Ang Kabisayaan


Ang Kabisayaan ay ang pangatlo sa pinakamalalaking pangkat ng mga pulo sa Pilipinas. Nangunguna sa mga ito ang Luzon at pumapangalawa naman ang Mindanao.


Sinasabing ang pangalang Visayas ay nagmula sa salitang Malay na Srivijaya. Ang Sri sa salitang Sanskrit ay nangangabulugang “mapalad,” “mayaman,” “masaya, samantalang ang salitang vijaya ay nangangahulugang “matagumpay” o “mahusay” Samakatuwid, pawang positibo ang kahulugang taglay ng salitang Visayas o Bisaya na kítang-kita naman sa mayamang mga baybayin, masaganang lupain, magagandang tanawin, at sa magigiliw at masayahing mga mamamayan.


Ang Kabisayaan ay binubuo ng 3 rehiyon, 39 na lungsod, 369 na bayan o munisipalidad, at 11,444 na barangay. Naitala rito ang kabuoang 20,583,861 populasyon ayos sa taong 2020 na datos.


Makasaysayan ang mga pulo ng Kabisayaan. Dito dumaong ang mga Espanyol na sumakop sa ating bansa sa pamumuno ni Ferdinand Magellan noong Marso 16, 1521 sa may Pulo ng Homonhon. Sa Kabisayaan unang lumaganap ang Kristiyanismong dalá ng mga Espanyol at dito rin unang nanindigan ang bayaning si Lapulapu nang tumanggi siyang magpasakop at mapatay niya si Magellan sa labanan sa Mactan.


Ang ilan pa sa mga bayaning umusbong mula sa Kabisayaan ay sina Graciano Lopez Jaena na isang mamamahayag at Teresa Magbanua tinaguriang “Visayan Joan of Arc” mula sa Iloilo, Leon Kilat pinuno ng rebolusyon mula sa Negros Oriental, at ang dalawang personalidad na nagpasimuno ng rebelyon sa Bohol laban sa mga Espanyol na sina Tamblot at Francisco Dagohoy.

Sanggunian: Pinagyamang Pluma 7


Exit mobile version