kanya. Ngunit walang papeles ang mga prayle at ang tanging batayan ng pag-aari ng mga ito sa lupa ay ang sapilitang pagbabayad niya ng upa.
“Kung araw-araw kong lilimusan ang isang pulubi upang di niya ako abalahin, sino naman ang pipilit sa akin na maglimos kung inaabuso na ang kabutihang-loob ko?” paliwanag ng kabesa.
Namagitan din ang gobernador at tinakot pa siya, ngunit ganito ang kanyang isinagot:
“Gawin na ninyo sa akin ang gusto ninyo dahil ako’ y mangmang at walang lakas, pero nilinang ko ang gubatina ito, namatay sa pagtulong sa akin ang aking asawa at panganay na anak. Isusuko ko lamang ang lupaing ito sa isang makahihigit sa ginawa ko-ang diligin niya ito ng dugo at ilibing dito ang kanyang asawa’t anak!”
Sa katigasan ng ulo ni Tales, pinanigan ng mga huwes ang mga prayle. Pinagtawanan siya ng marami at sinabihang hindi niya maipapanalo ang usapin dahil sa katwiran. Nagpatuloy pa rin sa pangangalaga sa kanyang lupain na dala ang baril na may kargang bala, nililigid niya ang kanyang ari-arian, Ang mabait na si Tano ay kinuha para maging sundalo ngunit hindi pa siya nagbayad para magkaroon ito ng kapalit.
“Sa abogado ko ibabayad ang salaping para sa kanya,” sabi ni Kabesang Tales. “Kung mananalo ako sa usapin, maibabalik ko siya, pero kung ako’y matatalo, hindi ko kailangan ang anak!”
Hindi binati nang ilang araw ni Tandang Selo ang anak, gayunpaman, maging nang magkasakit si Juli, ni isang patak na luha’y walang nakita sa kabesa. Hindi ito lumabas sa bahay nang dalawang araw, waring takot na pagbintangan ng mga kanayon na pumatay sa sariling anak. Dala ang baril, sa ikatlong araw ay lumabas ito ng bahay. Kinatakutan na ito ng mga prayle.
Hindi nagtagal, may ibinabang batas na nagbabawal ng pagdadala ng baril. Itak naman ang isinukbit ni Kabesang Tales sa kanyang baywang. Inalisan din siya ng itak dahil napakahaba nito, kaya ang dinala niya ay palakol. Dahil malayo sa bayan ang taniman nito, nabihag naman siya ng mga tulisan. Sinabi sa kanya ng mga ito na kung may pambayad siya sa mga hukom, dapat na may ibayad din siya sa mga tulisan. At kung magtatagal na hindi siya matubos sa halagang limandaang piso, pupugutan siya ng ulo.
Natuliro sina Tandang Selo at Juli. Manhik-manag ang matanda samantalang ang dalaga naman ay dumudulog sa larawan ng mga santo na madagdagan ang dalawandaang piso na pera niya. Nang walang nangyari, nagbili si Juling lahat ng kanyang mga alahas: suklay, hikaw at kwintas, maliban sa isang agnos na bigay ni Basilio. Nang tangkaing ipagbili ang bahay ng kabesa, walang pumatol dito dahil hindi ang tunay na may-ari ang nakikipagkasundo at nang tangkain naman itong isangla, walang nangyari dahil matatalo ang kaso, sabi ng lahat. Isang matandang babaeng naawa kay Juli ang nagpautang ng salapi sa dalaga sa kasunduang paaalila ito hanggang sa mabayaran ang utang. Nagdalamhati ang maglolo: hindi nahiga at natulog nang nakaupo ang matanda; samantala, hindi rin mapikit si Juli sa pag-aalala sa kalagayan ng ama at sa sarili bilang isang alila simula kinabukasan, Sa araw pa namang iyon uuwi si Basilio na may dalang regalo sa kanya.
“Ang mabuti pa’y limutin na niya ako. Magiging manggagamot siya at hindi bagay sa kanya ang isang maralita. Makatatagpo siya ng isang mayamang dalaga, samantalang ako, susunud-sunuran sa aking panginoon na dala ang nobena, hitso, at duraan…”
Nag-alala pa rin si Juli. Mababatid ng uuwing si Basilio na minabuti pa niyang isangla ang sariling katawan kaysa ang agnos na bigay nito. Marami pang naguniguni ang dalaga, tulad ng himalang makatuklas ng dalawandaan at limampung piso sa ilalim ng larawan ng Birhen, makapulot kaya ng isang gusing ginto sa bakuran nila, o kaya hindi na sumikat ang araw at maipanalo ang kaso ng ama sa kinabukasan. Hanggang sa makarating sa bundok ang gunguni ng dalaga at makitang kasama sa paliligo ang dalawang kapatid, si Basilio na nasa ilalim ng tubig, ngunit hindi niya maintindihan kung bakit kamukha ito ng kapatid na si Tano. At mula sa pampang ng ilog, lihim na nagmamatyag ang bagong paglilingkurang babae.
Pinaghanguan: El Filibusterismo Efren R. Abueg at Magdalena C. Sayas