Mga Pangunahing Tauhan:
- Datu Ramilon – ama ni Kang
- Kang – isang napakagandang binibini na anak ni Datu Ramilon
- Laon – Ang isang mapalad na manliligaw ni Kang at kanyang napili upang maging asawa
- Datu Sabunan – isa sa mga sugid na manliligaw ni Kang, Datu ng Palawan
Mga Talasalitaan:
- bantog: Kilalá sa lahat ng dáko dahil sa pangyayari, kalagayan, o gawa.
- pamimintuho: Pagsuyo sa isang pinag-uukulan ng pagmamahal; panunuyo ng isang umiibig na laláki.
- mangingibig: Táong nanunuyo, nagpapahayag ng pag-ibig o nanliligaw.
- tugon: Pagsagot sa itinatanong.
- idaraos: Pagganap sa isang gawain o pagkaganap ng isang pangyayari.
- dote: Salapi o ari-ariang ibinibigay ng lalaki sa magulang ng babaeng mapapangasawa bago ikasal.
- nalipol: Pag-ubos sa mga kalaban; pagpuksa sa mga kaaway.
- ibúrol: Paglalagay ng isang bangkay maging sa punerarya o sa bahay man, mula sa pagkamatay nitó hanggang sa paglilibing.
- buról:Munting bundok; gulod.
Sipi ng Akda:
Natatangi sa Negros ang baranggay ni Datu Ramilon dahil sa kaniyang kahanga-hangang katapangan at kabaitan. Dagdag pa sa pagiging bantog ng datu ang pagkakaroon ng napakagandang anak na nagngangalang Kang.
Hindi tumututol si Datu Ramilon sa pamimintuho ng kalalakihan sa kaniyang anak dahil sa siya ay maunawain at mapagmahal na ama. Madalas nga niyang sinasabing “ang lalaking maibigan ng aking anak na si Kang ay hindi ko tututulan. Igagalang ko ang kaniyang kapasiyahan kung ito ang kaniyang ikaliligaya.”
Sa dinami-dami ng mangingibig ni Kang, ang nagkapalad ay si Laon na anak ng isang raha sa kalapit nilang baranggay. Isang araw, naglakas-loob ang magkasintahang magtapat.
“Ama, may sasabihin po sa inyo si Laon,” ang bungad ni Kang kay Datu Ramilon.
“Magsalita ka, binata,” tugon ng datu. ” Ano ang iyong pakay?”
“Nais ko pong hingin ang inyong pahintulot sa aming pag-iibigan ni Kang.” pagtatapat ni Laon.
“Wala kang aalalahanin,” sagot ni Datu Ramilon.
“Humanda kayo at idaraos natin ang inyong kasal sa kabilugan ng buwan.”
Naghandog si Laon ng dote kay Datu Ramilon. Sagana ang hapagkainan sa masasarap na pagkain bilang pagsalubong sa pagtataling-puso nina Kang at Laon.
Subalit hindi pa natatapos ang seremonya ng kasal ay biglang narinig ang malakas na tinig ng isang kawal. “Mahal na Datu Ramilon! Mahal na Datu Ramilon! Dumarating po ang pangkat ni Datu Sabunan!“
Si Datu Sabunan ng Palawan ay masugid na manliligaw ni Kang. Nagpasiya itong lumusob sa baranggay ni Datu Ramilon sapagkat nabalitaan nitong ikakasal sina Kang at Laon. Mabilis na iniutos ni Datu Ramilon na harapin ng kaniyang mga kawal ang kalaban. Naganap ang madugong labanan at sa kasamaang-palad ay nalipol ang pangkat ni Datu Ramilon, kabilang sina Kang at Laon.
Sa tibay ng pag-iibigan nina Kang at Laon, natagpuan ang kanilang bangkay na magkayakap. ‘Di nagtagal ay may lumitaw na munting burol sa kinamatayan ng magkasintahan.
“Aba! Lumalaki ang burol na kinalugmukan nina Kang at Laon!” nasabi ng isang kawal.
“Oo nga at tila nagiging mabilis ang paglaki nito,” ayon naman sa kausap.
Mula noon ang dating maliit na burol ay naging isang malaking bundok. Tinawag ito ng mga tao na bundok nina Kang at Laon subalit sa paglipas ng panahon, ito ay kinilalang bundok ng Kanlaon.
Sanggunian: Ramos, Maria S. 1984. Katha Publishing Company. Quezon City
Karagdagang Kaalaman:
- Ang Alamat ay isang panitikan na pumapaksa tungkol sa pinagmulan ng isang tao, bagay, lugar o pangyayari.
- Ang Bulkang Kanlaon ay isang aktibong bulkang matatagpuan sa isla ng Negros sa Bisaya. Isa ito sa may pinakamataas na lugar sa Bisaya. Nasasakop din nito ang mga probinsya ng Negros Occidental at Negros Oriental. Ito rin ay sikat sa mga umaakyat ng mga bundok.
- Mayaman ang Visayas sa mga alamat. Maraming lugar dito ang nagkaroon ng pangalan batay sa alamat noong panahon ng mga Espanyol. Isa na rito ang pinagmulan ng Negros na dating tinatawag na “buglas”, na ang ibig sabihin ay humiwalay. Pinaniniwalaang ang Negros noon ay dating bahagi ng isang malaking pulo na dahil sa paglaki at pagtaas ng tubig ay naputol at humiwalay sa malaking bahagi ng lupa.
- Ang mensaheng nais iparang ng Alamat ay hindi natin maipagpipilitan ang isang pag-ibig. Ang pag-ibig ay kusang kumakatok sa dalawang taong nagmamahalan at handa itong ipaglaban ano mang pagsubok ang harapin.